Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/64

From Wikisource
This page has been proofread.


hintay sa maliligong nananabik sumisid sa malamig na tubig ng batisang kanugnog. Sa mga paligid niyon ay nalalanghap ang isang kapayapaa't isang katahimikang lalo pang pinagiging kawili-wili ng lagitik ng mga kawayan, iyang musika ng mga kagubatan sa Pilipinas, na nagdudulot, ang wika nga, ng isang tugtuging matahimik.

Bumaba ako't gumayak upang maligo.

May isang landas na nagsisimula sa daang nasa-harap ng kubo, at nangingilid sa Dampalit,7 at sa agwat-agwat ay may mga sangang dinaraanan upang lumusong sa tubig. Sa magkabilang pasigan ng batis na hindi naman gaanong matataas ay tumutubo at yumayamungmong ang lahat ng mga supling ng malalago't pangmainit na halaman doon. Ang mga puno ng kawayan, saging at papaya na nangagkakakabit-kabit sa pamamagitan ng kanilang mga sanga o kaya'y maraming iba't ibang baging, dapo at punungkahoy ay bumubuo ng isang luntiang bilog na pinakabubong na nagbibigay ng nakalulugod na lilim sa batis at nagkukupkop dito laban sa araw at hanging. Sa paanan ng mga punung-kahoy na ito, ay nakaduklay na humahalik sa tubig na anaki'y bubog at nagpapagiwang-giwang ang napakaraming halaman at maliliit na puno na sinasalitan ng mga maliliit na bulaklak na dilaw, pula't bughaw. Sa ilalim ng malilim na habong na yaong yari sa mga sanga ng halaman ay umaagos na paliku-liko sa pagitan ng mga batong nasasabugan ng tanak na buhangin ang bahagya nguni't malamig at malinaw na daloy ng tubig.

Tatlong babaing nagkakaumpok at nakaupo sa malalaking bato ang naglalaba ng mga damit at gumagambala sa katahimikan sa pamamagitan ng mga magkakasabay na lagapak ng kanilang mga pamalu-palo. Lumayo ako sa gayong ingay; sumalunga ako sa agos ng tubig upang humanap ng lalong mabuting pook. Habang ako'y sumusuba, napapansin kong nagiging lalong mapanglaw at lalong malamig ang saluysoy; ang mga halama't mga bulaklak ay nagiging lalong magaganda't sari-sari; at lumilipad nang dala-dalawa o kaya'y naghahabulan ang mga nag-iibigang paruparong may iba't ibang kulay, mga tutubing bughaw, pula, ubi, at iba pa, at iba't ibang kulisap, na pawang nangagsasaya sa gitna ng mabulaklak na Edeng yaon. Sa pagmamasid sa mga bulaklak ng hangin na nagsisipailanlang sa ibabaw ng mga bu


7 Dampalit — isang ilog o sapa sa nayon o pook na may ganitong pangalan sa Los Baños. (Dr. L. Lopez-Rizal)

55