Jump to content

Florante at Laura/Punò Nang Salitâ

From Wikisource
Florante at Laura (1853)
by Francisco Baltazar
Punò Nang Salitâ
300813Florante at Laura — Punò Nang Salitâ1853Francisco Baltazar

1 Sa isang madilím gúbat na mapanglao
dauag na matinic, ay ualáng pag-itan,
halos naghihirap ang cay Febong silang
dumalao sa loob na lubhang masucal.

2 Malalaquing cahoy ang inihahandóg
pauang dalamhati, cahapisa,t, lungcót
huni pa n~g ibon, ay nacalulunos
sa lalong matimpi,t, nagsasayáng loob.

3 Tanáng mga baguing, na namimilipit
sa sangá ng cahoy, ay balót n~g tinic
may bulo ang bun~ga,t, nagbibigay sáquit
sa cangino pa máng sumagi,t, málapit.

4 Ang m~ga bulaclac n~g nag tayong cahoy
pinaca-pamuting nag ungós sa dahon
pauang culay lucsa, at naquiqui ayon
sa nacaliliong masangsang na amoy.

5 Caramiha,i, Ciprés at Higuerang cutád,
na ang lilim niyaón ay nacasisindác
ito,i, ualang bun~ga,t, daho,i, malalapad,
na nacadidilím sa loob ng gubat.

6 Ang m~ga hayop pang dito,i, gumagalâ
caramiha,i, Sierpe,t, Baselisco,i, mad-la,
Hiena,t, Tigreng ganid nanag sisi sila,
ng búhay n~g tauo,t, daiguíng capoua.

7 Ito,i, gúbat manding sa pinto,i, malapit
n~g Avernong Reino ni Plutong masun~git
ang nasasacupang lupa,i, dinidilig
n~g ilog Cocitong camandag ang túbig.

8 Sa may guitnâ nito mapanglao na gubat
may punong Higuerang daho,i, culay pupás,
dito nagagapos ang cahabag habag
isang pinag usig n~g masamang palad.

9 Bagong tauong basal, na ang anyo,t, tindig
cahit natatalì camay, paá,t, liig
cundî si Narciso,i, tunay na Adonis
muc-ha,i, sumisilang sa guitnâ n~g sáquit.

10 Maquinis ang balát at anaqui buroc
pilicmata,t, quilay mistulang balantók
bagong sapóng guinto ang cúlay n~g buhóc
sangcáp n~g cataua,i, pauang magca-ayos.

11 Dan~gan doo,i, ualang Oreadang Ninfas,
gúbat na Palacio n~g masidhing Harpías,
nangaaua disi,t, na acay lumiyag
sa himaláng tipon n~g caricta,t, hirap.

12 Ang abáng oyamin n~g dálita,t, sáquit
ang dalauang mata,i, bucál ang caparis,
sa lúhang nanatác, at tinan~gis-tan~gis
ganito,i, damdamin n~g may auang dibdib.

13 Mahiganting lan~git, ban~gis mo,i, nasaan?
n~gayo,i, naniniig sa pagcá-gulaylay
bago,i, ang bandilà n~g lalong casam-an
sa Reinong Albania,i, iniuauagayuay?

14 Sa loob at labás, n~g bayan cong sauî
caliluha,i, siyang nangyayaring harî
cagalin~ga,t, bait ay nalulugamî
ininís sa hucay nang dusa,t, pighatî.

15 Ang magandang asal ay ipinupucól
sa láot n~g dagat n~g cut-ya,t, lingatong
balang magagalíng ay ibinabaón
at inalilibing na ualáng cabaong.

16 N~guni, ay ang lilo,t, masasamang loób
sa trono n~g puri ay inalulucloc
at sa balang sucáb na may asal hayop
maban~gong _incienso_ ang isinusuob.

17 Caliluha,t, sama ang úlo,i, nagtayô
at ang cabaita,i, quimi,t, nacayucô,
santong catouira,i, lugamì at hapô,
ang lúha na lamang ang pinatutulô.

18 At ang balang bibíg na binubucalán
nang sabing magalíng at catutuhanan
agád binibiác at sinisican~gan
nang cáliz n~g lalong dustáng camatayan.

19 ¡O tacsíl na pita sa yama,t, mataás!
¡o hangad sa puring hanging lumilipas!
icao ang dahilan n~g casamáng lahat
at niyaring nasapit na cahabághabág.

20 Sa Corona dahil n~g haring Linceo
at sa cayamanan n~g Duqueng Amá co,
ang ipinangahás n~g Conde Adolfo
sabugan n~g sama ang Albaniang Reino.

21 Ang lahát nang itó, ma-auaing lan~git
iyóng tinutunghá,i, anó,t, natitiis?
mula ca n~g boong catouira,t, bait
pinapayagan mong ilubóg n~g lupít?

22 Macapangyarihang cánan mo,i, iquilos,
papamilansiquín ang cáliz n~g poot,
sa Reinong Albania,i, cúsang ibulusoc
ang iyóng higantí sa masamáng loob.

23 Baquit calan~gita,i, bingí ca sa aquin
ang tapat cong luhog ay hindi mo dingín?
dí yata,t, sa isang alipusta,t, ilíng
sampong tain~ga mo,i, ipinan~gun~gulíng?

24 Datapua,t, sino ang tataróc caya
sa mahál mong lihim Dios na daquilà?
ualáng mangyayari sa balát n~g lupà
dì may cagalin~gang iyóng ninanásà.

25 ¡Ay dî saán n~gayón acó man~gan~gapit!
¡saán ipupucól ang tinangis-tangis
cong ayao na n~gayong din~giguin ng Lan~git
ang sigao n~g aquing malumbay na voses!

26 Cong siya mong ibig na aco,i, magdusa
Lan~git na mataás aquing mababata
iságì mo lamang sa púso ni Laura
aco,i, minsan minsang mapag ala-ala.

27 At dito sa laot n~g dusa,t, hinagpis,
malauac na luhang aquing tinatauid
gunitâ ni Laura sa naabáng ibig
siya co na lamang ligaya sa dibdib.

28 Munting gunam-gunam n~g sintá co,t, mutyâ
n~g dahil sa aqui,i, daquilâ cong touâ,
higuít na malaquíng hírap at dalita
parusa ng táuong lilo,t, ualang aua.

29 Sa pagka gapus co,i, cong guni-gunihín
malamig nang bangcay acong nahihimbíng
at tinatan~gisan nang sula co,t, guiliu,
ang pagca-búhay co,i, ualang hangá mandin.

30 Cong apuhapin co sa sariling isip
ang suyúan namin nang pili cong ibig,
ang pag luhâ niyá cong aco,i, may hapis
naguiguing ligaya yaring madláng sáquit.

31 ¡Ngunì sa abá co! ¡sauing capalaran!
anópang halagá nang gayóng suyúan
cun ang sin-ibig co,i, sa catahimican
ay humihilig na sa ibáng candun~gan?

32 Sa sinapupunan nang Conde Adolfo
aquing natatanáo si Laurang sintá co,
camataya,i, nahan ang dating ban~gis mo?
nang díco damdamín ang hirap na itó.

33 Dito hinimatáy sa pag hihinagpís
sumúcò ang püsò sa dahás nang sáquit,
ulo,i, nalun~gay-n~gay, lúhà,i, bumalisbís,
quinagagapusang cahoy ay nadilíg.

34 Mag mulâ sa yapac hangang sa ulunán
nalimbág ang ban~gís nang capighatían,
at ang panibugho,i, gumamit nang asal
nang lalong marahás lilong camatayan.

35 Ang cahima,t, sinong hindî maramdamin
cong ito,i, maquita,i, mag mamahabáguin,
matipid na lúhà ay pa-aagusin
ang nagparusa ma,i, pilit hahapisin.

36 Súcat na ang tingnàn ang lugaming anyo
nitong sa dálita,i, hindi macaquibô
aacaing bigláng umiyác ang púsô
cong ualâ nang lúhang sa mata,i, itúlô.

37 Ga-ano ang áuang bubugsô sa dibdib
nang may caramdamang ma anyóng tumitig
cun ang panambita,t, daing ay marin~gig
nang mahimasmasan ang tipon nang sáquit?

38 Halos boong gúbat ay na sa sabúgan
nang ina-ing-aing na lubháng malumbáy
na inu-ulit pa at isinisigao
sagót sa malayò niyaóng alin~gao-n~gao,

39 ¡Ay Laurang poo,i,! baquit isinúyò
sa iba ang sintang sa aqui pan~gacò
at pinag liluhan ang tapat na púsó
pinang-gugulan mo nang lúhang tumuló?

40 Dî sinumpa-án mo sa haráp nang lan~git
na dî maglililo sa aquing pagibig?
ipinabigay co namán yaring dibdib
uala sa gunitâ itóng masasapit.

41 Catiualà aco,t, ang iyòng carictán
capilas nang Lan~git anaqui matibay,
tapát ang púsò mo,t, dî nagunamgunam
na ang pag lililo,i, na sa cagandahan.

42 Hindî co acalang iyóng sa-sayan~gin
maraming lúhà mong guinugol sa aquin
taguring madalás na acó ang guiliu,
muc-hâ co ang lunas sa madláng hilahil.

43 Di cong acó Poo,i, utusang mang-gúbat
nang Hari mong Amá sa alín man Ciudad
cong guinagauá mo ang aquing saguisag
dalauá mong matá,i, nanalong nang perlas?

44 Ang aquing plumage cung itinatalî
nang parang corales na iyóng dalirî
buntóng hihin~gá mo,i, naquiqui-ugalî
sa quilos nang guintóng ipinananahî.

45 Macailan Laurang sa aqui,i, iabot,
basâ pa nang lúhà bandang isusuut,
ibinibigay mo ay nag hihimutóc
tacot masugatan sa paquiquihamoc.

46 Baluti,t, coleto,i, dî mo papayagan
madampi,t, malapat sa aquing catao-an
cundî tingnan muna,t, bacâ may calauang
ay nan~gan~ganib cang damit co,i, marumhán.

47 Sinisiyasat mo ang tibay, at quintáb
na cong sayaran man nang tagá,i, dumulás
at cong malayò mang iyóng minamalas
sa guitnâ nang hokbo,i, makilalang agád.

48 Pahihiasan mo ang aquing turbante
nang perlas topasio,t, maningníng na rubé,
bucód ang magalao na batóng diamante
púnô nang n~galan mong isang letrang L.

49 Hangang aco,i, uala,t, naquiquipag-hámoc
nang aapuhap ca nang pang aliu loob;
manalo man aco,i, cun bagong nanasoc
naquiquita mo na,i, may dalá pang tácot.

50 Boong pan~ganib mo,i, bacâ nagca sugat
di maniniualà cundi masiasat
at cung magcagurlís nang muntî sa balát
hinuhugasan mo nang lúhang nanatác.

51 Cung aco,i, mayroong cahapisang muntî
tatanun~gin moná cun anó ang sanhî,
hangang di malining ay idinarampî
sa mga muc-ha co, ang rube mong lábî.

52 Hindî ca tutugot cundî matalastás,
cacapitan monang mag bigla nang lúnas,
dadalhin sa jardi,t, doon ihahanap,
nang ica-aaliu, sa mga bulaclác.

53 Iyong pipitasín ang lalong mariquít
dini sa li-ig co,i, cúsang isasabit
tuhog na bulaclac sadyáng saglit-saglit,
pag-uupandín mong lumbay co,i, mapacnít.

54 At cun ang hapis co,i, hindî masauatâ
sa pilic-matá mo,i, dadáloy ang lúhâ
na pasaán n~gayón ang gayóng arugâ
sa dalá cong sáquit ay di i-apulâ?

55 Halina Laura,t, aquing cailangan
n~gayon, ang lin~gap mo nang naunang arao,
n~gayón hinihin~gî ang iyong pag-damay;
ang abáng sintá mo,i, na sa camatayan.

56 At n~gayóng malaqui ang aquing dálitâ,
ay dî humahanap nang maraming lúhâ,
sucat ang capatác na maca-apulâ
cun sa may pag sintang púsò mo,i, mag mulâ.

57 Catao-ang co,i, n~gayón siyasatin, ibig,
tigní ang súgat cong dí gauâ nang cáliz
hugasan ang dugóng nanálong sa guitguít
nang camay co, paa,t, natataling li-ig.

58 Halina, irog co,t, ang damít co,i, tingnán,
ang hindî mo ibig dampioháng calauang
calaguín ang lubid, at iyong bihisan,
matinding disa co,i, nang gumaán-gaán.

59 Ang m~ga matá mo,i, cun iyóng ititig
dini sa anyô cong sadlacan nang sáquit
upanding mapiguil ang tacóng mabilís
niyaring abáng búhay sa icapapatíd.

60 Uala na Laura,t, icao nan~ga lamang
ang macalulunas niyaring cahirapan;
damhín nang camay mo ang aquing catauan,
at bangcay man aco,i, mulíng mabúbuhay!

61 N~guní ¡sa abáco! ¡ay sa laquing hirap!
ualâ na si Laura,i, laquing tinatauag!
napalayo-layo,t, di na lumiliyag,
ipinag cánolò ang sintá cong tapát.

62 Sa ibang candun~ga,i, ipinagbiyayà
ang púsong aquin na, at aco,i, dinayá
boóng pag-ibig co,i, ipinan~ganyaya
linimot ang sintá,t, sinayang ang luhá.

63 Alin pa ang hirap na dî na sa aquin?
may camatayan pang dîco dadamdamín?
ulila sa Amá,t, sa Ináng nag-angquin,
ualang kaibiga,t, linimot ng guiliu.

64 Dusa sa puri cong cúsang siniphayò,
palasong may lasong natiric sa púsò;
habág sa Amá co,i, túnod na tumimo;
aco,i, sinusunog niyaring panibughò.

65 Ito,i, siyang una sa lahat n~g hirap,
pag dayà ni Laura ang cumacamandág
dini sa búhay co,i, siyang magsa-sadlac
sa lingin~gang la-án ng masamáng palad.

66 O conde Adolfo,i, ilinapat mo man
sa aquin ang hirap n~g sangsinucuban,
ang caban~gisan mo,i, ipinasalamatan,
ang púsò ni Laura,i, cong hindî inagao.

67 Dito nag-himutóc ng casindac-sindác
na umaalin~gao-n~gao sa loob n~g gúbat
tinangay ang diua,t, caramdamang hauac
n~g buntóng hinin~ga,t, lúhang lumagaslás.

68 Sa púno n~g cahoy ay napa-yucayoc,
ang li-ig ay supil n~g lúbid na gapos,
bangcay na mistula,t, ang culay na buroc
n~g caniyang muc-ha,i, naguing puting lubós.

69 Nagcataón siyáng pagdatíng sa gúbat
n~g isang guerrerong bayani ang ticas,
putong na turbante, ay calin~gas-lin~gas,
pananamit moro sa Persiang Ciudad

70 Piniguil ang lacad, at nagtanao-tano,
anaqui ninita ng pag-pahingahán
di caquinsa-guinsa,i, ipinagtapunan
ang pica,t, adarga,t, nagdaóp ng camay.

71 Sacá tumin~galá,t, mata,i, itiniric
sa bubóng ng cahoy na taquip sa Lan~git,
estátua manding nacatayo,t, umíd,
ang buntóng hinin~gá niya,i, ualang patid.

72 Nang magdamdam n~gauit sa pagayóng anyò,
sa punó n~g isang cahoy ay umupô
nag-uicang _ó palad_ sabay ang pagtulò,
sa matá, ng lúhang anaqui,i, palasò.

73 Olo,i, ipinatong sa caliuang camay
at sacá tinutop, ang noó, ng canan,
anaqui mayroong guinugunam-gunam
isang mahalagang nalimutang bagay.

74 Malao,i, humilig nag ualang bahalâ
dirin cumacati ang batis ng lúha,
sa madláng himutoc, ay casalamuhá
ang uicang _Flerida,i, tapus na ang touá_.

75 Sa balang sandalî ay sinasabugan
yaóng boóng gúbat n~g maraming ¡_ay_!
naquiquituno sa huning mapanglao
n~g pang-gabing ibon doó,i, nagtatahán.

76 Mapamaya-maya,i, nag ban~gong nagulat,
tinangnán ang pica,t, sampo n~g calasag
nalimbag sa muc-hâ ang ban~gís n~g Furias
_dî co itutulot_ ang ipinahayág.

77 At cung cay Flerida,i, ibá ang umagao
at dî ang amá cong dapat na igalang,
hindî co masabi cun ang picang tan~gan
bubugá n~g libo,t, lacsáng camatayan.

78 Bababa si Marte mulâ sa itaás
sa ca-ilalima,i, áahon nang Parcas,
boong galit nila, ay ibubulalàs
yayacaguin niyaring camáy cong marahàs.

79 Sa cucó nang lilo,i aquing àagauin
ang cabiyác niyaring calolouang angquín,
liban na cay Amá, ang sino ma,t, alin
ay dî igagalang nang tangang patalím.

80 ¡O pag sintang labis nang capangyarihan
sampong mag aamá,i, iyong nasasaclao!
pag icao ang nasoc sa púsò ninoman
hahamaquing lahat masunód ca lamang!

81 At yuyuracan na ang lalong daquilá
bait, catouira,i, ipan~gan~ganyaya
boong catungcula,i, uaualing bahalà
sampo nang hinin~ga,i, ipauubayà.

82 Itong quinaratnán nang palad cong linsil
salamíng malinao na sucat mahalín
nang macatatatáp, nang hindî sapitin
ang cahirapan cong di macayang bathín.

83 Sa mauica itó lúhà,i, pina-agos,
pica,i, isinacsac, sacá nag himutóc,
nagcataón naimáng parang isinagót,
ang buntóng hinin~gá, niyaóng nagagapus.

84 Guerrero,i, namanghâ nang ito,i, marin~gig,
pinabaling-baling sa gúbat ang titig,
nang ualang maquita,i, hinintay umulit,
dî namán nala,i, nag bagong humibíc.

85 Ang bayaning moro,i, lalò nang namaáng
sinong nananaghóy sa ganitóng iláng?
lumapit sa dacong pinan~gagalingan
nang buntóng hinin~ga,t, pinaquimatyagán.

86 Inabutan niya,i, ang ganitóng hibic
¡ay mapagcandiling Amáng ini-ibig!
¿baquit ang búhay mo,i, na unang napatid,
aco,i, inolila sa guitnâ nang sáquit?

87 Cong sa gunitâ co,i, pagcuru-curuin
ang pagcahulog mo sa camay nang tacsíl,
parang naquiquita ang iyóng naratíng
parusang marahás na calaguim-laguim.

88 At alin ang hirap na dî icacapit
sa iyó nang Duque Adolfong malupit
icao ang salamín sa Reino nang bait
pagbubuntuhang ca nang malaquing gálit.

89 Catao-an mo Amai,i, parang namamalas
n~gayón nang bunsô mong iugami sa hirap
pinipisang-pisang at iniuaualat
nang pauâ ring lilong verdugo nang sucáb.

90 Ang nagcahiualay na lamán mo,t, butó,
camay at catao-áng nálayô sa úlo,
ipinag-haguisan niyaóng mga lilo
at ualang maauang maglibing na tauo.

91 Sampo nang lincód mo,t, m~ga cai-bigan
cong campi sa lilo,i, iyo nang ca-auay,
ang dî nagsi-ayo,i, natatacot naman
bangcay mo,i, ibaó,t, mapaparusahan.

92 Hangan dito ama,i, aquing naririn~gig,
nang ang iyóng úlo,i, tapát sa caliz
ang panambitan mo,t, dalan~gin sa Lan~git
na aco,i, maligtás sa cucóng malupít.

93 Ninanásà mo pang acó,i, matabunan
n~g bangcay sa guitnâ n~g pagpapatayan,
nang houag mahúlog sa panirang camay
ng Conde Adolfong higuit sa halimao.

94 Pananalan~gin mo,i, dî pa nagaganáp
sa li-ig mo,i, bigláng nahulog ang tabác
naanáo sa bibig mong hulíng pan~gun~gusap,
ang _adios bunso,t,_ búhay mo,i, lumipas.

95 ¡Ay amang amá co! cong magunam-gunam
madlâ mong pag irog at pagpapalayao
ipinapalaso n~g capighatian
luhà niyaring púsòng sa mata,i, nunucál.

96 Ualáng icalauáng amá ca sa lupà
sa anác na candóng ng pag-aarugâ
ang munting hápis cong sumungao sa muc-hâ,
sa habág mo,i, agad nanálong ang lúhâ.

97 Ang lahat ng toua,i, natapos sa aquin,
sampô niyaring búhay ay naguing hilahil,
amá co,i, hindî na malaong hihintín
aco,i, sa payapang baya,i, yayacapin.

98 Sandaling tumiguil itóng nananangis,
binig-yáng panahón lúha,i, tumaguistís
niyaóng na aauang morong naquiquinyig,
sa habág ay halos mag putóc ang dîbdib.

99 Tinutóp ang púsò at saca nag say-say
'cailan a iya lúha co,i, bubucál
n~g habág cay amá at panghihinayang
para ng panaghóy ng nananambitan?

100 Sa sintáng inagao ang itinatan~gis,
dahilán n~g aquing lúhang nagbabatis
yaó,i, nananaghóy dahil sa pag-ibig
sa amang namatáy na mapagtang-quilic.

101 Cun ang ualang patid na ibinabahá.
n~g m~ga mata ko,i, sa hinayang mulà
sa m~ga palayao ni amá,t, arugà
malaquíng pálad co,t, matamís na luhà.

102 N~guni,t, ang nanaháng maralitang túbig
sa muc-hâ,t, dibdib cong laguing dumidilig
cay amá n~ga galing dapoua,t, sa ban~gís
hindî sa anduca, at pagtatang-quilic.

103 Ang matatauag cong palayo sa aquin
n~g amá co,i, tóng acó,i, pagliluhin,
agauan n~g sintá,t, panasa-nasaing
lumubóg sa dusa,t, búhay co,i, maquitil.

104 ¡May para cong anác na napanganyayá
ang layao sa amá,i, dusa,t, pauang lúhà
hindi nacalasáp kahit munting touà
sa masintang ináng pagdaca,i, naualà!

105 Napahintô rito,t, narin~gig na mulî
ang pananambitan niyaóng natatalî,
na ang uica,i, Laurang aliu niyaring budhî
pa-alam ang abáng candóng n~g paghati.

106 Lumaguì ca naua sa caligayahan
sa haráp n~g dîmo esposong catipán,
at houag mong datnín yaring quinaratnán
n~g casign linimot, at pinagliluhan.

107 Cong nagban~gis cama,t, nagsucáb sa aquin,
mahal ca rin lubha dini sa panimdím,
at cong mangyayari hangáng sa malibíng
ang m~ga butó co quita,i, sisintahín.

108 Dîpa natatapos itóng pan~gun~gusap
may dalauang Leóng han~gós ng paglacad,
siya,i, tinuton~go,t, pagsil-in ang han~gad;
n~guni,t, nan~ga tiguil pag datíng sa haráp.

109 Nan~ga-auâ mandi,t, naualán n~g ban~gis
sa abáng sisil-ing larauan ng sáquit,
nan~ga-catingala,t, parang naquinyig
sa dî lumilicat na tin~gistan~gis.

110 ¡Anóng loob cayâ nitóng nagagapus,
n~gayóng na sa haráp ang dalauáng hayóp,
na ang balang n~gipí,t, cucó,i, naghahandóg
isang camatayang caquila-quilabot!

111 Dî co na masabi,t, lúhà co,i, nanatác,
na-uumid yaring dilang nan~gun~gusap,
pusò co,i, nanglalambot sa malaquing habág
sa ca-aua-auang quinucob ng hirap.

112 ¡Sinong dî mahapis na may caramdaman
sa lagay ng gapús na calumbay-lumbay,
lipus n~g pighati sacá tinutunghán,
sa lamán at butó niya, ang hihimáy!

113 Catiualâ na n~gâ itóng tiguib sáquit
na ang búhay niya,i, tungtóng na sa guhit,
linagnát ang pusò,t, nasirâ ang voses,
dína mauatasan halos itóng hibic.

114 Paalam Albaniang pinamamayanan
n~g casama,t, lupit, han~gis caliluhan,
acóng tangulan mo,i, cusa mang pinatay,
sa iyó,i, malaquí ang panghihinayang.

115 Sa loob mo naua,i, houag mamilantic
ang panirang talím n~g catalong caliz;
magcá espada cang para ng binitbit
niyaring quinuta mong canang matang-quilic.

116 Quinasuclamán mo ang ipinan~gacò
sa iyó,i, gugulin niniyac cong dugò
at inibig mopang hayop ang mag bubò,
sa cong itangól ca,i, maubos tumúlo.

117 Pagcabatà cona,i, ualáng inadhicà
cundî pag-lilincod sa iyó,t, calin~gà
¿dî maca-iláng cang babaling masirá
ang mga camáy co,i, siyang tumimauà?

118 Dustáng camatayan ang bihis mong bayad;
dapoua,t, sa iyo,i, mag papasalamat,
cong pacamahali,t, houag ipahamac
ang tinatan~gisang guiliu na nagsucáb.

119 Yaóng aquing Laurang hindi mapapacnít
n~g camatayan man sa tapát cong dibdib;
¡ipa-alam bayan co, pa-alam na ibig,
magdarayang sintang di manao sa ísip!

120 Bayang ualáng loob, sintáng alibughâ,
Adolfong malapit, Laurang magdarayâ,
magdiuang na n~gayo,t, manulos sa touâ,
at masusunod na sa aquin ang násà.

121 Na sa harap co na ang lalong maraual,
mabin~gís na lubháng lahing camatayan
malulubos nan~ga ang inyóng casamán,
gayon din ang aquing aalipustaán.

122 ¡Sa abáng-abá co! diatâ ó Laura
mamamatáy aco,i, hindî mo na sintá!
itó ang mapait sa lahat nang dusa,
¡Sa quin ay sino ang mag-aala-ala!

123 Diyata,t, ang aquing pagca-panganyáya
dî mo tatapunang ng camunting lúhà,
cong yaring búhay co,i, mahimbíng sa ualà
dî babahaguinan n~g munting gunitâ!

124 Guni-guning itó,i, lubháng macamandág
ágos na lúhà co,t, púsò co,i, ma-agnás,
túlò caloloua,t, sa mata,i, pumulàs,
cayóaquing dugo,i, mag-unahang matác.

125 Nang matumbasan co ang lúhà, ang sáquit
nitóng pagcalimot n~g tunay cong ibig;
houag yaring buháy ang siyang itan~gis
cundî ang pagsintang lubós na na-amis.

126 Sa tinaghoy-taghóy na casindac-sindác,
guerrero,i, hindî na napiguil ang habág,
tinuntón ang voses at siyang hinanap,
patalim ang siyang nagbucás n~g landás.

127 Dauag na masinsi,i, naglagui-laguitic
sa dágoc n~g lubháng matalas na cáliz,
moro,i, dî tumugot hangang dî nasapit
ang binubucalán ng maraming tan~gis.

128 Anyóng pantay-matá ang lagay n~g arao
niyóng pagcatun~go sa calulunuran
siyang pagcataos sa quinalalag-yan
nitóng nagagapus na cahambalhambál.

129 Nang malapit siya,t, abutin ng suliáp
ang sa pagcatali,i, liniguid n~g hirap,
naualán n~g diua,t, lúha,i, lumagaslás,
catao-án at púso,i, nagapus ng habág.

130 Malaong natiguil na dî nacaquibô
hinin~ga,i, hinabol na ibig lumayò,
matutulog disin sa habág ang dugô,
cundan~gan nagbangís Leong nan~gag-tayô.

131 Na-acay n~g gútom at gauing manilâ,
ang-ulî sa ganid at naualâng aua,
handâ na ang n~gipi,t, cucong bagong hasa
at pagsasabayán ang gapós n~g iuâ.

132 Tanang balahibo,i, pinapan~galisag,
nanindig ang buntót na nacagugulat
sa ban~gis n~g anyô at n~ginasáb-n~gasáb,
Furiang nag n~gan~galit ang siyang catulad.

133 Nag taás ang camáy, at nanga caamâ
sa cato-ang gapá ang cucóng pangsirâ,
nang daracmain na,i, siyang pagsagásâ
niyaóng bagong Marteng lumitao sa lúpâ.

134 Inusig n~g tagâ ang dalauang León,
si Apolo mandin sa Serpiente Piton,
ualang bigóng quilós na dî nababaón
ang lubháng bayaning tabác na pamutol.

135 Cong ipamilantíc ang canang pamatáy,
at sacá isalág ang pang-adyáng camáy,
malilicsing León ay nanga lilinláng
cayâ dî nalao,i, nan~ga-gumong bangcay.

136 Nang magtagumpay na ang guerrerong bantóg
sa nan~ga-calabang maban~gis na hayop,
lúha,i, tumutulong quinalag ang gápus
ng ca-aua-auang iniuan ang loob.

137 Halos nabibihay sa habág ang dibdib
dugó,i, ng matingnang nunucal sa guitguít,
sa pagcalág niyang malicsí,i, nainíp
sa siga-sigalót na madláng bilibid.

138 Cayâ ang guinaua,i, inagapayanan
catauang malatáng parang bagong bangcáy
at minsang pinatid n~g espadang tan~gan
ualang auang lubid na lubháng matibay.

139 Umupo,t, quinalong na naghihimutoc,
catauan sa dusa hinin~ga,i, natulog,
hinaplus ang muc-ha,t, dibdib ay tinutóp,
násà ng gueerro,i, pagsauláng loob.

140 Doon sa pagtitig sa pagcálun~gay-n~gay
n~g caniyang cálong na calumbay-lumbay,
nininilay niya, at pinagtatao-hán
ang diquit n~g quias at quinasapitan.

141 Namamanghâ namán ang magandang quias
casing-isa,t, ayon sa bayaning ticas,
mauiuili disin ang iminamamalas,
na matá, cundan~gan sa malaquíng habág.

142 Gulong-gulóng lubha ang caniyang loob,
n~guni,t, napayapà n~g anyong cumilos
itóng abáng candong ng calunos-lunos
nagusing ang búhay na nacacátulog.

143 Sa pagcalun~gay-n~gay matá,i, idinilat,
himutóc ang unang bati sa liuanag,
sinundan n~g taghoy na cahabaghabág
nasaan ca Laura sa ganitong hirap?

144 Halina guiliu co,t, gapus co,i, calaguín,
cong mamatáy acó,i, gunitain mo rin,
pumiquít na muli,t, napatid ang daing,
sa may candóng namang tacot na sagutin.

145 Ipina-n~gan~ganib, ay bacá mabiglâ
magtuloy mapatid hiningang mahinâ
hinintáy na lubós niyang mapayapá
ang loob n~g candóng na lipus dálità.

146 Nang muling mamulat ay naguiclahanan
¿sino? ¡Sa aba co,t, na sa morong camay!
ibig na i-igtád ang lunóng catao-án,
nang hindî mangyari,i, nag-ngalit na lamang.

147 Sagót n~g guerrero,i, houag na man~ganib
sumapayapaca,t, mag aliu n~g dibdib
n~gayo,i, ligtas cana sa lahát nang sáquit
may cálong sa iyo ang nagtatangquilic.

148 Cung nasusuclám ca sa aquing candun~gan,
lason sa púso mo nang hindi binyagan,
nacucut-ya acóng dí ca saclolohan
sa iyong nasapit na napacarauál.

149 Ipina-hahayág n~g pananamít mo
tagá Albania ca at aco,i, Perciano
icao ay caauay n~g baya,t, secta co,
sa lagay mo n~gayo,i, magcatoto tayo.

150 Moro aco,i, lubós na táong may dibdib,
ay nasasacalo rin ng útos ng Lan~git,
dini sa púso co,i, cusang natititic
_natural na leyng_ sa abá,i, mahapis.

151 Anong gagauín co,i, aquing napaquingán
ang iyong pagtaghoy na calumbay-lumbay,
gapús na naquita,t, pamu-mutiuanan
ng dalauáng gánid, n~g bangís na tangan.

152 Nagbuntóng hini~gá itong abáng calong
at sa umaaliu na moro,i, tumugón,
cundîmo quinalág sa punu n~g cahoy,
nalibíng na acó sa tiyán n~g León.

153 Payapa na namán disin yaring dibdib;
napag-quiquilalang ca-auay cang labis
at dî binaya-ang nagca-patid-patid,
ang aquing hinin~gáng camataya,t, saquit.

154 Itóng iyóng aua,i, dî co hinahan~gád,
pataín mo acó,i, siyang pitang habág,
dimo tantô yaring binabatáng hirap
na ang camatayan ang búhay cong hanap.

155 Dito napahiyao sa malaquing hapis
ang morong may áua,t, lúha,i, tumaguistís,
siyang itinugón sa uicang narin~gig
at sa panglolomo,i, cusang napahilig.

156 Ano pa,t, capoua hindi macaquibô
dî nanga-calaban sa damdam ng púsò
parang ualáng malay, hangang sa magtágo,t,
humilig si Febo sa hihigáng guintô.

157 May áuang guerrero ay sa maramdaman
malam-lám na sinag sa gúbat ay nanao,
tinuntón ang landás na pinagda-anan
dinalá ang calong sa pinangalingan.

158 Doon sa naunang hinintúang daco
nang masoc sa gúbat ang bayaning moro
sa isang malapad, malinis na bató
cúsang pinag-yaman ang lugaming pangcó.

159 Cumuha ng munting báong macacain,
ang angdaralitâ,i, inamong tumiquím
cahit uma-ayao ay nahicayat din
nang sabing malambót na pauang pag-aliu.

160 Nalouag-louagán ang pang-hihin~gapus
sapagca,t, na-auas sa pagcadayucdóc,
hindî quinucusa,i, tantóng nacatulog,
sa sinapupunan nang guerrerong bantóg.

161 Itó,i, dî umidlíp sa boong magdamág
sa pag-aalaga,i, nagbatá n~g puyat
ipinan~gan~ganib, ay bacá macagát
nang ganid na madláng nag-gala sa gúbat.

162 Touing maguiguising sa magaang túlog
itóng lipós hirap, ay naghihimutóc,
pauang tumitiric na anaqui túnod
sa dibdib nang morong may habág at lúnos.

163 Nang magmamadaling arao, ay nahimbíng
munting napayapa sa dalang hilahil
hangáng sa Aurorang itabóy ang dilim
ualáng binitiuang himutóc at daing.

164 Itó ang dahiláng ipinagcasundò
limáng caramdamang parang hinahalò
iquinatiuasáy nang may dúsang púsò
lumacás na mulî ang catao-ang hapò.

165 Caya,t, nang isabog sa sangsinucuban
ang doradong buhóc nang masayang arao
nag-ban~gong hinaho,t, pinasalamatan
sa Lan~git ang bagong lacás nang catao-an.

166 Sabihin ang touâ nang guerrerong hayág,
ang abáng quinalong ay bigláng niyacap,
cong nang una,i, nucál ang lúha sa habág
n~gayo,i, sa galac na ang ilinagaslás.

167 Capús ang dilà cong magsaysay nang laquí
nang pasasalamat nitóng quinandili,
cundan~gan ang dusa,i, sa naualáng casi
ay napauî disin sa touang umalí.

168 Sapagca,t, ang dusang mula sa pag-ibig
cung cahit mangyaring lumayó sa dibdib,
quisáp matá lamang ay agád babalic
at magdadagdág pa sa una nang ban~gís.

169 Cayâ hindî pa man halos dumadápò
ang toua sa lámad nang may dúsang pusó
ay itinac-uil na nang dálitang lálò
at ang túnod niya,i, siyang itinimó.

170 Niyapús na mulî ang dibdib nang dúsa
¡hirap ayang bat-hín nang sáquit sa sintá!
dan~gan ina-aliu nang moro sa Persia
natuluyang nánao ang tan~gang hinin~gá.

171 Iyong natatantô ang aquing paglin~gap,
(anitong Persiano sa nababagabag)
mula nang hirap mo,i, ibig cong matatap
at nang cong may daa,i, malagyan nang lúnas.

172 Tugóng nang may dusa,i, dî lamang ang mulâ
niyaring dálita co ang isasalita,
cundi sampong búhay sapól pagcabata,
nang maganapán co ang hin~gî mo,t, nasà.

173 Nupóng nag-agapay sa punò nang cahoy
ang may daláng habág at lipus lingatong
sacá sinalitang, lúha,i, bumabalong
boong naguing búhay hangang naparool.

174 Sa isang Ducado nang Albaniang Ciudad,
doon co naquita ang unang liuanag,
yaring catauha,i, utang cong tinangap
sa Duque Briseo ¡ay amá cong liyag!

175 N~gayóng nariyang ca sa payápang bayan
sa haráp n~g aquing ináng minamahal
Princesa Florescang esposa mong hirang
tangáp ang lúhà cong sa matá,i, hunucál.

176 ¿Baquit naguing tauo acó sa Albania
bayan n~g amá co at di sa Crotona,
masayáng Ciudad na lúpa ni iná?
disin ang búhay co,i, di lubháng nag dusa.

177 Ang Duqueng amá co,i, privadong tanungàn
n~g Haring Linceo sa anomang bagay,
pan~galauáng púno n~g sangcaharían,
hilaga-ang tungo n~g súyo n~g bayan.

178 Cong sa cabaita,i, ulirán n~g lahát
at sa catapanga,i, pang-úlo sa Ciudad,
ualáng casingdúnong mag mahal sa anác,
umacay, magturo sa gagauing dapat.

179 Naririn~gig copa halos hangan n~gayón
malayao na tauag n~g amá cong poon,
niyaóng acó,i, bátang quinacandóng-candóng,
taguríng Floranteng bulaclác cong bugtóng.

180 Itó ang n~galan co, mulang pagcabata,
naguisnán sa amá,t, ináng nag anducà,
pamagát na ambil sa lumuhà-luhà,
at cayacap-yacap n~g màdlang dàlità.

181 Boong camusmusa,i, dî na sasalitín
ualáng may halagáng nangyari sa quin,
cundi nang sangól pa,i, cusang daraguitin
ng isang Buitreng ibong sadyang saquim.

182 Ang sabi ni iná acó,i, natutulog
sa bahay sa quintang malapit sa bundóc
pumasoc ang ibong pang-amóy, ay abót
hangang tatlóng leguas sa patáy na hayop.

183 Sa sinigao-sigao n~g iná cong mutyà
nasoc ang pinsán cong sa Epiro mulà
n~gala,i, Monalipo may taglay na panà
tinudlà ang ibo,i, namatáy na biglà.

184 Isang arao namang bagong lumalacad
acó,i, naglalaró sa guitnâ n~g salas,
may nasoc na Arco,t, bigláng sinambilat
Cupidong diamanteng sa dibdib co,i, hiyas.

185 Nang tumuntóng acó sa siyam na taón,
palaguing gauâ co,i, mag aliu sa buról
sacbát ang palaso,t, ang búsog ay cálong
pumatay ng hayop, mamána ng ibon.

186 Sa touing umagang bagong naglalatag
ang anác n~g arao, n~g masayang siñag,
naglilibang acó sa tabi n~g gubat
mad-lâ ang ca-acbay na m~ga alagad.

187 Hangang sa tingalín n~g sangaigdigan
ang muchâ ni Febong hindî matitigan
ay sinasagap co ang caligayahang
handóg niyaóng hindî maramot na parang.

188 Aquing tinitipon ang iquinacalat
ng masayáng ban~gó n~g m~ga bulaclác,
ina-aglahi co ang larouang pulad
mahinhíng amiha,t, ibong lumilipad.

189 Cong acó,i, mayroong matanao na háyop
sa tinitin~galáng malapit na bundóc,
bigláng ibibinit ang panâ sa búsog,
sa minsang tud-lâ co,i, pilit matutuhog.

190 Tanáng sámang lincód ay nag-aágauan
unang macarampót nang aquing napatáy
ang tiníc sa dauag ay dî dinaramdám,
palibhasa,i, toua ang naca-aacay.

191 Súcat maligaya sino mang manoód
sa sinuling-suling n~g sáma cong lingcód,
at cong masundúan ang bangcay n~g háyop
ingay n~g hiyauan sa loob n~g tumóc.

192 Ang larouáng búsog ay cong pag-sauaan,
u-upo sa tabí n~g matuling bucál,
at mananalamín sa linao n~g cristal,
sasagap n~g lamig na ini-áalay.

193 Dito,i, mauiuili sa mahinhing tinig
n~g nan~gag-sasayáng Nayadas sa bátis,
taguintíng n~g Lírang catuno n~g auit
mabisang pamaui sa lumbay n~g dibdib.

194 Sa tamis n~g tinig na cahalac-halác
n~g nag-aauitang masasayáng Ninfas,
na-aanyayahan sampóng lumilipád
sari-saring ibong agauán n~g dilág.

195 Cayâ n~ga,t, sa san~ga n~g cahoy na ducláy
sa mahál na bátis na iguinagalang
ang bulág na gentil, ay nag lulucsuhan
ibo,i, naquiquinig n~g pag-aauitan.

196 Anhín cong saysain ang tinamóng touá
ng cabataan co,t, malauig na lubhâ
pag-ibig ni amá,i, siyang naguing mulà
lisanin co yaóng gúbat na payapa.

197 Pag ibig anaqui,t, aquing naquilala
dî dapat palac-hín ang bata sa sayá
at sa catoua-a,i, capag-namihasa
cong lumaquí,i, ualáng hihintíng guinhaua.

198 Sa pagca,t, ang mundo,i, bayan n~g hinagpis
namamaya,i, súcat tibayan ang dibdib,
lumaquí sa toua,i, ualáng pagtiti-is
¿anóng ilalaban sa dahás n~g sáquit?

199 Ang táuong mágaui sa ligaya,t, aliu
mahinà ang púso,t, lubháng maramdamin,
inaacala pa lamang ang hilahil,
na daratná,i, dinâ matutuhang bat-hín.

200 Para n~g halamang lumaguí sa tubig,
daho,i, malalantá munting dî madilig,
iquinalolo-óy ang sandaling init,
gayón din ang púsong sa toua,i, mani-ig.

201 Munting cahirapa,i, mamalac-híng dalá,
dibdib palibhasa,i, di gauing magbatá,
ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá
ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa.

202 Ang laquí sa layao caraniua,i, hubád
sa bait at muni,t, sa hatol ay salát,
masacláp na bún~ga ng malíng paglin~gap,
habág n~g magulang sa irog na anác.

203 Sa taguríng bunsót, licóng pag mamahál
ang isinasama n~g báta,i, nunucál
ang iba,i, marahil sa capabayaan
nang dapat magturong tamád na magulang.

204 Ang lahát nang itó,i, cay amáng talastás,
cayâ n~ga ang lúha ni ina,i, hinamac,
at ipinadalá acó sa Atenas,
bulág na ísip co,i, n~g doon mamulat.

205 Pag-aral sa aquin qy ipinatungcól
sa isang mabait, maestrong marunong
lahi ni Pitaco, n~gala,i, si Antenor,
lumbay co,i, sabihin nang dumating doon.

206 May sangbouan halos na dî nacacain,
lúhà sa matá co,i, dî mapiguil-piguil;
n~guni,t, napayapà sa laguing pag-aliu
n~g bunying maestrong may cupcup sa quin.

207 Sa dinatnán doong nad-láng nag-aaral
caparis cong bata,t, cabaguntauhan,
isa,i, si Adolfong aquing cababayan,
anác niyaóng Condeng Silenong maran~gal.

208 Ang caniyang taó,i, labis n~g dalauá
sa dalá cong edad na lalabing-isá,
siyang pinopoón n~g boong escuela,
marunong sa lahát na magcacasama.

209 Mahinhín ang asal na hindî magasó
at cong lumacad pa,i, palaguing patungó,
mabining man~gúsap at ualáng catalo
lapastan~ganin ma,i, hindi nabubuyó.

210 Ano pa,t, sa bait ay siyang huaran
n~g nagcacatipong nagsisipag-aral,
sa gauâ at uica,i, dî mahuhulihan
n~g munting panirà sa magandang asal.

211 Ni ang catalasan n~g aming maestro
at pagca-bihasa sa lacad n~g mundó,
ay hindî nataróc ang lihim at tungo
ng púsong malihim nitong si Adolfo.

212 Acóng pagcabata,i, ang quinamulatan
cay amá,i, ang bait na dî páimbabáo,
yaong namumunga n~g caligayahan,
nanacay sa púsong suyui,t, igalang.

213 Sa pinagtatac-hán n~g bong escuela,
bait ni Adolfong ipinaquiquita,
dîco malasapán ang haing ligaya
n~g magandang asal n~g amá co,t, iá.

214 Púso co,i, ninilag na siya,i, guiliuin,
ayauan cun baquit at naririmarim,
si Adolfo nama,i, gayon din sa aquin,
nararamdamán co cahit lubháng lihim.

215 Arao ay natacbó, at ang cabata-an
sa pag-aaral co sa qui,i, nananao,
bait co,i, luminis at ang carunungan
ang bulág cong ísip ay cúsang dinamtán.

216 Nataróc ang lalim n~g filosfía,
aquing natutuhan ang astrología,
natantóng malinis ang catacá-tacá
at mayamang dunong n~g matemática.

217 Sa loob n~g anim na taóng lumacad
itóng tatlóng dunong ay aquing nayacap
tanáng casama co,i, nagsi-pangilalás
sampô n~g maestrong toua,i, dili hamac.

218 Ang pagcatutu co,i, anaqui himalâ,
sampô ni Adolfo,i, naiuan sa guitnâ,
maingay na lamang taga pamalità,
sa boong Atenas, ay gumálà-galá.

219 Cayâ n~gâ at acó ang naguing hantun~gan
tungo ng salita n~g tauo sa bayan,
muláng báta,t, hangang catanda-tandaan,
ay nacatalastás n~g aquing pan~galan.

220 Dito na nahubdán ang cababayan co
n~g hirám na bait na binalat-cayô,
cahinhinang ásal na paquitang tauo
naquilalang hindî bucal cay Adolfo.

221 Matantô n~g lahát na cayâ nanamit
niyaóng caba-itang di taglay sa dibdib,
ay nang maragdag pa sa tálas nang isip
itóng capuriháng mahinhi,t, mabait.

222 Ang lihim na itó,i, caya nahalatà,
dumating ang arao nang pagca-catoua,
caming nag aaral bagong tauo,t, batà
sari-saring laro ang minunacala.

223 Minulán ang galí sa pagsasayauan
ayon sa música,t, auit na saliuan,
laróng bunó,t, arnés na quinaquitaan
nang cani-caniyang licsi,t, carunungan.

224 Sacâ ilinabás namin ang tragedia
nang dalauang apó nang túnay na iná,
at man~ga capatid nang nag-iuing amáng
anác at esposo nang Reina Yocasta.

225 Papel ni Eteocles ang naguíng tungcól co,
at si Polinice nama,i, cay Adolfo,
isang ca-escuela,i, siyang nag Adrasto,
at ang nag Yocasta,i, bunying si Minandro.

226 Ano,i, nang mumulán ang unang batalia,
ay ang aming papel ang magca-cabaca,
nang dapat sabihing aco,i, comilala,t,
siya,i, capatid cong cay Edipong bún~ga.

227 Nang-lisic ang matá,t, ang ipinagsaysáy,
ay hindî ang dichong na sa original
cundî ang uica,i, _icao na umagao
nang capurihán co,i, dapat cang mamatáy_

228 Hinandulóng acó, sabáy nitóng uicá,
nang patalím niyang pamatáy na handá,
dan~gan naca-iuas aco,i, nabulagtá
sa tatlóng mari-ing binitiuang tagá.

229 Aco,i, napahiga sa inilag-ilag,
sinabayáng biglâ nang tagáng malacas,
¡salamat sa iyó ó Minandrong liyag,
cundî ang licsi mo búhay co,i, na-utás!

230 Nasalag ang dágoc na camatayan co,
lumipád ang tangang cáliz ni Adolfo
siyang pag-paguitnâ nang aming maestro,
at naualáng-diuang casama,t, catoto.

231 Anopa,t, natapus yaóng catoua-án
sa pan~gin~gilabot, at capighatian;
si Adolfo,i, dîna naman nabúcasan,
noón di,i, nahatid sa Albaniang bayan.

232 Naguing sangtaón pa acó sa Atenas
hinintay ang loob nang amá cong liyag,
¡sa abá co,t,! noo,i, tumangap nang sulat,
na ang balang letra,i, iuang may camandág.

233 ¡Gunam-gunam na dî napagod humapis
dî ca na-ianod nang lúhang mabilís,
iyóng guinuguló ang bait co,t, ísip
at dimo payagang payapà ang dibdib!

234 ¡Camandág cang lagac niyaong camatayan
sa sintang Iná co,i, di nagpacundangan,
sinasariua mo ang súgat na laláng
nang aquing tinagáp na palasóng liham!

235 Tutulun~gang quitá n~gayóng magpalalâ
nang hapdî sa púsong di co ma-apulà,
namatáy si Iná ay laquing dálitâ
itó sa búhay co ang unang umiuà.

236 Patáy na dinampó sa aquing pagbasa
niyóng letrang titic ng biguing na pluma
¡diyata Amá co at nacasulat ca
n~g pamatíd búhay sa anác na sintá!

237 May dalauang oras na dî nacamalay
n~g pagca-tauo co,t, n~g quinalalag-yán,
dan~gan sa calin~ga n~g casamang tanán
ay dî mo na acó na casalitaan.

238 Nang mahimasmasa,i, narito ang sáquit,
dalauá cong matá,i, naguing parang bátis,
ang ¡ay! ¡ay! Ina,i,! cong cayâ mapatíd
ay nacalimutan ang paghin~gáng guipít.

239 Sa panahóng yaó,i, ang boó cong damdám
ay nanao sa aquin ang sangdaigdigan,
ang-iisá acó sa guitnâ ng lumbay
ang quinacabaca,i, sarili cong búhay.

240 Hinamac ng aquing pighatíng mabangís
ang sa Maestro cong pang-aliu na voses,
ni ang lúhang túlong ng samang may hapis,
ay di naca-auás sa pasán cong sáquit.

241 Baras ng matouid ay linapastangan
ng lubháng marahás na capighatian,
at sa isang titig ng palalong lumbáy
diua,i, lumilipád niyaring cati-isan.

242 Anopa,t, sa bangís ng dusang bumugsò
minamasaráp cong mutóc yaring púsò
at ng ang camandág na nacapupunò
sumamang dumaloy sa ágos ng dugò.

243 May dalauáng buang hindî nacatiquím
acó ng linamnám ng payapa,t, aliu,
icalauang súlat ni ama,i, dumatíng
sampo ng sasakiang sumundo sa aquín.

244 Saád sa calatas ay bigláng lumulan
at acó,i, omoui sa Albaniang bayan
sa aquing Maestro ng napaaálam
aniya,i, Florante bilin co,i, tandaan.

245 Houag malilin~gat, at pag ingatan mo
ang higantíng handâ ng Conde Adolfo
pailág-ilágang parang baselisco
súcat na ang titig na matáy sa iyó.

246 Cun ang isalubong sa iyóng pagdating,
ay masayáng muc-ha,t, may paquitang giliu,
lalong paingata,t, caauay na lihim
siyang isa-isip na cacabacahin.

247 Dapoua,t, houag cang magpapahalatá
taróc mo ang lalim n~g caniyang násà
ang sasandatahi,i, lihim na ihandâ,
n~g may ipagtangol sa arao ng digmâ.

248 Sa mauica itó lúha,i, bumalisbís,
at acó,i, niyacap na pinacahigpít,
hulíng tagubilin bunsó,i, catiti-is
at hinhintay ca ng maraming sáquit.

249 At mumul-án mona ang paquiquilaban
sa mundóng bayaning púnong caliluhan
hindî na natapus, at sa calumbayan
piniguil ang dilà niyang pagsasaysáy.

250 Nagca-bitiu caming malunbáy capouá
tanáng ca-escuela mata,i, lumuluhà
si Minandro,i, labis ang pagdarálitâ
palibhasa,i, tapát na capouà batà.

251 Sa pagca-calapat n~g balicat namin
ang mut-yáng catoto,i, di bumitiu-bitiu
hangang tinulutang sumama sa aquin
ng aming maestrong caniyang amaín.

252 Yaóng pa-alama,i, anopa,t, natapos
sa pagsasaliuan n~g madláng himutóc,
at sa cain~gaya,t, guló n~g _adios_
ang buntóng hinin~gá ay naquiquisagót.

253 Mag pahangang daóng ay nagsipatnubay
ang aquing maestro,t, casamang iiuan;
homihip ang han~gi,t, agád nahiualáy
sa pasig Atenas ang aming sasaquián.

254 Bininit sa búsog ang siyang catulad
n~g túlin n~g aming daóng sa paglayag,
cayá dî nalaon paá co,i, yumapac
sa dalampasigan ng Albaniang Ciudad.

255 Pag-ahon co,i, agád nagtuloy sa Quinta,
dî humihiualay ang catotong sintá;
pag-halíc sa camáy n~g poong cong Amá.
lumala ang sáquit n~g dahil cay Iná.

256 Nagdurugong mulî ang sugat n~g púsò
humiguít sa una ang dusang bumugsò,
nauicang casunód n~g lúhang tumulò
¡ay Amáng! casabay n~g báting ¡ay bunso!

257 Anopa,t, ang aming búhay na mag amá
nayapus n~g bangís n~g sing-isang dusa,
cami ay dinatnáng nagcacayacap pa
niyaóng Embajador n~g bayang Crotona.

258 Nacapangaling na sa Palacio Real,
at ipinagsábi sa Harì ang pacay
dalá,i, isang súlat sa Amá cong hirang
titic ng Monarcang caniyang bianan.

259 Humihin~ging túlong, at na sa pan~gambá
ang Crotonang Reino,i, cubcób n~g cabaca,
ang púnò n~g hocbo,i, balita n~g siglá
General Osmalic na bayaning Persa.

260 Ayon sa balita,i, pan~galauá itó
ng Principe niyang bantóg sa sangmundó
Aladíng quilabot n~g m~ga guerrero
iyóng cababayang hinahan~ga-ang co.

261 Dito napangití ang morong ca-usap
sa nagsasalita,i, tumugóng banayad
aniya,i, bihirang balita,i, magtapát
cong magcatotoó ma,i, marami ang dagdág.

262 At sacá madalás ilalâ n~g tapang,
ay ang guniguning tacot n~g calaban,
ang isang guerrerong palaring magdiuang
mababalita na at pan~gin~gila~gan.

263 Cong sa catapan~ga,i, bantóg si Aladín
may búhay rin namáng súcat na maquitíl;
iyóng matatantóng casimpantáy morin
sa casamáng pálad at daláng hilahil.

264 Sagót ni Florante, houag ding maparis
ang guerrerong bantóg sa pálad cong amis
at sa ca-auay ma,i, di co ninanais
ang lahí ng dúsang aquing napagsapit.

265 Matantô ni Amá ang gayóng sacunà
sa Crotonang baya,i, may balang sumirà
acó,i, isinama,t, humaráp na biglá.
sa haring Linceong may gayac n~g digmá.

266 Camí ay bago pang nanaquiát sa hagdán
n~g Palaciong batbát n~g hiyas at yaman,
ay sumalúbong na ang Haring marangál,
niyacap si Amá,t, acó,i, quinamayán.

267 Ang uica,i, ó Duque, ang quiás na itó
ang siyang camuc-há n~g bunying guerrero,
aquing napan~garap na sabi sa iyó,
maguiguing haligui n~g Cetro co,t, Reino.

268 ¿Sino ito,t, saán nangaling na Ciudad?
ang sagót ni Amá ay bugtóng cong anác
na inihahandóg sa mahal mong yápac
ibilang sa isang vasallo,t, alagád.

269 Namanghâ ang harî at niyacap acó,
mabuting panahón itóng pagdatíng mo,
icao ang general nang hocbóng dadaló
sa bayang Crotonang quinubcób nang moro.

270 Patotohanan mong hindî ibá,t, icao,
ang napan~garap cong guerrerong matapang,
na naglalathalá sa sangsinucuban
nang capurihán co at capangyarihan.

271 Iyóng cautan~gan paroong mag-adia,
nunò mo ang Hari sa bayang Crotona;
dugò cang mataás, ay dapat cumita
nang sariling dan~gál, at bunyí sa guerra.

272 Sa pagca,t, matouid ang sa Haring saysáy,
umayon si amá cahi,t, mapaít man,
nang agád masubò sa pagpapatayan
ang ca battan co,t, di cabihasahan.

273 Acó,i, ualang sagót, na na-ipahayag
cundî _Haring poo,t,_ nagdapâ sa yapac,
nang aquing hahagcán ang mahal na bacás,
cúsang itinindíg at mulíng niyacap.

274 Nag-upuán cami,t, sacá nag panayám
nang balabalaqui,t, may halagáng bagay,
nang sasalitín co ang pinag-daanan
sa bayang Atenas na pinangalin~gan.

275 Siyang pamimitác at cúsang nag sabog
nang ningning, ang tálang ca-agáo ni Venus,
anaqui ay bagong umahon sa búbog,
buhóc ay nag lugay sa perlas na bátoc.

276 Touáng pan~galauá cong hindî man Lan~git
ang itinapon nang mahinhing titig,
ó ang lualhating búcó nang ninibig
pain ni Cupidong ualáng macáraquip.

277 Liuanag nang muc-há,i, ualang pinag-ibhan,
cay Febo cong anyóng bagong sumisilang,
catao-ang butihin ay timbáng na timbáng
at mistulang ayon sa hinhín nang ásal.

278 Sa caligayaha,i, ang nacaca-ayos
bulaclác na bagong uinahi nang hamóg,
anopa,t, sino mang paláring manoód
pátay ó himalâ cong hindî umirog.

279 Itó ay si Laurang iquinasisirà
nang pag-iisip co touing magunitâ,
at dahil nang tanáng himutóc at luhà
itinutuno co sa pagsasalitâ.

280 Anac ni Linceong haring napahámac,
at quinabucasan nang aquing paglíyag:
baquit itinulot lan~git na mataás,
na mapanoód co, cong dî acó dapat?

281 ¡O haring Linceo cong dî mo pinilit
na sa salitaan nati,i, maquipanig
ang búhay co disi,i, hindî nagcasáquit
ngayong pagliluhan nang anác mong ibig!

282 Hindî catoto co,t, si Laura,i, dî tacsíl
¡aiuan cong ano,t, lumimot sa aquin!
ang pálad co,i, siyang alipusta,t, linsil
di laáng magtamó nang touâ sa guiliu.

283 ¿Macacapit caya ang gauang magsucab
sa pinacayaman nang lan~git sa dilág?
cagandaha,i, báquit di macapagcalág
nang pagca capatid sa maglilong lácad?

284 Cong nalalagáy ca ang mamatouirín,
sa láot nang madláng súcat ipagtacsíl,
¿dili ang dan~gal mong dapat na lingapin
mahiguit sa ualáng cagandaha,t, ningning?

285 Itó ay hámac pa bagáng sumangsalà
ng carupucán mo, at gauíng masama?
¡cung anó ang taás, n~g pagcadaquilà,
siyaring lagapác namán cong marapá.

286 O bunyíng guerrerong! na-auà sa aquin,
pag silang na niyaong nabagong bitoín,
sa pagcaquita co,i, sabáy ang pag guiliu,
inagao ang púsong sa Iná co,i, hain.

287 Anopa,t, ang lúhang sa mata,i, nanágos
nang pagca-ulila sa Iná cong irog,
na tungcol sa sintá,t, púso,i, nan~gilabot
bacâ di marapat sa gayóng alindóg.

288 Hindî co maquita ang patas na uicà
sa caguluhan co,t, pagca-ualáng diuà
nang maqui-umpóc na,i, ang aquing salitâ,
anhin mang touirin, ay magcacalisiyâ.

289 Nang malutas yaóng pagsasalitaan,
ay ualâ na acóng camahad-licaan,
caloloua,i, gulo,t, púso,i, nadararáng
sa nin~gas nang sintang bago cong naticmán.

290 Tatlóng arao noong piniguing nang Harì
sa Palacio Real na sa yama,i, bunyî,
ay dî nacausap ang púnong pighatî
na ina asahang ilulualhati.

291 Dito co naticmán ang lalong hinagpís,
higuít sa dálitang na unang tini-ís,
at binula-ang co ang lahat nang sáquit,
cong sa cahirapan mulâ sa pag ibig.

292 Salamat at niyaóng sa quinabucasan
hucbó co,i, lalacad sa Crotonang bayan,
sandalíng pinalad, na nacapanayam
ang Princesang nihag niyaring catauhan.

293 Ipinahayag co nang uicang ma-irog,
nang buntóng-hinin~gá, lúhà at himutóc,
ang matinding sintang iquina-lulunod
mag-pahangán n~gayon nang búhay cong capús.

294 Ang púsong matibay nang himaláng diquít
nahambál sa aquing malumbáy na hibíc
dangan ang caniyáng catutubong bait
ay humadláng, disin sintá co,i, nabihis.

295 N~guni,i, cun ang ó-o,i, dî man binitiuan
naliuanagan din sintang nadidimlán
at sa pag-panao co ay pinabauanan
nang may hiyang perlas na sa matá,i, nucál.

296 Dumatíng ang bucas nang aquing pag-alís
¿sino ang sasayod nang bumugsóng sáquit?
¿dini sa púso co,i, alíu ang hinag-pís
na hindî nagtimo nang caniyang cáliz?

297 ¿May sáquit pa cayang lalalo nang tindí
sa ang sumisinta,i, maualay sa casi?
guni-guní lamang dî na ang mang-yari,
súcat icalugmóc nang púsong bayani.

298 ¡O nangag-aalay nang maban~gong suób
sa daquilang altar ni Cupidong Dios
sa dusa co,i, cayó ang nacatataróc,
niyaóng man~gulila sa Laura cong irog!

299 At cundi sa lúhang pabaon sa aquin
namatáy na muna bago co na-atím
dúsang dî lumicat hangang sa dumatíng
sa bayang Crotonang cubcób nang hilahil.

300 Cuta,i, lulugsó na sa bayóng madalás
nang man~ga maquinang talagáng pang-ualat
siyang paglusob co,t, nang hucbong aquibat
guinipít ang digmáng cumubcób sa Ciudad.

301 Dito,i, ang masid-híng lubháng camatayan
at Parcas Aropos ay nagdamdám pagál
sa pag-gapas nila,t, pagquitíl nang búhay
nang nag-hihin~galóng sa dugo,i, nag-lutang.

302 Naquita nang píling general Osmalíc
ang aquing marahás na pamimiyapis
pitóng susóng hanay na dúlo nang cáliz
uinahi nang tabác nang aco,i, masapit.

303 Sa caliua,t, cánan niya,i, nalagalág
man~ga soldados cong pauang mararahás
lumapit sa aquin matá,i, nagninin~gas
halica aniya,t, quita ang maglamas.

304 Limang oras caming hindî nag-hiualay
hangang sa nahapó ang bató nang tapang
nag-lucsâ ang lan~git nang aquing mapatáy
habág sa guerrerong sa mundo,i, tinac-hán.

305 Siya nang pagsilid nang pan~gin~gilabot
sa calabang hucbóng parang sinasalot
nang pamuc-sáng tabác ni Minandrong bantóg;
ang campo,t, victoria,i, napa-aming lubós.

306 Tagumpáy na ito,i, pumauí nang lumbáy
nang man~ga nacubcób nang casacuna-an
panganib sa púso,i, naguíng catoua-án;
ang pintô nang Ciudad pagdaca,i, nabucsán.

307 Sinalubong camí nang Haring daquilá
casama ang boong bayang natimaua
ang pasasalamat ay dî ma-apula
sa di magca-uastóng nagpupuring dilà.

308 Yaóng bayang hapo,t, bagong nacatigháo
sa nagbálang bangis nang man~ga ca-auay
sa pagca-timauà ay nag-aagauáng
málapit sa aqui,t, damít co,i, mahagcán.

309 Sa lacás nang hiyao nang famang matabil
_vivang_ dugtóng-dugtóng ay naquiquisaliu
ang gulang _salamat nagtangól sa amin_.
dinin~gig sa Langit n~g m~ga bituin.

310 Lalò na ang touâ nang aco,i, matatap
na apó nang hari nilang liniliyag
ang monarca nama,i, dî muntî ang galác
lúhà ang nagsabi nang ligayang ganáp.

311 Nagsi-akiát camí sa palaciong bantóg
at nangag-pahin~gá ang soldadong pagód,
dapoua,t, ang baya,i, tatlong arao halos
na nacalimutan ang gauíng pagtulog.

312 Sa ligaya namin nang nunò cong harì
naquipag-itan din ang lilong pighatî
at ang pagcamatáy nang Ina cong pilî
malaon nang lantá,i, nanariuang mulî.

313 Dito naniuala ang batà cong loob
na sa mundo,i, ualang catoua-áng lubós,
sa minsang ligaya,i, talì nang casunód,
macapitóng lumbáy ó hangang matapos.

314 Maguíng limáng bouán acó sa Crotona
nag-pilit bumalíc sa Reinong Albania
¿di sinong susumáng sa acay nang sintá
cun ang tinutun~go,i, lalo,t, isang Laura?

315 Sa gayóng catulin nang aming paglacad
nai-inip aco,t, ang nása,i, lumipád,
¡abá,t,! nang matanao ang muóg nang Ciudad,
cumutóg sa aquing púso,i, lalong hírap!

316 Cayâ palá gayo,i, ang nauauagay-uay
sa cúta,i, hindî na bandilang binyagan
cundî Medialuna,t, Reino,i nasalacay
ni Aladíng sálot nang pasuquing bayan.

317 Ang aca,i, cong hocbo,i, cúsang pinahimpil
sa paá nang isang bundóc na mabangín,
dî caguinsa-guinsa,i, natanauán namin
pulutong nang morong lacad ay mahinhín.

318 Isang bini-bini ang gapós na tagláy
na sa damdám nami,i, tangcáng pupugútan
ang púsò co,i, lálong na-ipit nang lumbáy
sa gunitáng bacá si Laura cong búhay.

319 Cayâ dî napiguil ang ácay nang loób
at ang man~ga moro,i, bigla cong linusob,
¡palad nang tumacbó at hindî natapus,
sa aquing pamuc-sáng cáliz na may poót!

320 Nang ualâ na acóng pagbuntuháng gálit
sa di macaquibóng gapós ay lumapit,
ang taquip sa muc-ha,i, nang aquing i-alis
¡abá co,t, si Laura! ¿may laló pang sáquit?

321 Pupugutan dahil sa hindî pagtangáp
sa sintang mahalay nang Emir sa Ciudad,
nang mag-ásal hayop ang morong pan~gahás
tinampál sa muc-hâ ang himalang dilág.

322 Aquing dali-daling quinalág sa camay
ang lúbid na ualáng auà at pitagan
man~ga daliri co,i, na aalang-alang
marampî sa balát na cagalang-galang.

323 Dito naca-tangáp nang lúnas na titig
ang nagdaralitáng púsò sa pag-ibig,
arao nang ligayang una cong pag-din~gig
nang _sintang Florante_ sa cay Laurang bibíg.

324 Nang aquing matantóng na sa bilangúan
ang bunying Monarca,t, ang Amá cong hirang
nag-utos sa hocbo,t, aming sinalacay
hangang dî nabauì ang Albaniang bayan.

325 Pagpasoc na namin sa loob nang Reino,
bilangua,i, siyang una cong tinun~go
hinán~go ang Hari,t, ang Duqueng Amá co,
sa caguino-cha,i, isá si Adolfo.

326 Labis ang ligayang quinamtán ng Harì
at nang natimauang camahalang pilì
si Adolfo lamang ang nagdalamhatî
sa capurihán cong tinamó ang sanhî.

327 Pan~gimbuló niya,i, lalò nang nag-álab
nang aco,i, tauagin tangúlan nang Ciudad,
at ipinagdiuang nang Haring mataás
sa Palacio Real nang lubós na galác.

328 Sacá nahalatáng aco,i minamahál
nang pinag-uusig niyáng cariquitan
ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy
dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal.

329 Lumagò ang binhíng mulâ sa Atenas
ipinunlang násang aco,i, ipahamac
cay Adolfo,i, ualáng bagay na masac-láp
para nang búhay cong hindi ma-úutas.

330 Di nag iláng buan ang sa Reinong touà
at pasasalamat sa pagca-timua,
dumating ang isang hucbong maninira
nang taga Turquiang masaquím na lubha.

331 Dito ang pan~ganib at pag-iiyacan
nang bagong nahugot sa dálitang bayan
lalo na si Laura,t, ang capan~gambahán
ang acó ay samíng pálad sa patayan.

332 Sa pagca,t, general acóng ini-átas
nang Harî sa hocbóng sa moro,i, lalabás
nag-uli ang loob nang bayang nasindác,
púsò ni Adolfo,i, parang nacamandág.

333 Linoob nang Lan~git na aquing nasúpil
ang hocbó nang bantóg na si Miramolín
siyang mulang arao na iquinalaguím
sa reinong Albania, nang turcong masaquím.

334 Bucód dito,i, madláng digmâ nang ca-auay
ang sunód-sunód cong pinag-tagumpayán
ano pa,t, sa aquing cáliz na matapang
labing-pitóng hari ang nan~gag-sigalang.

335 Isang arao acóng bagong nagvictoria
sa Etoliang Ciudad na cúsang binaca
tumangáp ng súlat n~g aquing Monarca
mahigpít na biling moui sa Albania.

336 At ang panihála sa dalá cong hocbó
ipinagtiualang iuan cay Minandro;
noón di,i, tumulac sa Etoliang Reino,
pagsunód sa Hari,t, Albania,i, tinun~go.

337 Nang dumatíng aco,i, gabíng cadilimán
pumasoc sa Reinong ualáng agam-agam
pagdaca,i, quinubcob ¡laquíng caliluhan!
na may tatlóng-pauong libong sandatahán.

338 Di binig-yang daang aquing pang mabunot
ang sacbát na cáliz at maca-pamoóc
boong catauán co,i, binidbíd ng gápos
piniit sa cárcel na catacot-tacot.

339 Sabihin ang aquing pamamangha,t, lumbáy
lálo nang matantóng Monarca,i, pinatáy
n~g Conde Adolfo cúsang idinamay,
ang Amá cong irog na mapagpalayao.

340 Ang násang yumama,t, háring mapataniág,
at uháo sa aquing dugô, ang yumacag,
sa púso ng Conde, sa gauáng magsucáb
¡o napacarauál na Albaniang Ciudad!

341 Mahigpit cang abá sa mapag-punuán
n~g han~gal na púnò at masamáng ásal,
sa pagca,t, ang Haring may han~gad sa yaman
ay mariing hampás nang Lan~git, sa bayan.

342 Aco,i, lálong abá,t, dinayà n~g ibig,
¿may cahirapan pang para n~g marin~gig,
na ang princesa co,i, nangacong mahigpit
pacasál sa Conde Adolfong balauis?

343 Itó ang nagcalat n~g lásong masid-hi
sa ugát ng aquing púsong mapighatí,
at pinag-nasaang búhay co,i, madalí
sa pinangalin~gang uala,i, magsaulí.

344 Sa pagcabilangóng labing-ualóng arao
na iiníp acó n~g di pagcamatáy,
gabí n~g hangoi,t, ipinagtuluyan
sa gúba,t, na ito,t, cúsang ipinugal.

345 Bilang macalauang maliguid ni Febo
ang sangdaigdigan sa pagca-gapus co,
ng ina-acalang na sa ibang Mundó
imulat ang matá,i, na sa candungan mo.

346 Itó ang búhay cong silo-silong sáquit
at hindi pa tantô ang huling sasapit
mahabang salitá, ay dito napatíd,
ang guerrero naman ang siyang nagsulit.

347 Ang pagcabúhay mo,i, yamang natalastás,
tantoín mo namán n~gayon ang caúsap,
acó ang Aladin sa Perciang Ciudad
anác n~g balitang sultáng Alí-Adab.

348 Sa pagbátis niyaring mapait na lúhà
ang pagcabúhay co,i, súcat mahalatâ....
¡_ay Amá co_! _baguit_...? ¡_ay Fleridang toua_!
catoto,i, bayaan aco,i, mapayapa.

349 Magsama na quitáng sa lúha,i, ma-agnás,
yamang pinag-isá n~g masamáng pálad
sa gúbat na ito,i, antain ang uacás
ng pagcabúhay tang nalipós n~g hirap.

350 Hindî na inulit ni Florante namán
luha ni Aladi,i, pina-ibayuhan;
tumahán sa gúbat na may limáng bouan,
ng isang umaga,i, nagan-yác nag-libáng.

351 Canilang linibot ang loób n~g gúbat
cahit bahag-ya na macaquitang landás,
dito sinalità ni Alading hayág,
ang caniyáng búhay na cahabag-habag.

352 Aniya,i, sa madláng guerrang pinagda-anan
dî acó naghirap ng paquiquilaban,
para n~g bacahin ang púsong matibay
ni Fleridang irog na tinatan~gisan.

353 Cong naquiqui-umpóc sa madláng princesa,i,
si Diana,i, sa guitnâ ng maraming Ninfa,
caya,t, cun tauaguin sa Reino n~g Percia
isá sa Houris n~g m~ga Profeta.

354 Ano pa,t, pinalad na aquing dinaig
sa catiyaga-an ang púsong matipíd
at pagcaca-ísa ng dalauang dibdib,
pagsintá ni ama,i, nabuyong gumi-it.

355 Dito na minulán ang pagpapahirap
sa aqui,t, ninasang búhay co,i, mautás
at n~g mag victoria sa Albaniang Ciudad
pag dating sa Percia,i, binilangóng agád.

356 At ang ibinuhat na casalanang co
dipa útos niya,i, iniuan ang hocbó
at n~g mabalitang Reino,i, naibauí mo,
aco,i, hinatulang pugutan ng úlo.

357 Nang gabíng malungcót na quinabucasan
uacás na tadhanang aco,i, pupugutan,
sa carcel ay nasoc ang isang general
dalá ang patauad na laong pamatáy.

358 Tadhanang mahigpit, ay malís pagdaca
houag mabucasan sa Reino n~g Percia,
sa munting pag souáy búhay co ang dusa;
sinonód co,t, útos n~g Hari co,t, amá.

359 N~guni,t, sa púso co,i, matamis pang lubha
natulóy naquitíl ang hiningáng aba
houag ang may búhay na nagugunita
ibá ang may candóng sa Lan~git co,t, toua.

360 May anim na n~gayóng taóng ualang licat
nang linibot libot na casama,i, hirap....
nápatiguil dito,t, sila,i, may nabat-yág
nagsa-salitaan sa loób nang gúbat.

361 Napaquingán nila,i, ang ganitóng saysay
nang aquíng matatap na papupugutan
ang abáng sintá cong nasa bilanguan
nag dapa sa yapac nang Haring sucaban.

362 Inihin~gíng tauad nang luha at daing
ang caniyang anác na mutya co,t, guiliu
ang sagót ay cundi cusa cong tangapin
ang pagsintá niya,i, di patatauarin.

363 ¿Anóng gagauín co sa ganitóng bagay?
¡ang sintá co caya,i, baya-an mamatáy!
napahinuhod na acó,t, nang mabúhay
ang Principeng írog na cahambal-hambál.

364 Ang dî nabalinong matibay cong dibdib
nang súyo nang hari, bála at pag hibic,
naglambót na cúsa,t, humain sa sáquit
at nang ma-iligtás ang búhay nang ibig.

365 Sa toua nang Hari, pinaualáng agád
ang dahil nang aquing lúhang pumapatác,
dapoua,t, tadhanang umalís sa Ciudad,
at sa ibáng lúpa,i, cúsang mauac-auac.

366 Pumanao sa Percia ang írog co,t, búhay
na hindî mang camí nagcasalita-an
¡tingní cong may lúha acóng ibubucál
na maitutumbás sa dusa cong tagláy!

367 Nang iguinagayác sa loob nang Reino
yaóng pagcacasál na camatayan co,
aquing na-acalang magdamit guerrero
cúsang magta-anang sa Real Palacio.

368 Isáng hatingabíng cadilima,i, lubhâ
lihim na naghunos acó sa bintana
ualáng quinasama cun hindî ang nása
matuntón ang sintá cong nasaang lúpa.

369 May ilán n~g taón acóng nag lagalág
na pina-Palacio ang bundóc at gúbat
dumating n~ga rito,t, quita,i, na iligtas
sa masamang nasa niyaong taong sucáb...

370 Salita,i, nahinto na big-láng pagdatíng
n~g duque Florante,t, principe Aladín,
na pagca-quilala sa voces n~g guiliu
ang gaui n~g puso,i, dî napiguil-piguil.

371 ¡Aling dila caya ang macasasayod
n~g touang quinamtán ng magcasing irog
sa hiya n~g sáquit sa lupa,i, lumubóg,
dalá ang caniang napulpól na túnod.

372 ¡Saang calan~gitan na pa-aquiat cayâ
ang ating Florante sa tinamóng touá
n~gayóng tumititig sa ligayang muchá
n~g caniyang Laurang ninanása nasa.

373 Ano pa n~gayaóng gúbat na malungcót
sa apat, ay naguíng Paraiso,t, lugód,
macailang hintóng caniláng malimot,
na may hinin~gá pang súcat na malagót.

374 Sigabó ng toua,i, n~g dumalang dalang
dinin~gig n~g tat-lo cay Laurang búhay,
nasapit sa Reino mula ng pumanao
ang sintang nag gúbat: ganitó ang saysay.

375 Di lub-háng nalaon niyaóng pag alismo
ó sintáng Florante sa Albaniang Reino!
naringig sa baya,i, isang píping guló
na umalin~gaon~gao hangáng sa Palacio.

376 N~guni,t, dî mangyaring mauatasuatasan
ang báquit, at húlo ng bulongbulon~gan
parang isang saquít na di mahulaan
ng médicong pantás, ang dahil; at saan.

377 Dî caguinságuinsá Palacio,i, nacubcób
n~g magulóng baya,t, baluting soldados
¡o arao nalubháng caquiquilabot!
¡arao na sinumpa n~g galit n~g Dios!

378 Sigauang malacás niyaóng bayang guló,
_mamatáy mamatáy ang háring Linceo_
_na nagmunacalang gutumin ang Reino,t,_
_lag-yan nang Estanque ang cacani,t, trigo_.

379 Ito,i, cay Adolfong cagagauáng lahat,
at n~g magcaguló yaóng bayang bulág
sa n~galan ng Hari ay isinambulat
gayóng órdeng mula sa dibdib n~g sucáb,

380 Noón di,i, hinugot sa tronong luc-lucan
ang Amá cong Hari at pinapugutan
¿may matouíd bagáng macapang-lulumay
sa sucáb na puso,t, nagugulóng bayan?

381 Sa arao ring yao,i, naput-lán ng ulo
ang tapát na loob n~g m~ga consejo
at hindî pumuról ang tabác na lilo
hangang may mabait na mahal sa Reino.

382 Umacyát sa trono ang Condeng malupít,
at pinagbalaan acó n~g mahigpít,
na cong dî tumangáp sa haying pag-ibig
dustáng camataya,i, aquing masasapit.

383 Sa pagnanasa cong siya,i, magantihán,
at sulatan quitá sa Etoliang bayan,
pinilit ang púsong houag ipamalay
sa lilo, ang aquing ca-ayaua,t, suclám.

384 Limáng bouang singcád ang hin~ging taning
ang caniyáng sinta,i, bago co tangapín;
n~guni,t, pinasiyáng túnay sa panimdím,
ang mag patiuacál cundî ca dumatíng.

385 Niyari ang sulat at ibinigáy co
sa tapát na lingcód, n~g dalhín sa iyó;
dî nag-isang bua,i, siyáng pagdatíng mo,t,
nahulog sa camáy ni Adolfong lilo.

386 Sa tacot sa iyó niyaóng palamara
cong acó,i, magbalíc na may hocbóng dalá
n~g mag-isáng moui ay pinadalhánca
n~g may Sellong súlat at sa Haring firma.

387 Matanto co ito,i, sa malaquíng lumbay
gayác na ang puso na mag-patiuacál
ay siyáng pagdating ni Minandro namán
quinubcób n~g hocbó ang Albaniang bayan.

388 Sa banta co,i, siyang tantóng nacatangáp
ng sa iyo,i, aquing padaláng calatas
caya,t, n~g dumating sa Albaniang Ciudad,
Lobong nagugutom ang cahalintulad.

389 Nang ualáng magauá ang Conde Adolfo
ay cúsang tumauag n~g capoua lilo
dumatíng ang gabí umalís sa Reino
at aco,i, dinalang gapús sa cabayo.

390 Capagdatíng dito aco,i, dinadahás
at ibig ilugsó ang puri cong ingat,
mana,i, isang túnod na cong saán búhat
pumáco sa dibdib ni Adolfong sucáb....

391 Sagót ni Flerida nang dito,i, sumapit
ay may napaquingang binibining voses
na paquiramdám co,i, binibig-yáng sáquit
nahambál ang aquing mahabaguíng dibdib.

392 Nang paghanaping co,i, icáo ang nataós
pinipilit niyaóng táuong balaquiót,
hindi co nabata,t, bininit sa búsog
ang isang palasóng sa lilo,i, tumapos...

393 Dî pa napapatid itóng pan~gun~gusap
si Minandro,i, siyang pagdating sa gúbat
dala,i, Ejército,t, si Adolfo,i, hanap
naquita,i, catoto ¡laquíng toua,t, galác!

394 Yaong Ejércitong mula sa Etolia
ang unang nauica sa gayóng ligaya
_Viva si Floranteng hari sa Albania_
_Mabuhay mabuhay ang Princesa Laura_!

395 Dinalá sa Reinong ipinag diriuang
sampu ni Aladi,t, ni Fleridang hírang
capouà tumangáp na man~gag-binyágan:
magca-casing-sinta,i, naraos nacasál.

396 Namatáy ang bun-yíng Sultan Ali Adab
noui si Aladin sa Perciang ciudad:
ang Duque Florante sa Trono,i, naac-yát
sa siping ni Laurang minumut-yáng liyág.

397 Sa pamamahala nitóng bagong Hari
sa capayapaan ang Reino,i, na-uli
dito nacaban~gon ang nalulugámi
at napasa-toua ang nag-pipighatî.

398 Cayâ n~ga,t, nagta-ás ang camáy sa Lan~git
sa pasasalamat n~g bayang tangquilic
ang Hari,t, ang Reina,i, ualáng naiisip
cundî ang magsabog ng aua sa cabig.

399 Nagsasama silang lubháng mahinusay
hangang sa nasapit ang payápang bayan,
Tiguil aquing Musa,t, cúsa cang lumagáy
sa yápac ni CELIA,T, dalhín yaring ¡_Ay! ... ¡Ay_!

FIN