Ang Posporo Ng Diyos
Sa dilim ng gabi’y may gintong nalaglag,
may apoy, may ilaw, galing sa itaas;
at dito sa lupa noong pumalapag,
nahulog sa bibig ng isang bulaklak.
Ang sabi ng iba’y kalulwa ng patay,
luha ng bituin, anang iba naman.
Lalo na’t sa gabi ay iyong matanaw
tila nga bituing sa langit natanggal.
Bituin sa langit at rosas sa hardin,
parang nagtipanan at naghalikan din;
nang di na mangyaring sa umaga gawin,
ginanap sa gabi’y lalo pang napansin.
Katiting na ilaw ng lihim na liyag,
sinupo sa lupa’t tanglaw sa magdamag;
ito’y bulalakaw ang dating pamagat,
posporo ng Diyos sa nangaglalakad.
Kung para sa aking taong nakaluhod
at napaligaw na sa malayong pook,
noong kausapin ang dakilang Diyos
ay sa bulalakaw lamang nagkalugod.
Sampalitong munti ng posporong mahal
kiniskis ng Diyos upang ipananglaw;
nang ito’y mahulog sa gitna ng daan,
nakita ang landas ng pusong naligaw!
Ito’y bulalakaw, ang apoy ng lugod,
na nagkanlalaglag sa lupang malungkot.
May nakikisindi’t naligaw sa pook:
Aba, tinanglawan ng posporo ng D’yos.
This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
|