Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/62

From Wikisource
This page has been proofread.


nang umuukilkil sa lahat halos ng mga kaisipan ko. Anong mga pangarap at anong mga balak ang binabalangkas ko noon! Nakikita ko ang daigdig sa pamamagitan ng isang salaming nagpapaganda't nagpapamatulain sa lahat ng bagay; yao'y nakikita ko sa pamamagitan ng aking guniguning hindi pa nasusugatan ng kahit na kaunting kabiguan, at sa wari ko ang tanang mga tagpo at mga tauhan niya'y pawang karapat-dapat sa pag-ibig, pamimintuho at pagpapakasakit. Palibhasa'y bata, ako'y nananalig na sa aking landas ay hindi ako makasusumpong ng mga kalunus-lunos na dula't trahedya, bagkus pa nga'y mga tula tungkol sa buhay sa bukid at pagsisintahan, nananalig ako sa kabutihan at kung mahina man ang loob ko, kung ako'y may katutubong pagkamatakutin kapag nagmumuni-muni tungkol sa kasamaan, na sa akala ko'y kinakatha lamang upang may maihambing sa kabutihan, ang sanhi nito'y sapagka't may dalawang pagkatao sa akin: isang katutubo na mapagtiwala, masaya at nakahandang padala't parahuyo sa unang kasintahan, at isa pang di-likas, hinubog, kung matatawag ngang ganito, mapaghinala, mainggitin, na siyang naging bungang walang pagsala ng pagtuturo at ng mga haka-haka. Ito'y siyang pinagbubuhatan ng mga pakikibaka, at pagkatapos, ng mga pag-aalinlanga't pag-uurung-sulong, at kung magkataong manaig ang kalikasan, ang natatamo lamang ay isang bulaang tagumpay at ang nakukuha sa pakikibaka, bilang mga tandang di-mapapawi, ay isang pagngingitngit, isang kalumbayang supling ng di-matiyak na mga hangaring hindi nasiyahan. Kung nang panahong yao'y may isang malikmatang napamalas sa akin at sa paghula sa aking mga hangarin (na ako man ay hindi nakauunawang mabuti), ay nangakong bibigyan ng kasiyahan ang mga yaon, walang pagsalang ako marahil ay nagpabayang akayin niya kahit na ito'y nalalaban sa lahat kong pala-palagay at sa aking mga pag-iingat.

Sa ganitong kalagayan ng damdamin na siyasatin man kung nasa-harap ay walang mapapala at nakikilala lamang kapag nakalipas na, katulad ng mga diyosa ni Virgilio na nakikilala lamang sa pamamagitan ng liwanag at halimuyak na iniiwan, ay pinaraan ko ang mga araw ng pagpapahinga sa piling ng aking angkan sa aming magandang bayan. Ang aking mga paglilibang ay karaniwan at katulad ng kinamulatan: paliligo sa mga bukal at batisan, pangingisda sa ilog o sa lawa o paggala sa mga bukirin na nakasakay sa isang makisig na kabayo.

53