Datapuwa’t ang kabo ng mga guwardiya’y hindi pumayag na si San Pedro’y makababa nang hindi muna nasisiyasat ang maleta nito at nang makita ng kabo ang mga panyo’y dumampot ng dalawa. Pinabayaaan siya ni San Pedro upang pagaanin ang loob ng kabo at nang ito’y magbigay ng “guia”, yamang kung wala nito ay sinabi sa kanyang hindi siya makaaahon.
Si Hesus ay lumalakad nang walang napapansin at nag-iisip-isip, samantalang si San Pedro’y nakasimangot at nagtutungayaw sa pagtutol sa gayon karaming mga paghihigpit.
— Makikita ninyong pagdating ko sa aking katedral ay makikilala nila ako roon! — ang sabi sa sarili.
Isang karabinerong nakakita sa kanya ang naghinalang may dala siyang kontrabando kaya’t siya’y kinapkapan buhat sa paa hanggang ulo. Tumutol nang buong higpit si San Pedro, at kung daladala lamang niya ang kanyang tabak ay tinapyas na sana niya ang tainga ng karabinero.
— Huli, huli! — ang sigaw nang buong galak ng karabinero, na nakatuklas ng isang bilot ng pisong mehikano — Huli!
— Neguni’t iya’y akin, iya’y akin — ang sigaw ni San Pedro. — Iyan nga ang dahilan! — ang itinugon ng karabinero.
Akala ni San Pedro’y nasisiraan na siya ng bait: ang bansang yao’y talagang hindi maaaring maunawaan. Nang makita siya ni Hesus sa gayong kagipitan at maalaala ang tagubilin ng Amang Walang Hanggan, ay nagtangkang maghiganti sa inasal sa kanya ni Pedro noong siya’y itatwa nito sa Herusalem, sa pamamagitan ng pagtatatwa naman hiya ngayon kay Pedro. Ngunit nanaig ang puso niyang dakila’t mabuti at siya’y sumunod sa dalawa.
Si San Pedro’y dinala ng karabinero sa isang malapit at maliit na kuwartel na kinaroroonan ng isang opisyal na kastila at maraming karabinero.
Sinamsam nila ang lahat ng mamisong dala-dala ni San Pedro, hiningan ito ng tanong, at nang makita ni Hesus na isasakdal ang kanyang alagad, ay nagtangkang mamagitan.
Sa himig na ginamit niya nang may labingwalong dantaon na ang nakaraan, noong siya’y makikipag-usap sa mga pariseong nagtanong sa kanya kung nararapat ba o hindi magbayad ng buwis kay Sesar, ay sinabi ni Hesus sa opisyal na europeo:
159