Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/188

From Wikisource
This page has been proofread.

Si Maria Sinag-tala ay nagbuburda at si Maligaya'y tumutugtog ng gitara.

Sila'y dalawang dalagang ang pagkakawangis ay ipagkakamali ng mga matang di-sanay; lalong malakas at lalong mapag-mataas si Sinag-tala, samantalang sa mukha ni Maligaya'y nababasa ang higit na katamisan at lalong katapatan. Gayunma'y iisa ang pagkahugis-itlog ng kanilang mukha, magkaparis ang noo, magkatulad ang ilong, at magkaisa ang buka ng bibig at ang gilit ng mga mata; magkaisa ang maliliit na kamay pati ng mahahaba't hubog kandilang mga daliri.

— Kagabi'y nanaginip ako — ani Maligayang tumigil kapagdaka ng pag-awit.

— At ano ang napanaginip mo, ate? — ang usisa ni Sinagtala nang hindi iniangat ang mga mata sa ginagawa niya.

Tinatawag niyang ate, bilang kapatid na babaing nakatatanda sa kanya dahil sa siyang unang ipinanganak, si Maligaya.

— Napanaginip kong ang ingkong ay dumating . . . at dumating siyang may dalang kumot na yari sa Ilokos at sedang galing sa Tsina.

Itinaas ni Sinag-tala ang tingin at sumagot nang banayad.

— Kung ang ingkong ay patay na, iyon ay mangangahulugan, ayon sa pari, na siya'y humihingi ng misa at limos upang makaahon ang kaluluwa niya sa Purgatoryo na pinagpapahirapan sa kanya, datapuwa't . . .

— Datapuwa't ano?

— Ayon sa babaylang (10) Katipunla iyo'y nangangahulugan — ang sagot na inihina ang tinig — na ang kaluluwa ng ingkong ay nagbabantay sa atin at hindi tayo pinababayaan.

— At sino, sa akala mo, ang may katuwiran? — ang tanong ni Maligaya.


10 Ang tinatawag na babaylan ay pamagat na ikinakapit sa isang paring babae, katulad din ng katalona.

179