Kung Ikaw’y Umibig
Huwag nang sabihing ang tang̃ing Julieta
ng̃ isang Romeo’y batis ng̃ ligaya,
huwag nang banggitin ang isang Ofelia’t
hindi mapapantay sa irog kong Reyna.
Subukang buhayin ang lima mang Venus
at di maiinggit ako sa pagluhog,
tinatawanan ko si Marteng umirog
sa isang babaeng lumitaw sa agos.
Ang pulá ng̃ labi, ang puti ng̃ bisig,
ang kinis ng̃ noong wari’y walang hapis,
ang lahat ng̃ samyo sa silong ng̃ lang̃it
ay isinangla mo kung ikaw’y umibig.
Ang lahat sa iyo’y kulay ng̃ ligaya,
ang lahat sa aki’y ng̃iti ng̃ sampaga,
kung magkakapisan ang ating pag-asa
ay magiging mundong walang bahid dusa.
Hindi mo pansin na ako’y lalaki,
hindi mo naisip na ikaw’y babae,
paano’y talagang kung ikaw’y kumasi
sa tapat na sinta’y nagpapakabuti.
Gabing maliwanag at batbat ng̃ tala,
maligayang Edeng bahay ng̃ biyaya,
iyan ang larawang hindi magtitila
ng̃ iyong pag-ibig sa balat ng̃ lupa.
Ang buhay ng̃ tao’y hindi panaginip,
ang mundo’y di mundo ng̃ hirap at sakit,
aking mapapasan ang bigat ng̃ lang̃it
kung sasabihin kong: Kung ikaw’y umibig.
This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
|