Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/173

From Wikisource
This page has been proofread.


― 167 ―


ay gumawa ng giniginí ng mga kaluluwá sa Purgatorio na may apoy at mga larawang nanganganinag na naiilawan sa dakong likurán, na may lámparang ang ilaw ay aguardiente, mga putolputol na halimayas, sa malaking dambanà ng simbahan ng isang arrabal upang makakuha ng mga pamisa at limós, ang payát at walang imík na si P. Salvi ay pumigil sa kaniyang paghingá at tiningnan ng tinging may panganganib ang isáng dakót na ahóng iyón.

¡Memento, homo, quia pulvis es!―ang bulong na nakangiti ni P. Irene.

―¡P......!―ang bitiw ni Ben-Zayb.

Nakahanda na siya sa pagsasabi ng mga salitang iyon at inunahan siya ng kanónigo.

―Sa dahilang hindi maalaman kung ano ang dapat kong gawin ang patuloy ni Mr. Leeds na inilapat nang boong pag-iingat ang takip ng kaha―ay siniyasat ko ang papiro, at nakita ko ang dalawang salita na hindi ko batid ang kahulugán. Hinanap ko ang katuturán at tinangka kong bigkasin ng malakás, at bábahagya pa lamang na nabibigkás ang una nang maramdamán kong dumudulás sa aking kamay ang kaha na wari'y tangáy ng isang malaking pataw at gumulong sa lupà, at doo'y hindi ko na magalaw. Ang pagkakamangha ko'y naging sindák nang buksán ko't mátagpuán sa loob ang isang ulo ng tao na ang tingin sa akin ay walâng kakisápkisáp. Sindák, at dahil sa hindi ko maalaman ang gawin sa harap ng gayong kababalaghán, ay natulig akong nangaykay sumandali na waring isáng gulilát....Ako'y nagbalíkloob.... Sa akalàng yaon ay isang malik matà lamang ay tinangka kong mapalipas yaon at ipinatuloy ko ang pagbasa ng pangalawang salita. Babahagya ko pa lamang nasasabi, ay nálapat ang takip ng kaha, nawala ang ulo, at ang nápalít na muli ay muli ay ang isang dakot na abóng ito. Hindi sinasadya'y natagpuan ko ang dalawang salitang lalong makapangyarihan, ang mga salitang panglikha at panggunaw, ang pangbuhay at pangpatay!

Humintông sandali na waring ibig tingnan ang ibinunga ng kaniyang mga sinabi. Pagkatapos ay lumapit sa dulang na ang lakad ay maingat at banayad at ipinatong ang makababalagháng kaha.

―¡Mister, ang takíp!―ang sabi ni Ben-Zayb na hindi mapigil.