Ang Sulat ni Jeremias
Support
Para sa kabuuang aklat ni Baruc:
Tingnan din: Baruc
1 Ito'y sipi ng liham ni Jeremias sa mga taga-Jerusalem bago sila dinala sa Babilonia bilang mga bihag ng hari ng Babilonia. Sinulat niya ito upang ipaabot sa kanila ang mensahe ng Diyos. Ganito ang kaniyang ipinapasabi:
Matagal na Bibihagin ang mga Mamamayan
2 Nagkasala kayo sa Diyos, kaya ipinahintulot niyang kayo'y mabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 3 Mananatili kayong bihag sa Babilonia sa loob ng mahabang panahon, hanggang sa ikapitong salinlahi. Pagkatapos, palalayain kayo ng Diyos at payapang pauuwiin sa inyong lupain.
4 Makakakita kayo sa Babilonia ng mga diyos-diyosang yari sa kahoy, ginto at pilak. Ang mga diyos-diyosang iyon na pinapasan ng mga tao ay labis na kinatatakutan ng mga pagano. 5 Huwag kayong tutulad sa kanila. Huwag kayong matatakot sa mga diyos-diyosang iyon kahit makita ninyong ipinagpuprusisyon at sinasamba nila ang mga ito. 6 Sa halip, ganito ang isaisip ninyo: “Panginoon, ikaw lamang ang aming sasambahin.” 7 Sasamahan kayo ng aking anghel at kayo'y iingatan niya.
Walang Magagawa ang mga Diyos-diyosan
8 Ang mga diyos-diyosan nila ay balot ng ginto at pilak at may dilang hinugis ng mag-uukit. Ngunit hindi sila makapagsalita sapagkat sila'y hindi tunay na diyos. 9 Iginagawa at pinuputungan sila ng mga tao ng koronang ginto na parang babaing mahilig sa alahas. 10 Kung minsan, ang ginto't pilak na handog sa kanila'y kinukuha ng mga pari at ginugugol para sa kanilang sarili. 11 Kung minsan ay ibinabayad pa sa mga babaing nagbibigay ng panandaliang aliw sa templo. Ang mga diyos-diyosang iyon na yari sa kahoy, ginto at pilak ay binibihisang parang tao. 12 Ngunit kahit sila'y bihisan ng magagarang damit na kulay ube na tulad ng mga hari, kinakain pa rin sila ng bukbok at kalawang. 13 Napupuno rin sila ng alikabok sa templo at kailangang may magpunas ng kanilang mukha. 14 May hawak rin silang setro gaya ng mga hukom, ngunit wala namang kapangyarihang humatol sa mga humahamak sa kanila. 15 Mayroon pang may hawak na palakol at punyal, ngunit hindi naman maipagtanggol ang sarili para hindi masira sa digmaan o madala ng magnanakaw. 16 Nangangahulugan lamang ang mga ito na hindi sila diyos. Kaya, huwag ninyo silang sambahin.
17 Hindi naiiba sa isang sirang pinggan na wala nang pakinabang ang mga diyos-diyosang iyon na nakalagay sa kanilang mga templo. Ang mga mata nila'y puno ng alikabok na dala ng mga paa ng mga taong pumapasok doon. 18 Ikinakandado ng mga pari ang mga pintuan ng templo upang hindi mapasok ng magnanakaw. Kaya't nakakulong ang mga diyos-diyosan na parang mga bilanggong nakatakdang patayin dahil sa pagtataksil sa hari. 19 Ipinagsisindi sila ng mga pari ng maraming ilaw—higit pa sa kanilang kailangan. Ngunit isa man sa mga ito'y hindi nakikita ng mga diyos-diyosang iyon. 20 Ang loob nila'y kinakain na ng anay gaya ng mga poste ng templo. Ang mga damit nila'y nasisira ngunit hindi nila ito namamalayan. 21 Nangingitim ang kanilang mga mukha dahil sa usok na galing sa templo. 22 Dinadapuan sila ng mga paniki, ng mga layang-layang at ng iba pang mga ibon, at inuupuan ng pusa. 23 Ang lahat ng ito ay nangangahulugang sila'y hindi diyos. Kaya, huwag ninyo silang sambahin.
24 Ang mga diyos-diyosang iyon ay balot nga ng lantay na ginto para gumanda, ngunit kung hindi kukuskusin ay hindi kikinang. Hindi nila naramdaman nang sila'y tunawin at buuin. 25 Napakalaking halaga ang ibinayad sa kanila ngunit wala naman silang hininga. 26 Mayroon nga silang paa, ngunit hindi naman makalakad. Kailangan pang sila'y buhatin at pasanin ng tao. Talagang wala silang kabuluhan. 27 Kahit ang mga nag-aasikaso sa kanila ay napapahiya dahil kapag bumagsak ang mga iyon ay hindi makatayong mag-isa. At kung may magtayo naman, hindi makakilos ang mga iyon. At kung tumagilid ay hindi na maiayos ang kanilang sarili. Ang pag-aalay sa kanila ng handog ay parang pagbibigay ng handog sa mga patay. 28 Ibinibenta ng mga pari ang mga handog sa mga diyos-diyosang iyon at ginugugol para sa kanilang sarili ang pinagbilhan. Ang iba naman ay iniimbak ng mga asawa ng mga pari, sa halip na ipamahagi sa mahihirap. 29 Pati ang mga babaing bagong panganak o nireregla ay hinahayaang humipo sa mga handog. Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na sila'y hindi tunay na diyos. Kaya, huwag na huwag ninyo silang sambahin.
30 Paanong matatawag na diyos ang mga diyos-diyosang iyon na yari sa kahoy, ginto at pilak? Pati babae'y pinahihintulutang mag-alay sa kanila ng mga handog. 31 Sa panahon ng pagluluksa, umuupo sa loob ng templo ang mga paring punit ang damit, ahit ang balbas, at walang takip ang ulo. 32 Sumisigaw sila at nananangis sa harap ng mga diyos-diyosang iyon tulad ng mga upahang mananaghoy sa harap ng bangkay. 33 Kung minsan naman, kinukuha ng mga pari ang damit ng mga diyos-diyosang iyon at ipinapasuot sa kanilang mga asawa't anak. 34 Paglingkuran man o laitin ang mga diyos-diyosang iyon ay hindi sila makakaganti. Hindi sila makakapaglagay o makakapagpaalis ng hari. 35 Hindi rin nila mapapayaman ang sinuman. Kung may mangako sa kanila ngunit hindi tumupad, ito'y hindi nila mapipilit. 36 Hindi nila maililigtas ang sinuman sa kamatayan at hindi nila maipagtatanggol ang naaapi. 37 Hindi nila maisasauli sa bulag ang kaniyang paningin at hindi nila masasaklolohan ang nasa kagipitan. 38 Hindi sila maaawa sa biyuda at wala silang malasakit sa mga ulila. 39 Ang mga diyos-diyosang iyon na yari sa kahoy at binalot ng ginto at pilak ay walang iniwan sa batong galing sa bundok. Mapapahiya lamang ang mga sumasamba sa kanila. 40 Paano nga sila maituturing o matatawag na diyos?
Kahangalan ang Sumamba sa Diyos-diyosan
Sa ginagawa ng mga taga-Babilonia, ipinapahiya nila ang kanilang mga diyos-diyosan. 41 Halimbawa, dinadala nila sa templo ni Bel ang isang pipi upang idalanging makapagsalita na para bang si Bel ay nakakaunawa. 42 Kahit alam nilang hindi makakatulong ang kanilang mga diyos-diyosan, sinasamba pa rin nila ang mga ito dahil sa kanilang kahangalan. 43 May mga babaing nakahanay sa tabing daan, may taling kurdon at nagsusunog ng ipa kapalit ng insenso, at inihahandog nila ang kanilang sarili bilang babaing nagbebenta ng panandaliang aliw. Kapag may lalaking pumili sa kanya, ipinagmamalaki niya ito at kinakantyawan ang mga kasama na ang mga ito'y hindi kaakit-akit na tulad niya, kaya walang kumuha sa kanila. 44 Lahat ng may kinalaman sa mga diyos-diyosang ito ay pandaraya at kahibangan. Paano sila maituturing o matatawag na diyos?
45 Likha lamang sila ng mga karpintero at panday. Kung ano lamang ang nais palabasing hugis ng mga ito ay siyang mangyayari. 46 Kahit na ang mga may gawa sa kanila ay hindi mabubuhay nang matagal. Paano magiging diyos ang kanilang ginawa? 47 Ang iiwan ng mga taong iyon sa mga susunod na salinlahi ay pawang pandaraya at kahihiyan. 48 Kapag may digmaan at kalamidad, ang mga pari ang nag-iisip kung saan itatago ang mga diyos-diyosang iyon. 49 Wala silang magagawa sa harap ng digmaan at panganib. Bakit kaya hindi maunawaan ng mga tao na hindi maaaring maging diyos ang mga rebultong iyon? 50 Ang mga diyos-diyosang iyon ay yari lamang sa kahoy at binalot ng ginto at pilak. Darating din ang panahon na mapapatunayang sila'y hindi diyos. 51 Makikilala rin ng lahat ng hari at bansa na ang mga diyos-diyosang iyon ay likha lamang ng kamay ng tao at walang kapangyarihang tulad ng sa Diyos ng Israel. 52 Mayroon pa kayang hindi nakakaalam sa bagay na ito?
53 Hindi nila magagawang hari ang sinuman, ni hindi sila makakapagpaulan. 54 Hindi sila makakapagpasya tungkol sa sariling suliranin, o makapagbibigay katarungan sa sinumang naaapi. Gaya ng mga uwak na nagliliparan, wala silang silbi! 55 Kapag nagkasunog sa templo, magtatakbuhan ang mga pari at maiiwan ang mga diyos-diyosang kahoy na balot ng ginto at pilak. Masusunog silang parang mga posteng kahoy. 56 Hindi sila makakalaban sa mga hari o makakalusob sa sinumang kaaway. Sino ang maniniwalang diyos sila?
57 Ang mga diyos-diyosang iyon na yari sa kahoy at binalot ng ginto at pilak ay hindi makakatutol sa mga magnanakaw at tulisan. 58 Wala silang magagawa kunin man ng mga ito ang kanilang ginto, pilak at mga kasuotan. 59 Mas mabuti pa sa mga diyos-diyosang iyon ang isang haring matapang, o ang isang kapaki-pakinabang na gamit sa tahanan. Mas mabuti pa kaysa kanila ang pinto ng isang bahay na nakapinid upang hindi manakaw ang laman niyon. Mas mabuti pa ang isang haliging kahoy sa bahay ng hari kaysa mga diyos-diyosang ito.
60 Nilikha ng Diyos ang araw, ang buwan at ang mga bituin upang magbigay ng liwanag, siya'y sinusunod nila. 61 Gayon din ang kidlat at ang hangin. Ang kislap ng kidlat ay abot sa magkabilang dulo ng langit. Ang hangin ay umiihip sa lahat ng dako. 62 Kapag inutusan ng Diyos ang ulap na mangalat sa daigdig, ito ay sumusunod rin. 63 Kapag inutusan ng Diyos ang apoy na bumabâ mula sa langit upang tupukin ang mga bundok at kagubatan, sumusunod agad ito. Ngunit hindi magagawa ng mga diyos-diyosan ang alinman sa mga iyon. Ni hindi nila iyon magagaya. 64 Bakit sila ituturing na diyos gayong hindi naman nila tayo kayang hatulan o gawan ng kabutihan? 65 Alam ninyong sila'y hindi diyos, kaya huwag ninyo silang sambahin.
66 Ang mga diyos-diyosang iyon ay walang kapangyarihan sa mga hari; wala silang kapangyarihang sumpain o pagpalain ang mga ito. 67 Hindi rin nila mabibigyan ang mga bansa ng anumang palatandaan mula sa langit; hindi sila makapagbibigay-liwanag tulad ng araw at ng buwan. 68 Mabuti pa sa kanila ang maiilap na hayop sapagkat ang mga ito'y nakakalayo sa panganib, o nakakapagtanggol sa sarili. 69 Maliwanag pa sa sikat ng araw na sila'y hindi diyos. Kaya huwag ninyo silang sambahin.
70 Ang mga diyos-diyosang iyon na yari sa kahoy at binalot ng ginto at pilak ay katulad lamang ng panakot ng ibon sa bukid. 71 Gaya ng halamang matinik sa isang hardin, sa halip na katakutan ng mga ibon ay nagiging dapuan. Ang mga diyos-diyosang iyon ay parang bangkay na itinapon sa kadiliman. 72 Ang magagara nilang damit na marupok na at nagkapunit-punit sa katawan ay nagpapatunay na sila'y hindi diyos. Sa wakas, pati ang kanilang katawang kahoy ay uubusin ng anay at magiging katawatawa sila sa buong lupain.
73 Mapalad ang taong may paggalang sa tunay na Diyos. Hindi siya sumasamba sa mga diyos-diyosan, kaya hindi siya malilinlang o mapapagtawanan.
Talababa
[edit]- ↑ Karagdagang kabanata sa aklat ni Baruc