12. — MAKAMISA *
Tumigil ang tugtugan at natapos ang misa ni Pare Agaton.
Humugong ang simbahan sa bulongbulungan at sagadsaran ng mga tsinelas ng nangagsisilabas. Sagilsilan at pawisan sa init at antok, ang iba’y kukurap-kurap, ang iba’y naghihikab at gakumukurus pa ay nagtutulakan sa pagdukwang sa benditang nakalagay sa dalawang mangkok na pingas, sa malapit sa pintuan. Sa pagkakagilgilan ay may batang umaatungal, matandang nagmumura at nagbububula ang labi, may dalagang naniniko, kunot ang noo’t pairap sa kalapit na binata, na tila baga mauubusan ng tubig na maruming tila na putikang tirahan ng kitikitii Gayon ang pag-aagawang maisawsaw ang daliri, malahid man lamang maikurus sa noo, batok, puson at iba’t iba pang sangkap ng katawan. Taas ng mga lalaki ang hawak na salakot o sambalilo kaya, sa takot na madurog; pigil na magaling ng mga babae ang panyo sa ulo at baka mahulog; may nakukusamot na damit, may napupunit na manipis na kayo, may nahuhulugan ng tsinelas at nagpupumilit magbalik at nang makuha, nguni’t nadadala ng karamihang tulak ng mga punong bayang lumalabas na taas ang yantok, tanda ng kanilang kapangyarihan. Ano pa’t sa isang hindi nakababatid ng ugali sa katagalugan, ang dagildilang ito’t pag-aagawan sa tubig ay makakatakot at maiisip na nasusunog ang simbahan, kundangan lamang at may ilang nagpapatirang babaing may loob sa Diyos, na hindi lumalabas kundi nagdarasal ng pasigaw at naghihiyawan na tila baga ibig sabihin:
— Ay, tingnan ninyo at kami’y mga banal. Hindi pa kami busog sa haba ng misa.
Tila baga kung tatanungin ang karamihan kung bakit sila pangagaw sa tubig na yaon at. ano ang kagalingan ay marami na manding makasagot ang lima sa isang daan. Ang siyam na pu at fima’y dumadawdaw sapagka’t ugali. Salbahe ang lumabas na hindi nagkurus muna: mag-alkabalero ka na ay huwag ka lamang magkulang sa kaugalian.
* Ang orihinal nito’y sadyang sinulat ni Rizal sa wikang Tagalog. Maliban sa palatitikan na isinunod namin sa makabagong pamamaraan ngayon upang lalong lumutang ang kagandahan ng kuwento, ay wala kaming binago sa paghahanay at pagbuo ng mga pangungusap.
Napagkikilalang ang kuwentong ito’y hindi tapos—maaaring nawala ang karugtong sa aming pinagsipian o talagang hindi tinapos o natapos ni Rizal — gaya ng pinatutunayan ng pangyayaring ito’y wala ring lagda ni petsa ng pagkakasulat.
109