Jump to content

Ang Tren

From Wikisource
Ang Tren (1928)
by José Corazón de Jesús
300229Ang Tren1928José Corazón de Jesús

Tila ahas na nagmula
sa himpilang kanyang lungga,
ang galamay at palikpik, pawang bakal, tanso, tingga,
ang kaliskis, lapitan mo’t mga bukas na bintana.

Ang rail na lalakara’y
nakabalatay sa daan,
umaaso ang bunganga at maingay na maingay,
sa Tutuban magmumula’t patutungo sa Dagupan.

O, kung gabi’t masalubong
ang mata ay nag-aapoy,
ang silbato sa malayo’y dinig mo pang sumisipol
at hila-hila ang kanyang kabit-kabit namang bagon.

Walang pagod ang makina,
may baras na nasa r’weda,
sumisingaw, sumisibad, humuhuni ang pitada,
tumetelenteng ang kanyang kampanada sa tuwina.

“Kailan ka magbabalik?”
“Hanggang sa hapon ng Martes.”
At tinangay na ng tren ang naglakbay na pag-ibig,
sa bentanilya’y may panyo’t may naiwang nananangis.


This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
  • It is an anonymous or pseudonymous work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is an audiovisual or photographic work and 50 years have passed since the year of its publication
  • It is a work of applied art and 25 years have passed since the year of its publication
  • It is another kind of work, and 50 years have passed since the year of death of the author (or last-surviving author)