Huag Acong Salangin Nino Man/11
anác ng̃ Dios, na ang lahat ng̃ ito'y nagpapatibay na totoo, na pawang cahaling̃án ang mg̃a pagbabagong utos na guinágawà ng̃ mg̃a minìstro?
Ng̃ayo'y ang may puláng buhóc naman ang natigagal, lalong ikinunot ng̃ teniente ang canyang mg̃a kilay, iguinagalaw ang ulo ng̃ taong bulilit na parang ipinahahalatâ niyang biníbigyan niyang catuwiran ó hindi si Fray Dámaso. Nagcasiya na lamang ang dominico sa pagtalicód sa canilang lahat halos.
—¿Inaacalà bagá ninyó ...?—ang sa cawacasa'y nagawang tanóng ng̃ boong catimpian ng̃ binátà, na tinítitigan ng̃ boong pagtatacá ang fraile.
—¿Na cung inaacalà co? ¡Sinasampalatayanan cong gaya ng̃ pagsampalataya sa Evangelio[56]! ¡Napaca "indolente"[57] ang "indio"!
—¡Ah! ipatawad po ninyong salabatin co ang inyong pananalitâ—anang binatà, na idinahan ang voces at inilapít ng̃ cauntî ang canyang upuan; sinabi po ninyo ang isang salitâ na totoong nacaakit sa aking magdilidili. ¡Tunay ng̃a cayang catutubò ng̃ mg̃a dalisay na tagarito ang pagca "indolente," ó nangyayari ang sinasabi ng̃ isang maglalacbáy na taga ibang lupain, na tinátacpan natin ng̃ pagca indolenteng ito ang ating sariling pagca indolente, ang pagcáhuli natin sa pagsulong sa mg̃a carunung̃an at ang ating paraan ng̃ pamamahala sa lupaíng nasasacupan? Ang sinabi niya'y ucol sa mg̃a ibang lupaíng sacóp, na ang mg̃a nananahan doo'y pawang sa lahì ring iyan!...
—¡Ohó! ¡Mg̃a cainguitan! ¡Itanong pô ninyo cay guinoong Laruja na nacakikílala rin sa lupaíng itó; itanong ninyo sa canya cung may mg̃a catulad ang camangmang̃an at ang pagca "indolente" ng̃ indio!
—Tunay ng̃a—ang sagót namán ng̃ bulilít na lalaking siyang binangguit—¡hindî po cayó macacakita sa alin mang panig ng̃ daigdíg ng̃ híhiguit pa sa pagca indolente ng̃ indio, sa alin mang panig ng̃ daigdíg!
—¡Ni iba pang lalong napacasama ng̃ asal na pinagcaratihan, ni iba pang lalong hindî marunong cumilala ng̃ utang na loob!
—¡At ng̃ ibang lalong masamâ ang túrò!
Nagpasimulâ ang binatang mapulá ang buhóc ng̃ pagpapaling̃apling̃ap sa magcabicabilà ng̃ boong pag-aalap-ap.