Ang kagalakan ko'y gayón na lamang sapagka't inakala kong nakatagpo ng isang momia ng mga anák hari; nguni't gaano ang aking sama ng loob ng matapos paghirapan ng katakot-takot ang pagbubukás ng libíng ay wala akong natagpuán kundi ang kahang itó na mangyayari ninyong siyasatin.
At inilibot ang kaha sa mga nasa unang hanay ng luklukan. Iniurong ni P. Camorra ang kaniyang katawán wari'y may pagkasuklám, si P. Salvi ay tuminging malapit na wari'y nakaáakit sa kaniya ang mga bagay na ukol sa libingan; si P. Irene ay ngumingiti ng ngiting matalino, si D. Custodio ay nag-anyông walang imík at mapagwalang babalà, at si Ben-Zayb ay humahanap ng salamin; doon dapat málagáy, sapagka't salamín lamang ang sangkáp ng lahát ng iyón.
―¡Walang iniwan sa amóy bangkáy!―ang sabi ng isáng babai―ipuff!
At namaypáy ng katakot-takot.
―¡Kaamoy ng apat na libong taón!―ang sabing bigla ng isá.
Nakalimutan ni Ben-Zayb ang salamín dahil sa pagtingin kung sino ang bumanggit ng salitang iyón. Ang bumigkás ay isang militar na nakabasa ng kasaysayan ng buhay ni Napoleon. Kinainggitán siyá ni Ben Zayb, at upang bumitíw ng isang salitang dapat tumamà kay P. Camorra, ay sinabing:
―¡Amóy simbahan!
―Ang kahang itó, kaginoohan,―ang patuloy ng amerikano ay may lamáng isáng dakót na abó at kaputol na papiro, na kinatatalâan ng ilang sulat. Tingnan niuyó, ngunit ipinamamanhik ko lamang na huwag kayong hihingáng malakás, sapagka't kung mátapon ang kaunting abó ay lálabás na sirâsirâ ang aking esfinge.
Ang kabulaanan, na tinuran ng boông pananalig at walâng kabiròbirò ay unti unting nagtagumpay, kaya't nang idaan ang kaha ay walang isá mang nangahás na humingá. Si P. Camorra, na sa púlpito sa Tiani ay nagpakilalang madalás ng mga parusa at paghihirap sa inpierno samantalang pinagtatawanan sa sarili ang mga matang sindák ng mga makasalanan, ay nagtakip ng ilong; at si P. Salvi, ang tunay na si P. Salvi na sa araw ng kapistahan ng mga patáy