Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/77

From Wikisource
This page has been proofread.


ang mga iyon ay tulog nang tulog at ang pagtulog nang madalas ay nangangahulugan ng katahimikan ng budhi at mapagsariling kabuhayan; ikatlo, sapagka’t ngalngalin at ungulin, at nababatid ng lahat na sa bakuran ng aming bahay, gaya rin ng sa daigdig, ang lalong masalita at lalong malakas sumigaw ay siyang nagtatanio ng lalong marami at hinahangaan, datapuwa’t ang bagay na lalong nakapagpapasaalang-alang sa kanila sa mga mata ng madla, alinsunod sa nawatasan ko sa bulung-bulungan ng matatandang inahin, ay ang kasuklam-suklam na karumhang tinitirhan nila: sa mga hayop, ang karumhan at kasalaulaan ay inaaring kabanalang asal, kaya ang mga baboy ay ipinalalagay na banal ng mga gansa at inilalathala ng mga ito sa lahat ng dako ang mga kilalang palatandaan ng kabanalan ng mga iyon, gaya ng hindi pagpaligo kailanman, ang pagpasok at pamamalagi sa mga pook na hindi na dapat banggitin, ang nakasusuklam na amoy, at marami pang iba.4

Ipinalagay kong hindi matatapos doon ang aking mga mamamatyagan at gumayak na akong bumaba, nang sa-lilitaw si Suwan upang ihanda ang pagkain ng mga baboy. Nangagising ang mga ito, itinaas ang mga nguso, nagpawala ng dalawa o tatlong ngalngal na nangangahulugan ng taimtim na pagpupugay, iginalaw ang malalapad na tainga, at isa sa kanila, isang baboy na payat at lubhang pangit ay sumigaw:

— Lumapit kayong lahat at makinig! Ang dakilang baboy ay nagsasalita!

Sa malaking pagkamangha ko’y namalas kong masunuring nagsilapit ang mga hayop; ang mga nauna’y ang mga pabo na pabilog na pinangalisag ang balahibo sa buntot at lumakad nang hinayhinay; pagkatapos ay sumunod ang mga gansa’t bibi; sa likod ay dumating ang mga tandang, inahin, at mga sisiw, at sa huli ay ang mga kalapating nagpapakilala ng malaking takot at agam-agam.

— Manainga kayo! ang dakilang baboy ay magsasalita! — ang ulit na kasabay ang isang malakas na ngalngal ng gumaganap ng tungkuling tagatawag,

Nilingus-lingos ko ang dakilang baboy at napansin kong ang ipinalalagay palang gayon ay si Botyok, isang baboy na bininyagan ng gayon nj Suwan sapagka’t siyang pinakamataba sa lahat. May



4 Isa ito sa lalong kahanga-hanga at katangi-tanging panunuya ni Rizal. Ito ang sinasabi nating ‘“hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.”

68