— 122 —
Matigás na sumagót si Plácido.
—¡Ahá! Plácido Penitente, mukha ka pang Plácido Soplón ó Soplado. Nguni't bibigyán kitá ng penitencia dahil sa iyong mga sopladuría.
At siyang siya sa kaniyang mga pasalisalikwát na pananalitâ, ay ipinag-utos kay Plácido na sabihin ang lisyón. Sa kalagayang yaón ng binatà ay nagkaroon ng mahigit na tatlóng mali. Nang makita ang gayón ng paring nagtuturò ay itinangôtango ang ulo, binuksáng dahan dahan ang talaan at banayad na banayad na tinunghán, samantalang binabanggit na marahan ang mga pangalan.
—Palencia.... Palomo.... Panganiban.... Pedraza.... Pelado.... Penitente, jahá! Plácido Penitente, labing limáng araw na kusàng pagkukulang sa pagpasok.
Si Plácido ay umunat:
—¿Labíng limang pagkukulang, Padre?
—Labing limang kusàng pagkukulang sa pagpasok—ang patuloy ng nagtuturò-Kung gayo'y isá na lamang ang kulang upang maalís sa talàan.
—¿Labing limang pagkukulang, labing limá?-ang ulit ni Plácido na nagugulumihanan-makaapat pa lamang akong nagkukulang at kung bagá mán ay ngayón ang ikalimá.
-Husito, husito, señolía!-ang sagot ng pari, na minasdán ang binatà sa ibabaw ng kaniyang salaming may kulob na ginto. Kinikilala mong nagkulang ka ng makálima, at ang Dios lamang ang nakababatid kung hindi ka nagkulang ng higít pa sa roon! At qui sa dahilang bihira kong basahin ang talàan at sa bawa't pagkahuli ko sa isá ay nilalagyan ko ng limáng guhit. ergo ilán ang makalimang limá? ¡Nakalimot ka na marahil ng multiplicar! ¿Makálimang limá ay ilán?
—Dalawang puû't limá.
— Husito husito! Sa gayón ay nakalamáng ka pa ng sampu sapagka't makáitlo lamang kitáng náhuli sa pagkukulang... ¡Uy! kung nahuli kita sa lahát ng pagkukulang mo, a.... At dilán ang makáitlóng limá?
—Labing limá......
—Labing limá, parejo camarón con cangrejo!-ang tapos ng nagtuturo na itinupi ang talàan-pag nagkábisô ka pang minsán ay, sulong! ¡apuera de la fuerta! ¡Ah! at ngayon ay isáng pagkukulang sa lisyón sa araw araw.