buksan ang muog ng iyóng bilangguan, aagawin kitá kamáy ng dalubhasàng pananalig, at maputing kalapati, magiging Fenix kang muling sísipót sa mainit na abó....! Isáng
panghihimagsik na binalak ng mga tao sa gitna ng kadilimán ay siyang naglayo sa akin sa piling mo; isá namang paghihimagsik din ang mag-aabóy sa akin sa mga bisig mo, bubuhay sa aking muli at ang buwang iyan, bago sumapit sa kaniyang kabilugan ay tatanglawán ang Pilipinas na linís na sa karimarimarim niyáng yamutmót.
Biglâng huminto si Simoun na waring natigilan. Isáng tingig ang tumátanóng sa loob ng kaniyang budhi kung siya, si Simoun, ay hindi bahagi rin ng yamutmót ng kalaitlait na bayan, ó marahil ay siya pa ang bulók na may lalong masidhing singaw. At kagaya ng mga magbabangong patay pagtugtóg ng pakakak na kakílákilabot ay libo libong marugong multó, mğa aninong nanggigipuspos ng mga lalaking pinatay, mga babaing ginahasà, mğa amáng inagaw sa kanilang mga anák, masasamang hilig na inudyukán at pinalusog, mga kabaitang hinalay, ay nangagsipagbangon ngayon sa tawag ng matalinghagang katanungan. Noón lamang, sa kaniyang masamang pamumuhay sapol nang sa Habana, sa tulong ng masamang hilig ng pagsuhol ay tinangkâ niya ang pagyari ng isang kasangkapan upang magawa ang kaniyang mga balak, isáng taong walang pananalig, walang pag-ibig sa bayan at walâng budhi, noón lamang, sa kabuhayang yaón, tumataliwakás ang isang bagay sa loob niyang sarili at tumututol ng laban sa kaniyang mga inaasal. Ipinikit ni Simoun ang kaniyang mga matá at malaong namalagi na walang katinagtinag; matapos ay hinaplós ang kaniyang noo, ayaw silayan ang kaniyang budhi at natakot. Ayaw, ayaw suriin ang kaniyang sarili, kinulang siya ng katapangan upang lingunin ang dakong kaniyang dinaanan.... Kulangin pa namán siya ng katapangan nang nálalapít na ng sandali ng pagkilos, kulangin siya ng paniniwalà, ng pananalig sa sarili! At sa dahilang ang mga kakilákilábot na larawan ng mga sawing palad, na siya ay nákatulong sa sinapit, ay nasa sa kaniyang harapán pa rin na wari'y nangagsisipanggaling sa makinang na ibabaw ng ilog at nilulusob ang silid na sinisigawán siya't inilalahad sa kaniya ang mga kamay; sa dahilang ang mga sisi at panaghoy ay waring namumuno sa hangin at nádidingig ang