mga saserdoteng ehipsiyo ay umalinsunod ng boong loob sa mga utos ni Gaumata sapagka't ako'y kanilang kinatatakutan at upang huwag kong ihayag sa bayan ang kanilang mga pang-uulól. Upang masunod ang kanilang hangád ay ginawang paraan ang mga udyók ng puso ng isang batang
saserdote sa Abidos na inaaring banal!....
Isáng kahambalhambal na katahimikan ang sumunod sa mga salitang itó. Ang ulong yaon ay nagsasalaysay ng ukol sa mga pailalim na paraan at mga pagdarayà ng mga pari at kahi't ibang kapanahunan at ibang pananampalataya ang tinutukoy ay nakapagpaparamdám din sa mga prayleng kaharáp doon sanhi marahil na makikitang ang kinauuwian ay kahawig ng kasalukuyang kalagayan. Si P. Salvi, na nanginġiníg, ay iginagaláw ang mga labi't at sinusundán ng nanglilisig na matá ang titig ng ulo, na wari'y nakakahalina sa kaniyá. Mğa butil ng pawis ay nagsisimula na ng pagsipót sa kaniyang namumutlang noó, nguni't walang nakababatyág sa gayón, dahil sa lubhang nangalilibang at nangingilabot.
—¿At papano ang paraang ginawa sa iyó ng mga pari sa iyong bayan?—ang tanong ni Mr. Leeds.
Ang ulo'y bumitiw ng isang kasakitsakit na daing na wari'y galing sa kaibuturan ng puso at nakita ng mga nanonood na ang kaniyáng mga mata, ang mga matang iyon na nagbabaga, ay nawalan ng kináng at napuno ng luhà, Nanginig ang lahat at naramdamang nanindig ang kanilang buhók. Hindi, yaon ay hindi dayà, hindi salísalita lamang; ang ulo'y isá ngang ginawán ng kataksilan at ang sinasabi'y ang tunay niyáng kabuhayan.
—¡Ay!—ang sabi na umiling ng lubhang malungkot—ako'y nangingibig sa isáng dalaga, anák ng isang pari, na kasinglinis ng liwanag, gaya ng loto kung bagong namumukad- kad! Ninanasà rin naman siyáng kamtán ng batang pari sa Abidos at ito'y nagmunakalà ng isang pagkakaguló na sinangkalan ang aking pangalan at sa tulong ng ilang papiro ko na naparaanang makuha sa aking irog. Ang kaguluhan ay nangyari ng kasalukuyang si Cambises ay papauwing nagngíngitngit dahil sa kasawiang nangyari sa kaniyang sinamâng pakikihamok. Ako'y isinakdál na taksil, napiít, at sa dahiláng ako'y nakatanan, ay nápatáy akó sa lawà ng Moris ng mga umuusig.... Mula sa kabilâng buhay ay nakita