Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/167

From Wikisource
This page has been proofread.


— 161 —


kanilang kawangki, na mabuti ang pagkakayari, anyông anyô, at itinatanghál silá sa mga dakilang sandali ng kabuhayan, baligtad kay sa ginagawa sa kanilá sa Europa, na doo'y inilalarawan siláng nákakatulog sa ibabaw ng mga barriles ng alak, nangagsúsugál, tumútunggâ, nangaapungot ó hináhaplós ang sariwang mukha ng isáng dalaga. Hindi: ang mga prayle sa Pilipinas ay kaibá: mğa makikiyás, malilinis, mabubuti ang bibis, ang anit sa tuktok ay mainam ang pagkakaputol, ang mga mukha'y ayos at maliwanag, ang matá'y mapagmasid, anyông banal, may kaunting pulá sa pisngi, may tungkód na palasan sa kamay at sapatos na tsarol sa paa, na nakaaakit na sambahin silá at ilagay sa birina. Kapalít ng mga sagisag ng katakawan at kahalayang taglay ng kanilang mga kapatid na nasa Europa, ang dalá ng mga nasa Maynilà ay ang aklát, ang crucifijo, ang sangáng sagisag ng paghihirap; kapalit ng panghahalík sa mğa mangmang na babaing tagá bukid, ang mga nasa Maynilà ay nagpapahalík ng kamay sa mga batà, sa mga taong may kagulangan na nangakayukô't halos nakaluhód; kapalít ng paminggalang puno ng kakanín at mga kakanán na siyáng tanghalan nilá sa Europa, sa Maynila ay mga dálanğinan, mesang aralán; kapalit ng prayleng marálita na lumalapit sa mga baháybahay na dalá ang kaniyang burro at ang supot upang, manghingi ng limós, ang prayle sa Pilipinas ay nagsasabog ng dakótdakót na ginto sa mga kaawà-awàng indio......

—¡Tingnan ninyó, nárito si P. Camorra!—ang sabi Ben-Zayb na dalá pa ang singaw ng champagne.

At itinuturò ang larawan ng isang payát na prayle, na wari'y nag-iisip, nakaupo sa piling ng isang dulang, ang ulo'y nakapatong sa palad at sumusulat mandín ng isáng sermon. May isáng lámparang nakapagpapaliwanag sa kaniya.

Ang pagkakaibayó ng anyo'y ikinahalakhák ng lahát.

Náramdaman ang tukoy ni P. Camorra, na nalimutan na si Panlita, at siyá namáng tumanóng:

—At ¿sino naman ang kamukha ng larawang itó, Ben-Zayb?

At tumawa ng kaniyáng tawang paleto.

Ang larawan ay isang matandang babaing bulág ang isang matá, gusgusin, na nakalupasay sa sahig, gaya ng mga anito ng mga indio, na namimirinsá ng damít. Ang kasangkapan

11