Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/165

From Wikisource
This page has been proofread.

Si San Pedrong nalula nang gayon na lamang sa paglalayag ay. hindi magkasiya sa tuwa nang magunitang sa wakas ay aahon na sila buhat sa sasakyan. Ang dagat ng Tsina’y ibang iba sa nakita niya sa Galilea. Hindi minarapat ng kanyang Guro na gumawa ng anumang himala upang patahimikin ang mga alon.

“Kaya nang mabanaagan ang lungsod buhat sa malayo ay naging matabil siya at kipkip ng isang bisig ang isang manok na tataliin ay ginagambala ang lahat sa kung anu-anong itinatanong.

— Anong gusali iyong natatanaw natin sa kaliwa, may dalawang tore na parang kuta, gaya ng sa mga kastilyo ng peudalismo, o ng taguan ng mga tulisan sa Samarya?

— Ang simbahan ng Santo Domingo! — ang tugon ng marino. Halos nabitiwan ni San Pedro ang kanyang manok.

— Simbahan! Santo Domingo! — ang ulit niyang namamangha — si Domingo’y nagsasa-panginoong peudal dito, at kami sa langit ay naniwala pa namang siya’y napaka ... Walang pag-aalinlangang marami siyang kayamanang itinatago roon!

— Marami? ba, tao pala kayo! — ang itinugon ng marino — Sila’y hindi napakahangal na iiwan sa simbahan ang kanilang salapi. Itinatago nila iyan sa ibang pook.

— Nguni’t paano sila nakapagkamal ng gayong napakaraming kayamanan? — ang usisa ni San Pedro. — Masipag ba sila sa paggawa? Nagbubungkal ba sila ng lupa? Sila ba’y may mga industriya? Dapat silang mamatay sa paggawa, sapagka’t upang maging mayaman ... kung hindi ako namamali’y sinabi sa akin ni Domingo na ang mga anak niya’y may panatang magpakarukha!

Ang marino, na hindi nakaunawa sa sinabi sa kanya ay hindi kumibo,

— At ang habong na iyon, ang bubong na pabilog na iyon at malaki, na natatanaw natin sa dakong kanan, ‘ano iyon?

— Ang katedral ni San Pedro!

— Ano? — ang naibulalas ni San Pedro — ano, anong ngalan ang sinabi mo?

— San Pedro!

156