Huag Acong Salangin Nino Man/1
Nag-anyaya ng̃ pagpapacain nang isáng hapunan, ng̃ magtátapos ang Octubre, si Guinoong Santiago de los Santos, na lalong nakikilala ng̃ bayan sa pamagát na Capitang Tiago, anyayang bagá man niyón lamang hapong iyón canyang inihayág, laban sa dati niyang caugalìan, gayón ma'y siyang dahil na ng̃ lahát ng̃ mg̃a usap-usapan sa Binundóc, sa iba't ibang mg̃a nayon at hanggang sa loob ng̃ Maynílà. Ng̃ panahóng yao'y lumalagay si Capitang Tiagong isáng lalaking siyang lalong maguilas, at talastas ng̃ ang canyang bahay at ang canyang kinamulatang bayan ay hindî nagsásara ng̃ pintô canino man, liban na lamang sa mg̃a calacal ó sa anó mang isip na bago ó pang̃ahás.
Cawang̃is ng̃ kisláp ng̃ lintíc ang cadalîan ng̃ pagcalaganap ng̃ balítà sa daigdigan ng̃ mg̃a dápò, mg̃a lang̃aw ó mg̃a "colado"[5], na kinapal ng̃ Dios sa canyang waláng hanggang cabaitan, at canyang pinararami ng̃ boong pag-irog sa Maynílà. Nang̃agsihanap ang ibá nang "betún" sa caniláng zapatos, mg̃a botón at corbata naman ang ibá, ng̃uni't siláng lahát ay nang̃ag iisip cung paano cayâ ang mabuting paraang bating lalong waláng cakimìang gagawin sa may bahay, upang papaniwalàin ang macacakitang sila'y malalaon ng̃ caibigan, ó cung magcatao'y huming̃í pang tawad na hindî nacadalóng maaga.