Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/171

From Wikisource
This page has been proofread.


― 165 ―


Mr. Leeds ay hindi na naghintay ng pahintulot at itinaás ang kayo at hinanap ang mga salamíng inaantay niyáng mátatagpuan sa mga paa. Si Ben-Zayb ay nakabitíw ng kalahating tungayaw, napaurong, muling ipinasok at iniwagayway ang mga kamay niyá sa ilalim ng dulang: walâng maapuhap. Ang mesa ay may tatlong paang bakal na maliliit na nakabaón sa lupà.

Ang mamamahayag ay tuminğintingin sa lahat ng sulok na waring may hinahanap.

―¿Násaan ang mga salamín?―ang tanong ni P. Camorra.

Mamatámatá si Ben-Zayb, hinihipò ang dulang, itinátaás ang kayong takip, at maminsanminsang inilalagay ang kamáy sa noó na waring may ibig maalaala.

―¿Mayroon po bang nawala sa inyó?―ang tanong ni Mr. Leeds.

―Ang mga salamín, mister, násaán ang mga salamín?

―Ang inyo'y hindi ko maalaman kung saan nároón, ang akin ay nasa fonda...... ibig bagá ninyong manalamín? Masama ng kaunti ang ayos ninyo at namumutla.

Kahit na may kabá, nang makita ng marami ang kapalagayang paaglahi ng amerikano'y pinagtawanan si Ben-Zayb na hiyânghíyâng bumalik sa kaniyang uupán, na bumúbulóng ng:

―Hindi mangyayari; makikita ninyó't hindi magagawa ng walang salamín; mayâmaya'y magpapalit iyan ng dulang.....

Inilagay na muli ni Mr. Leeds ang kayo sa mesa at nang maharáp na ang mga mararanğál na dalaw ay tumanóng:

―¿Nasisiyahan na bagá kayo? ¿mapasisimulán na natín?

―¡Napakatulog na dugo namang tao!―ang sabi ng isáng babaing balo.

―Kung gayon ay mangagsiupô na po ang kaginoohan at pag-isipin kung ano ang ibig itanóng.

Pumasok si Mr. Leeds sa isang pinto at nang makaraan ang ilang sandali ay bumalik na may daláng isáng kahang kahoy na maitím, buk bukin, na may ilang lilok na ibon, mga hayop, mga bulaklák, mga ulo ng tao at ibp..

―Mga kaginoohan,―ang sabi ni Mr. Leeds na walang tawa―sa minsang pagdalaw ko sa pirámide ni Khufu, ika apat na lipi ng mga Faraón, ay nakatagpo akó ng isang libingang batóng buhay na pulá sa isang liblib na silid.