Jump to content

Manggagawa

From Wikisource
300222ManggagawaJosé Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa karimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.

Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon’y nagyayabang.

Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamao mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.

Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan…..
Bawat patak ng pawis mo’y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.

Mabuhay ka nang buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)