Jump to content

Isang Punungkahoy

From Wikisource
Isang Punungkahoy (1932)
by José Corazón de Jesús
299871Isang Punungkahoy1932José Corazón de Jesús

Kung tatanawin mo sa malayong pook,
ako’y tila isang nakadipang kurus,
sa napakatagal na pagkakaluhod,
parang hinahagkan ang paa ng Diyos.

Organong sa loob ng isang simbahan
ay nananalangin sa kapighatian
habang ang kandila ng sariling buhay,
magdamag na tanod sa aking libingan…

Sa aking paanan ay may isang batis,
maghapo’t magdamag na nagtutumangis;
sa mga sanga ko ay nangakasabit
ang pugad ng mga ibon ng pag-ibig.

Sa kinislap-kislap ng batis na iyan,
asa mo ri’y agos ng luhang nunukal;
at saka ang buwang tila nagdarasal,
ako’y binabati ng ngiting malamlam.

Ang mga kampana sa tuwing orasyon,
nagpapahiwatig sa akin ng taghoy,
ibon sa sanga ko’y may tabing nang dahon,
batis sa paa ko’y may luha nang daloy.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)