Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/50

From Wikisource
This page has been proofread.


simulain namin; kayong mga hamak ang pang-unawa, maikli ang isip, hindi ninyo nababatid ang aming mga nagniningning na pananalig, ay! sa aba ninyo!

At sa ganyang napakalaking pagkaawa at pagmamatuwid ay nakikita namin silang pinarurusahan nang walang katapusan. Palibhasa'y wala kaming minamagaling kundi ang sarili lamang, gaya ng nararapat, sa lahat ng kasang-ayon ng katotohanan, na hindi maaari kundi iisa lamang, at ang lahat ng iba pa'y pawang kasinungalingan, kami'y lumalayo sa pagkahawa sa kanila, kami'y umiilag sa pakikiharap sa kanila, kami'y nagpipikit ng mata at nagtatakip ng tainga sa mga katha at mga salita nila.

Hindi ko tinutukoy dito yaong mga malayang palaisip dahil sa pagkahawa, sa pagsunod sa panahon, sa panggagaya o sa hawig; hindi; ang mga pagtutol at pagmamatuwid ng mga ito'y masisira namin sa dalawa o tatlong pagtatangi-tanging hindi nila karaniwang nasasakyan, at sila'y aming mapababalik na parang maaamong tupa sa aming bakuran, at sila'y mga kaibigan ding gaya ng dati. Ano ba ang magagawa nila sa amin, sa kami'y pinasuso ng katas ng pilosopiyang eskolastiko. Mga katoliko sapul sa ikalimang taong gulang, mga pilosopo sa ikalabing-apat, metapisiko sa ika-labinlima, at mga teologo sa ikalabing-anim, mga bagong David kaming nakapagpapabuwal ng mga Goliat na iyan nang napakadali, na ikinapapatunganga ng mga matatandang babae sa karunungan namin.

Hindi; hindi ko tinutukoy ang mga gayong malayang palaisip; hindi sila nararapat pagkaabalahang pakipagtalunan ninuman. Ang tinutukoy ko'y yaong mga taong binitiwan ng kamay ng Diyos, na nagmamatigas sa kasamaan, na nagpipikit ng mga mata sa liwanag, yaong mga nananalig sa kanilang sinasabi, na matamang nakapagwawari-wari at namamatay sa kahuli-hulihang dipagsisisi, gaya ng sabi ng aking guro. Ay! may mga mata sila'y hindi nakakakita; may mga pandinig sila'y hindi nakakarinig; ang puso nila'y parang batong hindi maaaring tamnan ni tubuan ng anuman.

Nagkaroon ako ng malungkot na kapalarang makakilala ng isa sa mga sawimpalad na ito, at bagaman sinikap kong lubos na siya'y mapagbalik-loob, ito'y hindi ko natamo.

Ang aking bantug na manggagamot, na tinatawag na dalubhasa ng kanyang mga kasama, ay isang taong malalim at malawak ang kaalaman sa iba't ibang sangay na bumubuo ng agham ng sangkatauhan. Habang wala siyang ginagawa kundi ang ipa-

41