Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/135

From Wikisource
This page has been proofread.

Kanya. Akala ng Amang Walang Hangga’y nakakakita siya ng mga pangitain, inayos na mabuti ang kanyang salamin sa mata at pinagbuting lalo ang pagmamatyag,

Namasdan niyang may mangilan-ngilang nabubuhay nang walang anumang ginagawa, umaapi’t umaalipin sa iba, dumudukit sa mga mata, sumisipsip ng utak, at hindi pa yata nasisiyahan sa mga ito’y kanila pang nilalait at dinudusta. Datapuwa’t ang lalong ipinagtaka ng Amang Walang Hanggan ay nang makita niyang ang lahat ay pawang di nasisiyahan, at sa katunayan, ang mga nang-aapi ay lalo pang hindi nasisiyahan kaysa mga inaapi.

— Lintik, lintik! — ang bulong na kasabay ang malakas na pag-iling ng ulo at paghaplos sa kanyang balbas — tila masama ang nangyayari sa mga pulong iyon. Hoy! ikaw, halika! — ang idinugtong sa isang malakas na tinig at tinawag si arkanghel Gabriel na nagdaraan sa malapit doon.

Lumapit si Gabriel!

— Nalalaman mo ba kung ano ang ngalan ng mga luntiang pulong iyon sa ibaba, na may mga di-karaniwang naninirahan at may mga ugaling lalo pang di-karaniwan?

Tinanaw ni Gabriel ang itinuturo sa kanya.

— Bakit po hindi ko malalaman! — ang isinagot niya — sa doo’y nagkaroon ako noong araw ng isang templo at isang liwasan!

— Ikaw, Abeng, diyata’t ikaw ay nagkaroon doon ng isang templo’t isang liwasan! — ang bulalas na natitilihan ng Amang Walang Hanggan, — Pinahihintulutan mo ba ang gayong mga kalabisan?

— Ba, yao’y binawi na po sa akin. Ibinigay nila sa isang prayle. Doon, ang lahat ay humahantong sa kamay ng mga prayle!

— Mga prayle ba ang sabi mo? Anong uri ng kulisap ang mga iyan?

— Iyan po’y . . . ang isang prayle, ang isang prayle’y isang bagay na napakahirap pong ipaliwanag — ang tugon ni Gabriel na nalilito. Isang prayle . . . nariyan ang quid, iyan ang kahirapan. Ako ma’y hindi ko nauunawa kung ano ang isang prayle.

— At ano ang ngalan ng mga pulong iyan? — ang tanong ng Diyos na buong pag-uusisang tumingin sa lupa.

126