Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/158

From Wikisource
This page has been proofread.

At si San Pedro, na lubhang nahahapis at nababalisa hinggil sa kanyang kapalaran, ay lumalakad na sa kanyang loob ay tinutungayaw ang kanyang naisipang pagpanaog sa pulong yaon. Ang Pilipinas, bansa ng mga kristiyano, ay nakikilala na niya, at kahit na maging masama ay lalong mabuti na ito kaysa mabuting kikilalanin pa.

Si Hesus, na lumilingap-lingap sa lahat ng dako na parang may hinahanap, ay nakapansin ng ilang malalaking gusaling magkakawangis, iisang anyo ang pagkakayari, at inakala niyang ang mga yao’y mga pagamutan marahil o kaya’y isang gusaling bayan sa pagkakawang-gawa, datapuwa’t sinabi ni San Pedro, na may masamang pagkakakilala sa mga ingles at insik, na marahil ay mga kuwartel iyon; inakala niyang hindi mangyayaring makagawa ng ibang bagay ang mga taong iyong walang pananampalataya. At upang malutas ang kanyang pag-aalinlangan, ay lumapit sila sa isang binata, na mukhang mestiso, at nagtanong:

— Sa mga paleng dominiko! — ang tugon ng binata.

— Sa mga paring dominiko! — ang namamanghang ulit ni San Pedro — Guro, ang mga bahay na ito’y pag-aari ng mga anak ni Domingo,

Nakatungangang pinanood nilang dalawa ang gayon karaming mga bahay, at namangha sila sa kainaman ng mga ito,

— Si Domingo, na nagpapaniwala sa ating ang mga anak niya’y may panata ng pagpapakarukha! — ang ulit ni San Pedro.

— Huwag kang magtaka, Pedro — ani Hesus — Kung ako’y hindi nagkakamali, sila’y may mga misyon sa Tsina; marahil, ang gawai’y napakalaki at kinakailangang tumira rito ang libu-libong misyonero upang mapapaging kristiyano ang mga tagarito.

Nagpatuloy sila ng paglakad, at nakita nila ang isa pang mahabang hanay ng mga bahay, na hindi man malalaki, ay mabuti naman ang pagkakayari.

— Walang salang ang mga ito’y siyang mga kuwartel — ang sabi sa sarili ni San Pedro, at nagtanong sa isang tao kung ang mga bahay na yao’y mga kuwartel nga.

— Sa mga paleng dominiko! — ang tugon ng pinagtanungan.

— Aba! — ang bulalas ni San Pedro — at yaong mga natatanaw ko sa dako roon, na ang kulay ay puti’t pula?

149