Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/111

From Wikisource
This page has been proofread.


— 105 —

Sa tulay ng España, na ang tanging bagay na taglay ukol sa España ay ang pangalan lamang, sapagka't sampû ng kaniyáng mga bakal ay galing sa ibang lupain, ay nakatagpo ng mahahàng hanay ng mga binatàng tungo sa loob ng Maynilà upang pumasok sa kaníkanilang páaraláng pinápasukan. Ang ilán ay suót tagá Europa, matutulin ang lakad, na dalá aug mga aklát at kuaderno, may iniisip, inaalaala ang kanilang mga lisyón at mga sinulat na iháharáp; ang mga ito'y tagá Ateneo. Ang mga tagá Letrán ay napupuná sapagka't lahát halos ay suot pilipino, silá ang lalong makapál at walang maraming aklát. Ang bihis ng mga tagá Universidad ay lalong maayos at makisig, mararahan ang lakad at madalás pang tungkód ang dalá at hindi aklát. Ang kabataang nag-aaral sa Pilipinas ay hindi mapangguló at mapag-ingay; nangaglálakád na wari'y may iniisip ang sino mang makakita sa kanila ay magsasabing sa harap ng kanilang mga mata ay walang anó mang pag-asang natatanaw, ni magandang kinabukasan. Kahit na sa mga ilan ilang dako'y nakapagpapasayá sa hanay ang matalaghay at makulay na anyo ng mga nag-aaral na babai sa Escuela Municipal, na may mga sintás sa balikat at bitbít ang kanilang mga pinag-aaralang aklát at kasunod ang kanilang mga alilà, ay bahagya nang madingig ang isang tawa, bahagya nang madingig ang isang aglahi; walang mga awitan; walang masasayang parunggit: kung bagá man ay mabibigát na birò, awayán ng maliliit. Ang mga malalaki ay karaniwan nang walang kibo at maayos ang kagayakan na gaya ng mġa nag-aaral na alemán.

Si Plácido ay naglalakád sa liwasan ni Magallanes upang pumasok sa butas-dating pinto ng Sto. Domingo nang biglâng tumanggắp ng isáng tampál sa balikat na siyáng nakapagpalingón sa kaniyang biglâ, na masama ang ulo.

—Hoy, Penitente, hoy, Penitente! Ang tumam pál palá ay ang kasama niyang si Juanito Pelaez, ang mapaglangis at minámahal ng mga guro, walang kapara sa kasamâán at kalikután, may tinging mapanuksó at nğiting mapagbirô. Anák ng isang mestisong kastilà, mayamang mángangalakál ng isá sa mga arrabal, na umaasa sa katalinuhan ng binatà; dahil sa kaniyang pagkamakulabíd ay hindi nahuhuli sa ibá, may ugaling mapagbirô ng masama sa lahát