Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/145

From Wikisource
This page has been proofread.

— Ang mga anak ko ay labis-labis sa katabaan — ang tugong malungkot ng patpating si San Francisco — minamabuti ko nang makipag-unawaan sa aking mga maliliit na hayop, Ang nararapat paghabilinan ng mga iyan ay si Ignacio, na siyang lalong mahiman at masipag.

— Sa matibay na pananampalataya’t kalooban marahil ay may magagawa ako, — ang pakling may kasabay na mabining ngiti ni Ignacio de Loyola — ang aking mga anak ay naaralang mabuti at sumusunod sa mga alituntunin, nguni’t ang iyong mga anak, minamahal kong Domingo, sa kabila ng lahat ng aking pagpapaunlak sa kanila, ay nagtatangkang maglagay ng sagabal sa lahat ng aking gawain, nagtatangkang itapon ako... Kung ikaw sana’y maaaring mamagitan...

— Sino? mamagitan ako? — tanong ni Domingo — oh, kailanman! Una, ako’y ginagalit nila dahil sa aking kalmen at mga bituing yari sa mga batong huwad. Sila’y nakahandang alisan ng hanapbuhay. Bahalang magtuwid sa kanila ang Nunsiyo at si San Pedro!

— Sino ang nagsasalita tungkol sa akin? — ang tanong ng isang tinig na gumagaralgal gaya ng sa isang matandang tagapag-ingat ng pinto.

Siya’y si San Pedrong dumarating, upaw ang ulo at ang mga kamay ay puno ng tinta.

— Sinasabi namin — ang sagot ni Santo Domingo — na nararapat ninyong ayusin ang mga bagay-bagay sa Pilipinas yamang kayo’y may isang Papa...

— Ipinakikiusap ko sa inyong huwag banggitin sa akin ang Papa, para na ninyong awa; — ang putol ni San Pedro — tingnan ninyo kung gaano kapuno ng tinta ang aking mga kamay dahil sa pagtatala ng mga indulhensiya. Lumalaki ang aking ulo! At walang iba kayong ninanais kundi ayusin ang Pilipinas! At kung ako’y bitayin? Nababagay bang ako ang mag-ayos ng isang bansang pinaglilingkuran ng aking mga anak na parang mga utusan lamang o mga koadhutor, samantalang sumisipsip sa kanya ang iyong mga anak? Kayo ang siyang mag ayos at kung hindi naman, bahala na silang mag-ayos sa kanilang sarili.

At pagkasabi nito’y umalis, pagka’t narinig niyang may kumakatok sa pinto.

136