Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/139

From Wikisource
This page has been proofread.

—Datapuwa’t ang Portugal, ano ang ginawa nang magkagayon, — itinanong ng Amang lalong nananabik dahil sa kagusutan.

— Tumutol siya, at nang makilala ni Carlos, na hari ng mga kastila, ang mga matuwid na pinanghahawakan, at dahil sa isang malaking halaga ng salapi, na noo’y kanyang kinakailangan, ay ibinigay ni Carlos sa Portugal ang mga karapatang maaaring naging kanya hinggil sa pulong yaon.

— At yao’y kinuha ng Portugal, kung gayon?

— Hindi po, Ama: si Carlos ay nagpadalang muli ng mga pandarayuhan upang sakupin ang pulong iyon, nguni’t ito’y hindi naman nila natamo hanggang, sa wakas, ang anak niya’y siyang nakalupig niyaon sa pamamagitan ng mga kasunduan, ang isang bahagi’y sa pamamagitan ng katusuhan, ang isa’y sa pamamagitan ng pakikirigma, at ang isa pang bahagi’y sa pamamagitan ng mga matatamis na pangako.

— At ang Carlos na iyan at ang kanyang anak, ay may mga bantayog din ba sa Pilipinas?

— Wala pa po, nguni’t magkakaroon din sila pagdating ng panahon — ani Gabriel.

— At ano ang ginawa ni Alejandro nang makita niyang hindi tinupad ang kanyang mga pasiya, nagsikap ba siyang gumawa ng pag-aayos?

— Hindi po, namatay na siya, pagka’t siya’y nilason. Nguni’t hindi niya diniribdib ang kanyang mga kapasiyahan!

— At ang mga tao, ano ang kanilang sinasabi kapag nakikita nilang napapalungi ang aking kabanal-banalang ngalan sa ganyang mga pagkakasundo?

—Ano pa ang sasabihin nila, Walang Hanggang Ama, kundi alin sa dalawa: o walang Diyos, 0 kung kayo ma’y nabubuhay, sila’y inyong pinabayaan?

Nagtakip ng mukha ang matandang Diyos, at pagkatapos, taglay ang kalungkutan sa mukha’y nagwika:

— Tingnan natin, Gabriel: yamang ikaw ay nakarating na sa mga pulong yaon at tila nakikilala mong mabuti, ano ang inaakala mong nababagay gawin upang malunasan ang mga kasamaan doon?

— Itinatanong po ba ng Amang Walang Hanggan kung ano ang aking palagay?

130