Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/138

From Wikisource
This page has been proofread.

— 132 —


doon sa sadyáng katwiran at ikabubuti ng kaniyáng mga pinamamahalaan. Hindi, mga ginoo, ang patuloy na lalo't lalò pang umayos nagtatalumpati-hindi natin dapat tanggapin man lamang sa bagay na itó, ang pangyayari marahil, na nagtanóng sa ibang taong laban sa panukalà, sapagka't ang sapantahà lamang ay mákakatimbáng ng pagpapaumanhin sa pangyayari; ang inyong inaasal hanggang sa ngayon ay matapát, malinis, walang pagmamaliw, walang agam-agam; humfhilíng kayó sa kaniya ng maliwanag at walang palikawlikaw; ang inyong mga pinagbabatayang katwiran ay lubhang karapatdapat dinggin; ang inyong layon ay ang awasán ng gawain ang mga guro, sa mga unang taón, at maging madali ang pagkatuto ng daán daáng mga nag-aaral na pumúpunô sa mga klase, na hindi mangyayaring magampanan ng iisang guro. Kung hanggá ngayon ay hindi pa napasisiyahan ang kasulatan ay dahil sa alám kong may maraming gawaing naiimbák; nguni't inaakala kong ang pag-uusig ay nagtagumpay, na ang sanhi ng tipán ni Makaraig ay upang ibalità sa atin ang pananalo, at bukas ay makikita nating magtatamó ang ating mga pagsusumikap ng papuri at pagkilala ng bayan, at sino ang makapagsasabi, mga ginoo, kung hindi ipalagay ng pamahalaan na kayo'y dulutan ng mabuting condecoración dahil sa kayo'y karapatdapat sa kapurihán ng inyong bayan!

Nag-umugong ang masisigabong pagakpakan; naniniwala na ang lahat sa pananalo at ang marami sa condecoración.

—¡Dapat mákilala, mğa ginoo,—ang sabi ni Juanito Pe. laez na ako'y isá sa mga unang nagmunakalà!

Ang di mapaniwalaíng si Pecson ay hindi nagagalák.

—¡Pag hindi nagkaroon tayo ng condecoración sa binti! ang sabi.

Salamat na lamang at hindi nádingig ni Pelaez ang banggít na iyon, dahil sa lakás ng pagakpakan. Nang mahintóhinto ng kaunti, ay sinabi ni Pecson, na:

—Mabuti, mabuti, mabuting mabuti, nguni't isang pa. lagáy kung sa lahát ng iyán, ang General ay sumangguni rin, sumangguni at sumanggunì, at pagkatapos ay ipagkait sa atin ang kapahintulutan?

Ang palagay ay bumagsák na wari'y tubig na malamig.

Ang lahat ay napatingin kay Sandoval; ito'y natubigan.

—Kung gayón....—ang sabing paurongsulong.