Jump to content

Page:Ang "Filibusterismo" - (karugtong ng Noli me tangere) (IA angfilibusterism00riza).pdf/13

From Wikisource
This page has been proofread.



I
SA CUBIERTA
Sic itur ad astra.
 

Isáng umaga ng Disiembre ay hiráp na sumasalunga ea palikólikông linalakaran ng ilog Pasig ang bapor Tabò, na may lulang maraming tao, na tungo sa Lalaguna. Ang bapor ay may anyông bagól, halos bilóg na wari'y tabò na siyang pinanggalingan ng kaniyang pangalan; nápakarumí kahit na may nasà siyang maging maputi, malumanay at waring nagmamalaki dahil sa kaniyang banayad na lakad. Gayon man, siya'y kinagigiliwan sa dakong iyon, sanhi marahil sa pangalan niyang tagalog ó dahil sa taglay niya ang sadyang ugali ng mga bagay-bagay ng bayan, isáng wari'y tagumpay na laban sa pagkakasulong, isáng bapor na hindi tunay na bapor ang kabuoan, isang sangkáp na hindi nagbabago, hindi ayos nguni't hindi mapag-aalinlanganan, na, kung ibig mag-anyông makabago ay nasisiyahan na ng boong kalakhán sa isang pahid ng pintura.

Na ang bapor na ito'y tunay na pilipino! Kaunting pagpapaumanhín lamang ang gamiti't pagkakamanláng siya ang daóng ng Pamahalaan, na nayari sa ilalim ng pagsisiyasat ng mga Reberendo at mga Ilustrisimo!

Balót ng liwanag sa umaga, hayo na ang maputi niyang katawán (na iniwawasiwas ang maitim na usok) na nagpapagalaw sa alon ng ilog at nagpapaawit sa hangin sa mga maigkás na kawayang nasa sa magkabilang pangpang; may nagsasabing nag-uumusok din ang daóng ng Pamahalaan!... Sa bawà't sandali'y tumitili ang pasuit na paós at mapagbalà na wari'y isang manggagahís na ibig makapanaíg sa tulong ng sigáw, kaya't sa loob ng bapor ay hindi magkarinigan, ang lahát ng mákatagpo 'y pinagbabalàan; minsa'y waring ibig durugin ang mga salambáw, (mğa yayat na kagamitan sa pangingisdâ) na ang galaw ay waring kalansáy ng gigante na yumúyuko sa isang pagóng na nabuhay sa kapanahunang dako pa roon ng pag-apaw ng tubig sa boông