ay galing sa pagiging isáng maralitang sakristang mapakumbaba't masunurin, na nagasawa sa isang magandáng dalaga na ang naging anák ay inanák ng kura....
Patuloy si kabisang Andáng ng pagtutukoy sa mga pilipinong mapakumbaba at paciencioso, gaya ng sabi niya, at babanggit pa sana ng ibá na dahil sa hindi gayón ay nangápatapon at pinag-uusig, nang si Plácido, dahil sa isáng munting bagay na dinahilán, ay umalís at naglagalág sa inga lansangan.
Linibot na tátanğá-tangá at masama ang uló ang Sibakong, Tundó, San Nicolás, Sto. Cristo, na hindi pinúpuná at ang oras, at nang makaramdam lamang ng gutom at naunawàng wala siyang kuwalta dahil sa ibinigay niyáng lahat sa mga pistahan at mga ambagan, ay saká umuwi sa kaniyang bahay. Hindi niyá ináantay na matatagpuan ang kaniyang iná, sapagka't may ugali itó, kailan ma't lumuluwas sa Maynilà, na tumungo sa mga oras na iyon sa isang kapit-bahay na pinagsusugalán ng pangginge. Nguni't siya'y ináantay ni kabisang Andáng upang pagsabihan ng binalak: ang matandang babai'y patutulong sa procurador ng mga agustino upang mapawi ang pagkamuhî ng mga dominiko sa kaniyang anák. Pinutol ni Plácido sa isáng inĝos ang kaniyang pananalita.
—Magtátalón na muna ako sa dagat—ang sabi—manúnulisán na muna akó bago bumalik sa Unibersidad.
At sa dahilang sinimulán na namán ng iná ang salaysay na ukol sa pagtitiis at kababàang loob ay umalis na muli si Plácido na hindi kumain ng anó man at tinungo ang daongang himpilan ng mga bapor.
Ang pagkakita ng isáng bapor na aalis na patungong Hongkong ay nag-udyók sa kaniyá ng isang akalà: pumaroon sa Hongkong, magtanan, magpayaman doon upang bakahin ang mga prayle. Ang pagparoon sa Hongkong ay gumising sa kaniya ng isang alaala, isáng kasaysayan ng mga kagayakang pamukha ng dambanà, mga ciriales at mga titirikán ng kandilà na pawàng pilak na inihandóg sa isang simbahan ng kabanalan ng mga mapanampalataya; anáng isáng platero, ay nagpagawa sa Honkong ang mga prayle ng ibang kagayakan sa dambanà, mga ciriales at mga titirikan ng kandilà na pawàng pilák na Ruolz na siyang ipi-