Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/126

From Wikisource
This page has been proofread.


nga’t may kalikutan ng kaunti sa babae, lalong-lalo na noong kabataang bagong kadarating, nguni’t wala namang sukat na masabi sa kanya ang bayan; ipakasal na mahinusay, pinabahayan at binigyan ng puhunan ang lahat niyang ginalaw, alin na kaya sa ibang binata na nakasira’t hindi nakabuo, at saka ang isa pa’y tumahimik nang lubos sapul ng makakilala si aleng Anday, ngayon na nga lamang na umuwi ang Marcela na galing sa Maynila, ngayon na nga lamang tila nagugulong panibago, malimit ang pagdalaw sa bahay, ugali’t maganda ang dalaga, kaibigan ang ama at wala pa namang sukat na masabing higit sa karaniwan. Tunay ngang dumaraing ang ibang mahirap at tumatangis sa kamahalan ng libing, binyag at iba pang upa sa simbahan datapuwa’t talastas ng marami na kailan ma’y madaraingin ang mahirap at sa katunayan nga’y ang mayayama’y busog sa kanilang kura at tila pa mandin nagpapalaluan ng pagbabayad ng mahal sa kanilang pare.

Mutya nga halos ng bayan ang bunying kura kaya nga’t walang alaala ang tanan kundi pag-aralan ang lahat niyang nasa at pangunahang tuparin ang lahat niyang utos, Agawan ang lahat ng paglilingkod sa kanya, palaluan ng alay at sa katunayan ay saganang palagi ang kusina’t despensa sa kombento; sa kura ang maputi at bagong bigas, sa kura ang matabang manok, ang malalamang baka, ang baboy at usang nahuli sa bating, ang ibong nabaril, ang malaking isdang nahuli sa dagatan, ang matabang ulang at ang mga masasarap at mabubuting bunga ng kahoy. Bukod pa sa mga handog na ito ng mayayaman, na ikinabubuhay ng pare na walang gasta at ng kanyang mga alila ay sunud-sunod pang dumating ang mga panyong habi, ang mga talaksang kahoy ng tagabukid na walang sukat maialay, ang lahat na panunuyo ng nagkakailangan, sa napabilanggong ama, sa hinuling kapatid, sa sinamsam na hayop ng Guwardiya Sibil, sa ipalalakad na kamag-anak sa Kabesera na hindi maalaman ang dahil. Sa lahat nang ito’y isang sulat lamang, isang pasabi o isang salita kaya ng kura’y nakaliligtas ang napiit, nakauuwi ang hinuli, nasasauli ang hayop at napapanatag ang natitigatig na bahay.

Wala namang sukat masabi ang tao sa kay aleng Anday, subali’t puri pa at galang ang kinakamtan niya. Sapagka’t sa totoong mahihigpit na bagay, sa mga nakawan o harangan kaya, si aleng Anday ang takbuhan ng mga mahihirap at sa pamamagitan niyang ‘mabisa’y walang napapahamak, walang natitimba, walang naruruhagi. Kaya nga’t ang tingin kay aleng Anday ay parang isanz may pusod na Birhen, maawain at mura-mura pa sa ibang Birheng kahoy na sinasampalatayanan,

117