Huag Acong Salangin Nino Man/29
Nápating̃ín na lamang sa canyá si Ibarra't hindî maalaman cung anô ang sasabihin; ang mg̃a iba'y nang̃agtiting̃inan sa pagkatacá at nang̃ang̃anib na magcaroon ng̃ caguluhan.—Nagtátapos na ang paghapon, ang "cagalang̃án pô ninyo'y busóg na"—ang isásagot sana ng̃ binatà; ng̃uni't nagpiguil at ang sinabi na lamang ay ang sumúsunod:
—Mg̃a guinoo; huwág cayóng magtátaca ng̃ pagsasalitang casambaháy sa akin ng̃ aming dating cura; ganyán ang pagpapalagáy niyá sa akin ng̃ acó'y musmós pa, sa pagcá't sa canyá'y para ring hindî nagdaraan ang mg̃a taón; datapowa't kinikilala cong utang na loob, sa pagcá't nagpapaalaala sa aking lubós niyóng mg̃a áraw na madalás pumaparoon sa aming báhay ang "canyáng cagalang̃án", at canyáng pinaúunlacan ang pakikisalo sa pagcain sa mesa ng̃ aking amá.
Sinulyáp ng̃ dominico ang franciscano na nang̃ang̃atal. Nagpatuloy ng̃ pananalitâ si Ibarra at nagtindíg:
—Itulot ninyó sa aking acó'y umalís na, sa pagcá't palibhasa'y bago acóng datíng at dahil sa búcas din ay aco'y áalis, marami pang totoong gágawín acóng mg̃a bágay-bágay. Natapos na ang pinacamahalagá ng̃ paghapon, cauntî lamang cung aco'y uminóm ng̃ alac at bahagyâ na tumítikim acó ng̃ mg̃a licor. ¡Mg̃a guinoo, mátungcol nawâ ang lahát sa España at Filipinas! At ininóm ang isáng copitang alac na hanggáng sa sandalíng iyó'y hindî sinásalang. Tinularan siyá ng̃ Teniente, ng̃uni't hindî nagsasabi ng̃ anó man. —¡Howág pô cayóng umalís!—ang ibinulóng sa canyá, ni Capitang Tiago.—Dárating na si María Clara: sinundô siyá ni Isabel. Paririto ang sa báyang bágong cura, na santong tunay. —¡Paririto acó búcas bago acó umalís. Ng̃ayo'y may gágawin acóng mahalagáng pagdalaw. At yumao. Samantala'y nagluluwal ng̃ samâ ng̃ loob ang franciscano. —¿Nakita na ninyó?—ang sinasabi niyá sa binatang mapulá ang buhóc na ipinagcucucumpas ang cuchillo ng̃ himagas. ¡Iyá'y sa pagmamataas! ¡Hindî nilá maipagpaumanhíng silá'y mapagwicaan ng̃ cura! ¡Ang acalà nilá'y mg̃a taong may cahulugán na! ¡Iyán ang masamáng nacucuha ng̃ pagpapadalá sa Europa ng̃ mg̃a bátà! Dapat ipagbawal iyán ng̃ gobierno. —At ¿ang teniente?—ani Doña Victorinang nakikicampí sa franciscano—¡sa boong gabíng ito'y hindî inalís ang pagcucunót ng̃ pag-itan ng̃ canyáng mg̃a kilay; magalíng at tayo'y iniwan! ¡Matandâ na'y teniente pa hanggá ng̃ayón!