ALAALA
sa mga paring G. Mariano GOMEZ (85 taón)
José BURGOS (30 taón)
at Jacinto ZAMORA (35 taón)
na binitay sa Bagumbayan ng ika 28 (†) ng Febrero ng taong 1872.
Sa di pagsang-ayon ng Relihion na alisán kayó ng karangalan sa pagkapari ay inilagay sa alinlangan ang kasalanang ibinintáng sa inyó; sa pagbabalot ng hiwagà't kadilimán sa inyong usap ng Pamahalaan ay nagpakilala ng isáng pagkakamaling nágawa sa isang masamang sandali, at ang boông Pilipinas, sa paggalang sa inyong alaala at pagtawag na kayo'y mga PINAGPALA, ay hindi kinikilalang lubós ang inyong pagkakasala.
Samantala ngang hindi naipakikilalang maliwanag ang inyong pagkakálahók sa kaguluhan, naging bayani kayó ó dî man, nagkaroon ó di man kayó ng hilig sa pagtatanggol ng katwiran, nagkaroon ng hilig sa kalayaan, ay may karapatán akong ihandog sa inyó, na bilang ginahís ng kasamaáng ibig kong bakahin, ang aking gawa. At samantalang inaantay namin na kilalanin sa balang araw ng España ang inyóng kabutihan at hindi makipanagót sa pagkakapatay sa inyó, ay maging putong na dahong tuyo na lamang ng inyong mga liblib na libingan ang mga dahong ito ng aklát, at lahát niyong walang katunayang maliwanag na umupasalà sa inyong alaala, ay mabahiran nawa ng inyong dugo ang kanilang mga kamay.
(†) Hindi namin binago ang 28 na nasa wikang kastila, nguni't ipinauunawa namin na ika 18 ng bitayin ang mga tinurang pari.-P. ng T.