Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/109

From Wikisource
This page has been proofread.

11 — SI MARIANG MAKILING*

Sa aking bayan ay may iniingatang isang alamat, ang alamat ni Mariang Makiling,

Siya’y isang dalagang naninirahan sa magandang bundok na naghihiwalay sa mga lalawigan ng Laguna at Tayabas!. Kailanma’y hindi napag-alaman ang tiyak na pook na kanyang tinitirhan, sapagka’t yaong mga nagkapalad na makasumpong sa kanya, pagkapaglagalag nila nang mahabang panahon, tulad ng mga naliligaw sa mga kagubatan, ay hindi na nangakabalik, ni hindi na‘ nagkantututong tumunton sa daan, at hindi rin nagkakaisa sa pook at sa paglalarawan nito. Samantalang may mangilan-ngilang nagsasabing ang kanyang tirahan ay isang magandang palasyo, na kumikinang na tulad ng isang gintong relikaryo at naliligid ng mga halaman at nagdirilagang liwasan, ang iba naman ay nagpapatunay na wala silang nasumpungan maliban sa isang hamak na dampa, na ang bubong ay tagpi-tagpi, at ang mga dinding ay sawali. Ang ganitong pagkakasalungatan ay maaaring ikapaniwala na ang mga nagbabalita, maging ang mga nauna at maging ang mga nahuli, ay magaling na magsinungaling; datapuwa’t maaari rin naman na ang sanhi ng pagkakaiba-iba ng kanilang mga pagsasalaysay ay dahil sa si Mariang Makiling ay may dalawang tahanan, gaya ng maraming taong may-kaya.

Sang-ayon sa mga saksing nakakita, siya’y isang dalagang matangkad at mainam ang tindig, may mga matang malalaki’t maiitim, at may buhok na mahaba’t malago. Ang kulay niya’y kayumangging-kaligatan, gaya ng tinatawag ng mga tagalog; ang kanyang mga kamay at mga paa ay maliliit at makikinis, at ang bukas ng kanyang mukha’y nagpapahayag ng katimpian at katapatan, Siya’y isang nilalang na parang likha ng guni-guni, kalahating nimpa at kalahating silpide, na isinilang sa mga sinag ng buwan sa Pilipinas, sa hiwaga ng kanyang kagalang-galang na kagubatan at sa ugong ng mga alon ng kanugnog na lawa. Sang-ayon sa paniwala ng madla, at laban sa kabantugang iniuukol sa mga diwata



* Ang lathalang ito ay lumabas sa La Solidaridad nang ika-31 ng Disyembre, 1890 sa ilalim ng pangkalahatang pamagat na SINING AT PANITIK.

1 Ngayon ay lalawigan na ng Quezon ang dating tinatawag na lalawigan ng Tayabas, na pinalitan sa karangalan ng mabunying lider ng bayang pilipino, na si G. Manuel L. Quezon, naging unang Pangulo ng Komonwels ng Pilipinas.

100