This page has been proofread.
VENUS — (Pabiglang sasabad na namumula). Oh, napakagandang JUNO, na mapanibughuin at mapaghiganti! Sa kabila ng mabuti mong panggunita, na laging nakaaalaala ng mansanas na ginto, na walang matuwid na ikinait sa iyong masanghaya at hindi matapus-tapos purihing kagandahan, ikinamumuhi kong mamalas na nalilimutan mo ang magaspang na pagpalagay sa atin ng kinakatigan mong si HOMERO. Datapuwa't kung sa ganang iyo, si Homero'y makatuwiran at makatotohanan, maging gayon nga sana, at binabati kita dahil diyan; datapuwa't kung sa ganang akin, ang mga diyoses sa Olimpo ang siyang dapat magsalita
MOMO — (Hahadlangan si Venus.) Oo! Siyanga, sila nga ang magsabing pinupuri mo si Virgilio sapagka't naging mabuti ang pagpapalagay niya sa iyo; na kung kaya ipinagtatanggol ni Juno si Homero, ay sapagka't ito ang mang-aawit ng mga paghihiganti; na kayo'y naglalambingan at nagpapalitan ng mabubuting pagpapalagay; nguni't ikaw, Jupiter, bakit hindi ka makialam sa ganitong pagtatalo, at naririyan kang parang isang hangal na nakikinig ng ganyang pagtatalakan sa ganitong mga pagdiriwang sa Olimpo?
JUNO — (Pasigaw) Asawa ko! Bakit mo pinababayaang laitin tayo ng mabangis na tau-tauhang itong pilantod at ubod ng pangit? Paalisin mo rito sa Olimpo iyan, sapagka't ang kanyang hininga'y nakapagkakasakit. Tangi sa rito ay . . .
MOMO — Purihin nawa si Juno na kailanma'y hindi nanlalait, sapagka't ako'y tinatawag lamang niyang pangit at pilantod!
(Magtatawanan ang mga diyus-diyusan).
JUNO — (Namumutla, nangungunot ang noo at nagtutudla ng isang nag-aalab na tingin sa lahat, lalo na kay Momo.)
-Magtahan ang diyos ng panunudyo! Alang alang sa dagat-dagatan ng Estihiya . . . Nguni't bayaan na natin iyan,
at magsalita naman si Minerva, yamang ang kanyang mga palagay ay gaya rin ng akin sa mula't mula pa.ΜΟΜO — Oo! Isa pang katulad mo, mga paham na mapagpakialam, na nangaroroon sa hindi dapat karoonan.
7