— 134 —
—Mabuti, mabuting mabuti, Sandoval; akó man ay nakapagwiwika ng ganiyán kung ako'y taga España; nguni't sa dahilang hindi gayón, knng akó ang nagsabi ng kalahati man lamang ng sinabi ninyó, kayó mán ay magpapalagay na ako'y pilibustero.
Nagsimula na si Sandoval ng isáng talumpating táganás na pagtutol, nang mapigil.
—¡Matuwa na tayo, mga kaibigan! ¡Tagumpay!—ang sigaw ng isang binatang pumasok at niyakap ang lahát.
—¡Matowa na tayo, mga kaibigan! ¡Mabuhay ang wikang kastilà!
Isang maugong na pagakpakan ang sumalubong sa balità; ang lahat ay nagyayakapán, ang lahat ay maningaing ang mata dahil sa luhà. Si Pecson ang tanging nagtataglay ng kaniyang ngiting mapagmakatangi.
Ang dumating na may dalá ng mabuting balità ay si Makaraig, ang binatang nangungulo sa kilusán.
Ang tinitirahán ng nag-aaral na itó sa bahay na iyon ay dalawang silid na napapalamutihang mabuti para sa kaniyang mag-isá lamang, mayroon siyang alilà at kotsero na nag-aaruga sa kaniyáng sasakyáng araña at sa kanyang mga kabayo. Ang tindíg niya'y makiyas, ugaling banayad, magarà't mayamang mayaman. Kahi't nag-aaral ng pag-aabogado upang magkaroon lamang ng isang titulo académico, ay may kabantugan siyá sa pagkamasipag mag-aral, at kung sa pagsasalita ng alinsunod sa turòng páaralán ay hindi na máhuhulí sa ibang mapaghamón sa pagtatalo sa loob ng Unibersidad. Hindi rin naman nahuhuli sa mga akalà't bagong mga pagkasulong sa tulong ng kaniyang salapi'y nagkakaroon siya ng mga aklát at pamahayagan na hindi mapigil ng previa censura. Dahil sa mga taglay na itó, sa kaniyang kabantugan sa katapangan, sa kaniyang mapalad na pakikitunggali noóng kaniyang kabataan, at sa kaniyang maganda't mabuting ugali, ay hindi dapat pagtakhán na panuntán siya ng kaniyáng mga kasama at siyang mahalál upang maisagawa ang gayong kahirap na balak na pagtuturò ng wikang kastilà.
Makaraan ang mga unang silakbó ng kagalakán, na sa kabataan ay nagkákaroón kailán man ng kasagwâan dahil sa ang kaniyang malas sa lahat ng bagay ay magandá, ay siniyasat kung papaano ang nangyari.