Jump to content

Page:Dating Pilipinas (microform) (IA aqj5844.0001.001.umich.edu).pdf/38

From Wikisource
This page has been validated.


— 33 —

na mainam ng buhok na nagsisipaggugo at nag- sisipaglangis ng lingáng may pabangó. Sa ngipin ay lubhang maingat na lahat, na mula sa pagkabata ay pinapantay ng mga bato't iba pang mga kasangkapang pangkiskis at pinaiitim hangang sa tumanda, na tuloy sinasaglitan ng ginto at nililinis pagkakain at pagkakagising.

Bata't matanda ay naliligo sa mga ilog at sa malaking bangbang na, ani Morga'y, kahi't sa anong oras, dahil sa di umano'y inaaring pinakamainam na kagamutan: kaya't pagkapanganak (anyá) ng babaye ay agad naliligo at pati bata'y pinaliliguan din (1). At ani Colin, ang karaniwang oras na ipinaliligo ay sa pagkalubóg ng araw, pagkatapos ng gawain at sa pangagaling sa pakikipaglibing na naging kaugalian din sa Hapón. Saka kung naliligo ay mahinhing naúupo na inilúlubóg ang katawán hangang sa lalamunan na nangagpapakaingat upang huwag maging tudláng ng matá nino man.


(1) Ani Rizal, ay di lubhang mapaniniwalaan ito dahil sa pina- kaiingatan ng mga tagarito ang maligo sa tanghali, pagkakain, pagká bagong kalilitaw ang sipon at pagka pinápanahón ang babaye at iba pa.

3