mga bahagi lamang at loob ng aking katawan? Itinatakwil ko ang
lahing iyan ng mga mapagkunwari at matagal na sanang panahong
ako’y tumutol kung hindi ko lamang nababatid na sa pagkakagulo’y
masasangkot ang aking ina.
— Ipagpaumanhin mo, anak; — ang salo ng isang mabait na babaing may. pagmumukhang kaakit-akit at tinging maawain — ang aking ngalan ay pinagmalabisan nila nang higit ng pagmamalabis nila sa iyo, at kung ako’y hindi tumututol ay upang huwag kang bigyan ng sama ng loob. Tingnan mo, doo’y kinakalakal ako, ang aking pag-ibig, ang aking damdamin; ang aking ngalan ay kinakasangkapan upang kunin ang kahuli-hulihang kuwalta ng dukha, upang ipanganyaya ang mga ‘babaing may asawa, upang ilugso ang puri ng mga dalaga, upang ilugmok ang buu-buong angkan sa kamangmangan at sa kaabaan. Ako’y inilalarawan kung minsang maitim, kung minsa’y kayumanggi, at kung minsan pa’y maputi. Akong lagi nang nabuhay sa aking paggawa at kailanma’y hindi nanghingi ng limos kaninuman, ngayo’y kailangang maglakbay sa bayan-bayan, sa bahay-bahay, at nagpapalimos upang sandatin sa ginto ang mga nabubuhay sa mga kasayahan at kasaganaan; ako’y ginagawang panakip o sangkalan ng mga gawang nakaririmarim at ng mga pagliligawan, tagapagtinda ng mga rosaryo, kalmen at sintas, at kung sakaling maisipan nilang ako’y bihisang mabuti, ang hangad nila’y makapagkamal ng lalong maraming salapi gaya ng ginagawa nila sa isang mananayaw sa sirko. At hindi pa yata sila nasisiyahan sa mga ito, ay ipinakikilala nilang ako’y may mga pangangailangan at may mga kahinaan, ako’y ipinalalagay na mapaghiganti, masakim, matigas ang puso, at maminsan-minsa’y ipinakikipagkagalit nila ako, ipinakikipagbalitaktakan at ginagawang kaaway ng akin na ring sarili; ako’y pinaliligo, pinasasayaw, binibihisan ng mga kakatuwang damit at ginagawa sa akin ang lahat ng uri ng kalapastangana’t kadiyabluhan, Ngayong nalalaman mo na, isinasamo ko sa iyo, anak ko, na ako’y alisin mo sa mga pulong yaon sapagka’t hindi ko na kayang bathin pa ang mga iyon. Iwan mo roon ang mga santo, at bahala na silang makipagkasundo sa kanila, nariyan sina Agustin, Domingo, Ignacio...
— Nequaquam, sa anumang paraa’y hindi maaari — ang tutol ni San Agustin — doo’y masama ang aking kinahinatnan. Ang aking mga anak, kung hindi mga manunulat na hangal ay mga mangangaral namang matatabil: ang pinakamabuti sa kanila’y isang komediyante. Sila’y ibinibigay ko na sa iyo, Francisco.
135