Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/184

From Wikisource
This page has been proofread.


— 178 —

—¡Ibig ko sanang makiutang ng loob sa inyó...., dalawáng salita lamang!—ang sabi.

Si Simoun ay umanyông may pagkainip, bagay na sa katuligán ni Plácido ay hindi nápuná. Sa ilang salita'y isinalaysay ng binatà ang nangyari sa kaniyá at ipinahayag ang nasàng tumungo sa Hongkong.

—¿At bakit?—ang tanong ni Simoun na tinitigan si Plácido sa tulong ng kaniyáng mga salamíng bughaw.

Hindi sumagot si Plácido. Sa gayo'y tumingalâ si Simoun at ngumiti ng dati ring ngiting tahimik at malamlám, at sinabi kay Plácido na:

—¡Siya! sumama kayo sa akin. ¡Sa daang Iris!—ang sabi sa kotsero.

Sa boong linakaran ay namalaging walang imík si Simoun na waring may iniisip na isáng malaking bagay. Sa pag-aantay ni Plácido na siya'y kausapin ay hindi bumibigkás ng anománg salita at naglibáng sa pagmamasid sa maraming naglalakád na sinasamantalá ang kaliwanagan ng buwan. Mga binatà, magkakaakbáy na magkasintahan, mga nagkakaibigan na sinúsundán ng mğa maiingat na iná ó mğa mali; pulúpulutong na mga nag-araal na nakadamit ng puti na lalò pa mandíng pinatitingkád ng buwan ang kaputián; mga sungdalong halos lasing na nangakakaruahe, anim na paminsan, na dadalaw sa sambahang pawid na ukol kay Cíteres; mga batang naglalaro ng tubigán, mğa insík na nagtitinda ng tubo at ibp., ang pumupunô sa dináduanan at sa liwanag na maningning ng buwan ay nagkakaroon ng anyông mamalikmatà't mga kaayaayang ayos. Sa isang bahay ay tumutugtog ng mga balse ang orkesta at nakikita ang iláng magkalangkáy na nagsasayawan sa liwanag ng mga kinké at lámpara.... inapakahabag na pánoorin iyon sa ganáng kaniyá kung ipapara sa nakikita sa mga lansangan! At sa pag-iisip ng ukol sa Hongkong ay itinatanong sa sarili kung ang mga gabing may buwan sa pulông yaon ay kasíng inam, kasíng sasarap ng sa Pilipinas, at isang matinding kalungkutan ang bumálot sa kaniyang puso.

Ipinag-utos ni Simoun na huminto ang sasakyan at lumunsád siláng dalawa. Nang mga sandaling yaon ay siyáng pagdaraan sa kanilang tabi ni Isagani at ni Paulita Gómez na nagbubulungan ng matatamis na salità; sa likurán ay kasu-