— Oo, sa piling nila uli! Kung iniwan mo sanang nakasulat ang mga batas at mga pangungusap mo, kung ikaw sana’y nagpahayag nang lalong maliwanag at tandisan, disi’y hindi ka dinaya ng iyong mga mananalaysay, hindi sana binago ang kahulugan ng iyong mga aral at hindi sana pinagmalabisan ang iyong kapangyarihan! Gaanong mga pagtatalo, gaanong mga pagkakaalitan, gaanong mga digmaan at mga pag-uusig ang sana’y natipid mo sa sangkatauhan at kay bilis sana ng kanyang pagkakaunlad!
Iniyuko ni Hesus ang ulo at nagbulalas ng isang buntung-hininga.
— Nguni’t wala kang dapat ikatakot — ang may katamisang dugtong ng Amang Walang Hanggan: — ngayon ay lalayo sa iyo ang kalis ng pasakit, sapagka’t sa dahilang lalo kang magiging maingat ngayon sa pagkagunita sa nakaraan, ay sisikapin mong dumaan nang hindi napapansin at iiwasan mo hanggang maaari ang pagkakalapit sa mga pariseo at eskribas. Hindi na kakailanganing ipanganak ka ng isang inang birhen, bagay na mahirap mangyari doon, sapagka’t ayon sa sabi’y isang kasalanan daw ang magkait ng tungkulin sa asawa ... Hindi na rin kailangang pugutan ng ulo ang labing-apat na libo, bagkus nararapat:na dumating ka roon nang buo na ang pagkatao, may gulang na at ganap nang tao, sapagka’t kung ikaw ay ipanganganak doon at doon ka mag-aaral ay lalaki kang mangmang, magiging timawa at mahihirapan ako nang gayon na lamang upang ikaw ay mapatino. Buong ingat na iwasan mo ang pakikipagtalo sa mga pantas sa kanilang batas, sa dahilang walang salang hindi ka nila pahihintulutang makaalis nang buhay, at ikaw ay tatawaging pilibustero; iadya ka nawa ng Diyos sa pagpapaalis sa templo sa mga nagtitinda’t mga mangangalakal, sapagka’t ikaw ay isusuplong at isasakdal, at higit sa lahat ay magpakaingat kang huwag tumawag ng ahas at lahi ng mga ulupong sa libu-libong pariseong matatagnuan mo roon. Hayo na, pumanaog ka na nga, — alang-alang sa pag-ibig sa sangkatauhan, alang-alang sa kabunyian ng iyong ngalan, at upang huwag makasama sa mga tao ang pagpapakahirap na tiniis mo, maging matiisin ka, maging mabait, ka, maging mapagmatyag ka!
At ang Walang Hanggan ‘ay bumaling kay San Pedro, na kararating lamang, at nagsabi sa kanya:
— At ikaw, sa dahilang pinabayaan mong makapasok sa kaharian ko ang napakaraming mga tulala at walang kaluluwa na nanga-
143