Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/35

From Wikisource
This page has been proofread.

Pagkatapos, buhat sa tudling na iginuhit ng isang araro'y gumitaw ang isang bayang malakas, masipag, dakila, palalo, at kahanga-hanga. Buhat sa kanyang kapitolyo ay pinagala ang tingin sa daigdig, na naging karapat-dapat na pakay ng isang kasakimang walang hanggan, at nagpalagablab sa kanyang mga hangarin. Pinawalan ang kanyang mga limbas at pinalakad ang kanyang mga kawal. Sa pagbalik ng mga ito'y nakasingkaw na sa karwahe ang lahat ng mga bansa. Ang Gresyang napakaliit ay nahigop ng Roman lalong mapagwagi, datapuwa't ginawa ng Gresya sa Roma ang ginawa rin ng Ehipto sa Gresya: tinuruan ng Gresya ang mga anak ng Roma, pinalamutihan ng mga gawa ng kanyang mga anak ang mga lansangan at liwasan nito; at ang lahat niyang karunungan, agham, pilosopiya, mga sining ukol sa kariktan at panitikan, ay inilipat sa Roma, at bagama't ang mga yao'y nahawahan ng angking panghalina't kariktan, ay naragdagan naman sa kadakilaa't kamaharlikaan sa pagpapakilala ng wani (genio) ng bayang palalo. Sa gayo'y nasaksihan sa Roma ang nangyayari ngayon sa mga bayang bihasa hinggil sa pagpapahalaga't paggaya sa mga bagay-bagay na galing sa Pransiya; ang kabihasnang griyego ay nakapasok sa lahat ng dako, ang mga tula't mga salita niya'y nagpalipat-lipat sa mga bibig, ang mga kaugalia't pilosopiya niya'y tinularan at isinagawa. Ang agham nga at ang kabihasnan na hanggang sa mga araw na yao'y naging pag-aari ng Silangan, sa pagtulad sa katutubong takbo ng mga buntala, ay nagtungo sa Kanluran, bagaman nang dumating na sa puso ng daigdig ay tumigil na para bagang ibig magturo sa lahat ng mga bansa't mga lahi. Nang panahong yaon, ang Iberya,5 Galya,6 Germanya,7 Bretanya8 at pati na ang Aprika ay nagpapadala ng mga anak nila sa lunsod na siyang tagpuan ng kapangyarihan, ng karunungan at ng kayamanan, upang makita, hangaan at mapag-aralan nila sa maluwang na pook na nakukubkob ng mga pader, ang tanang nahaka ng isip ng tao hanggang sa panahong iyon. Palabas na itinanghal sa lahat ng panahon ng sangkatauhan ang pagtungo nito sa liwanag upang ang lupa'y matanglawan. Ang sanhi nito ay sapagka't kalakip ng kalikasan ng tao ang pag-


5 Ang Iberya, ay siya ring ngalan ng Espanya.

6 Ito ay siya ring Italya.

7 Ang Germanya ay siya ring Alemanya.

8 Ang Bretanya ay siya ring Inglatera ngayon.

26