Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/8

From Wikisource
This page has been proofread.

MGA AKDANG PAMPANITIKAN
SA TULUYAN

(Ikalawang Bahagi)

Sa mga akdang pampanitikan, si Rizal ay hindi lamang nabantog at kinilala ng buong daigdig sa panulaan kundi gayundin sa tuluyan. Kung si Rizal man, buhat sa kanyang gulang na walong. taon ay nakasulat na ng isang tula sa wikang tagalog at sa tula rin niwakasan ang huling tibok ng kanyang hininga sa pagsulat ng kanyang walang kamatayang "Huling Paalam", gayon ma'y hindi mapag-aalinlanganang naging maningning ding tala sa panitikan ang di kakaunting akdang tuluyan na kanyang sinulat, maging sa ayos na parang nobela, kuwento, sanaysay, alamat at iba pang lathalaing naging mga dakilang palamuti ng mga pahayagan at mga rebista sa Espanya at sa Europa. Kung sa bagay, si Rizal, ayon kay Retana at sa ibang manunuri ay hindi maipaparis sa lalong magaling na nobelista, ni sa lalong magaling na makata, sa lalong pantas na mananalaysay, sa mga dakilang pintor, eskultor, manggagamot sa sakit ng mata, hindi nga, at ang tutoo'y walang sinumang naniniwalang siya'y naging gayon, ni si Rizal na rin ay hindi nagangkin ng nasabing paniniwala palibhasa'y may iba siyang layunin sa buhay. Sinumang nakakakilala sa kaugalian ni Rizal ay hindi mangangahas na mag-alinlangan na kung sadyang hinarap niya at ibinuhos ang buong pagsisikap sa alinmang uri ng karunungan ng tao, walang alinlangan, inuulit namin, na siya sana'y naging isa sa lalong bantog at lalong dakila, na hindi maaring mapahuli sa mga kinikilalang pantas at dalubhasa sa alinmang sangay ng karunungan sa ibabaw ng lupa.

Sa ikalawang bahaging ito ng kanyang mga akdang pampanitikan sa tuluyan, gaya rin naman sa panulaan, ay mapapansing ang karamihan sa kanila'y hindi lamang namumukod sa inam at ganda ng pagkakasulat kundi mapupuna ang pangingibabaw ng damdaming laging kinahihimalingan ng kanyang isip, na dili iba't ang pag-ibig sa kanyang lupang kinamulatan, kung minsa'y sa pamamagitan ng tiyakan at tandisang pagpapahayag at kung minsan nama'y sa pamamagitan ng mga patalinghagang pag-uulat. Maliwanag na mapagkikilala na ang isa niyang kuwento, sanaysay o talumpati ay hindi lamang kuwento, sanaysay o talumpati sa tunay na kahulugan ng salitang ito, kundi isang bungang-isip na sumasagisag ng kalagayan at kapalaran ng kanyang bayan at mgá kababayan.

Ilan sa mga akdang itong tuluyan ay hindi tapos, gaya ng mapupuna ng mambabasa. Marahil, ang mga karugtong ng mga ito ay nangawala at maari rin namang sadyang hindi tinapos ni Rizal sa anumang kadahilanang siya lamang ang nakatatalos.

iii