Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/154

From Wikisource
This page has been proofread.

IV.

Habang nalalapit sila sa-lupa’y lalo’t lalong nagiging malungkot at mapag-isip si Hesus, Ang kanyang pagmumukhang lalaki’y nababalot ng hapis at masasabing ang gabi’y bumababa sa kanyang mukha, Ang lupang yaong naging sanhi ng pagbububo ng kanyang dugo upang mapangaralan ng pag-ibig ay natagpuan niyang nagugumon sa gayon ding mga kasamaang asal na gaya ng dati at kaipala’y lalo pang masahol; pagtangis, pagluluksa’t kawalang-pag-asa sa isang dako; mga mapag-imbot na halakhak at masasayang panlalait sa kabilang dako; at saanmang dako, ang sangkatauhang kaaba-aba’t walang kasiyahan na pinaghihirap ng di-matapos na damdamin. Gaya ng dati, ang maralita’y inaapi ng masalapi; ang mahina’y supil ng malakas; mga batas para sa mga dukha, mga tung. kulin para sa mga taong nagdarahop; datapuwa’t para sa mga mayayaman, para sa mga makapangyarihan, ay mga karapatan at mga tanging biyaya. Sa ibabaw ng karagatang ito ng kaabaan at luha ay nakita niyang lumilitaw na parang mga di-karaniwang pulo ang mangilang- ngilang mukhang nakangiti at tahimik, na buong pagkahapis na lilingus-lingos sa kanilang paligid, nguni’t ang mga alon sa paligid-ligid ay umaangal na nagngangalit, nagpapatilamsik sa kanila ng mga bulang mapapait, sa kanila’y nagpaparusa, nanlalait, dumurusta at sa gitna ng pagsisigawan ay naririnig ni Hesus na sinasambit ang Kanyang pangalan.

— Kakila-kilabot! — ang sigaw ni Hesus na nagtakip ng kanyang mukha. — kakila-kilabot! Kay raming mga pagdurusang walang kabuluhan, kay raming pagpapakahirap na walang kasaysayan ... Lalo pa sanang naging kapaki-pakinabang kung ang sangkatauha’y pinabayaan kong tumubos sa kanyang sarili, sa pamamagitan ng paglinang ng kanyang mga katutubong lakas at ng maliliwanag na titis na ipinagkaloob ng Walang Hanggan! Sapagka’t kung nakaya ng taong tuklasin ang mga napakalalalim na lihim sa madilim na sinapununan ng kalikasan at ipahayag ang mga makadiyos na batas nito, sa anong dahilan at hindi niya matutuklasan at mapagniningning ang binhi ng mabuting kaasalang itinanim ng Diyos sa kanyang budhi at puso? Lalo pa bang madali ang pagsisiyasat sa mga kakanyahan ng metal na nakabaon sa pusod ng lupa kaysa mga kahingian ng ‘budhing nakikipag-usap sa atin sa lahat ng oras? Ano ang kinahinatnan ng aking ginawa, ng aking pagpapakasakit at kamatayan? Kaya ba ako nagtiis ay upang ang ngalan ko’y magpatibay sa kawalang matuwid, uminis sa mga budhi’t magpadilim sa pang-unawa?

145