Ang Aklat ni Ester (Griego)
Support
MGA KARAGDAGAN SA AKLAT NI ESTER
Kabanata A
[edit]Ang Panaginip ni Mordecai
1-3 Si Mordecai, na isang Judiong kabilang sa lipi ni Benjamin, ay dinalang-bihag kasama ni Haring Jeconias ng Juda noong mahulog ang Jerusalem sa kamay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Si Mordecai ay anak ni Jair na anak ni Simei at apo ni Kis. Ngayo'y naninirahan siya sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia. Doon ay isa siyang mataas na pinuno sa kaharian ng Dakilang Haring Xerxes.
Noong unang araw ng unang buwan, ikalawang taon ng paghahari ni Haring Xerxes, si Mordecai ay nanaginip ng ganito: 4 Maraming boses at matinding kaguluhan, kulog, at lindol sa buong daigdig. 5 Walang anu-ano'y may lumitaw na dalawang dragong umaatungal nang malakas at handang maglaban. 6 Nang marinig ang kanilang atungal, ang mga bansa ay humanda upang digmain ang matuwid na bayan ng Diyos. 7 Naghari sa daigdig ang karimlan, kapanglawan, kaguluhan at pagkabahala. Nasira at gumuho ang lahat. 8 Nagulo ang matuwid na bansa dahil sa takot sa kapahamakang nagbabanta sa kanila, ngunit handa silang mamatay. 9 Subalit nanalangin sila sa Diyos, at ang panalangin nila'y naging parang isang napakalaking ilog na umagos mula sa isang maliit na bukal. 10 Sumikat ang araw at muling nagliwanag. Pinalakas ng Diyos ang mga mapagpakumbaba kaya nalipol nila ang mga mapagmataas nilang kaaway.
11 Sa panaginip na iyon, nakita ni Mordecai ang binabalak gawin ng Diyos. Nang siya'y magising, maghapon niyang pinilit na maunawaan ang panaginip na iyon.
Iniligtas ni Mordecai ang Buhay ng Hari
12 Noon, si Mordecai ay nagpapahinga sa bakuran ng palasyo, kasama sina Gabata at Tara na mga eunukong bantay roon. 13 Narinig niya ang pag-uusap ng dalawa at nalaman niyang balak ng mga ito na patayin si Haring Xerxes. Kaya't siya'y nagpunta sa hari at ito'y kaniyang ipinaalam. 14 Ang dalawa ay ipinatawag ng hari at tinanong kung totoo ang paratang ni Mordecai. Nang umamin ang dalawa, sila'y ipinabitay ng hari.
15 Ang buong pangyayari'y ipinasulat ng hari sa isang aklat. Isinulat din ni Mordecai ang mga pangyayaring ito. 16 Bilang gantimpala sa kaniyang ginawa, si Mordecai ay binigyan ng hari ng tungkulin sa palasyo mula noon.
17 Ngunit si Haman na anak ni Hamedata na isang Agagita, ay malapit sa hari. Gumawa siya ng paraan para ipahamak si Mordecai at ang mga kababayan nito dahil sa pagkamatay ng dalawang eunuko.
Kabanata B
[edit]Ang Utos ni Xerxes Laban sa mga Judio
1 Ito ang nilalaman ng liham.
Ang Dakilang Haring Xerxes ay sumusulat sa mga gobernador at mga katulong na tagapamahala ng 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.
2 “Bilang pinuno ng maraming bansa at panginoon ng buong daigdig, hindi ko ipinagmamalaki ang aking kapangyarihan. Ang hangad ko lamang ay maging matatag at mapagkalinga ang aking pamamahala. Nais ko na ang lahat ng aking nasasakupan ay mamuhay nang matiwasay at mapayapa; ligtas sa lahat ng panliligalig, at malayang makapaglakbay sa lahat ng panig ng kaharian.
3 “Nang isangguni ko sa aking mga tagapayo kung paanong maipagtatagumpay ang layuning ito, ganito ang naging payo ni Haman na pangunahin kong tagapayo at kilala ng lahat sa katalinuhan at katapatan sa hari. Siya ay tunay na mapagkakatiwalaan at pangalawa sa akin sa kapangyarihan. 4 Sinabi niya sa amin na may isang lahing namamayan sa buong nasasakupan ng ating kaharian, kahalo ng iba't ibang bansa, ngunit namumukod sa lahat. Ang mga batas nila ay laban sa tuntunin ng bawat bansa, at lagi na lang sumusuway sa mga utos ng mga hari. At dahil dito'y hindi magkaisa ang kaharian. 5 Nalaman naming tanging ang mga taong ito at sila lamang, ay laban sa lahat, may sariling tuntunin at paraan ng pamumuhay, at wala nang sinisikap kundi ang kapahamakan ng kaharian, kaya't hindi na tayo natahimik.
6 “Dahil dito, iniuutos namin na lahat ng taong tinutukoy sa sulat ni Haman, ang tagapamahala ng kaharian at pangalawa nating ama, ay ganap na lipulin, nang walang awa, pati kanilang mga anak at asawa. Ito'y isasagawa sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan ng taóng ito, 7 upang ang mga taong ito na matagal nang lumalaban sa kaharian ay malipol sa isang araw at sabay-sabay na mahulog sa daigdig ng mga patay. Sa gayon, matatahimik na ang kaharian.”
Kabanata C
[edit]Ang Panalangin ni Mordecai
1 Dahil dito, nanalangin si Mordecai na inaalaala ang lahat ng mga ginawa ng Panginoon. Sabi niya: 2 “Panginoon, Hari ng sanlibutan, ang lahat ng bagay ay nasa iyong kapangyarihan, at walang makakahadlang sa iyong kalooban kung nais mong iligtas ang Israel. 3 Ikaw ang lumikha ng langit, ng lupa at ng lahat ng narito. 4 Ikaw ang Panginoon ng lahat at walang makakalaban sa iyo. 5 Alam mo po, Panginoon, ang lahat ng bagay. Alam mong hindi kapalaluan ang dahilan ng hindi ko pagyukod kay Haman. 6 Sa katunayan, handa akong humalik sa kanyang mga paa mailigtas lang ang Israel. 7 Ngunit ayaw kong gawin iyon sapagkat hindi ko maaaring pahalagahan ang tao higit sa Diyos. Sa iyo lamang ako naninikluhod, hindi sa sinumang tao. Ang pagyukod ko sa harapan mo ay hindi pagmamataas. 8 Ngayon, Panginoong Diyos at Hari, Diyos ni Abraham, iligtas mo ang iyong bayan. Nais kaming lipulin ng aming mga kaaway, kami na sa mula't mula pa ay iyong bayang hinirang. 9 Iniligtas mo kami noon sa kamay ng mga Egipcio, huwag mo kaming pabayaan ngayon. 10 Dinggin mo ang aking dalangin sapagkat kami ang inyong bayan. Kaawaan mo kami. Ang aming pagtangis ay palitan mo ng kagalakan upang kami'y mabuhay at patuloy na magpuri sa iyo. Huwag mong hayaang mapahamak ang mga labing nagpupuri sa iyo.”
11 Malakas at mataimtim na nanalangin sa Panginoon ang mga Israelita dahil sa nalalapit nilang kapahamakan.
Ang Panalangin ni Ester 12 Labis na nabagabag si Reyna Ester kaya dumulog siya sa Panginoon. 13 Hinubad niya ang kasuotang pangreyna at nagsuot ng damit panluksa. Sa halip na mamahaling pabango, nagbuhos siya ng abo at dumi. Nag-anyong kawawa siya at tinakpan ng gusot niyang buhok ang bawat bahagi ng katawang dati'y inaayos na mabuti. 14 At idinalangin niya sa Panginoong Diyos ng Israel:
“Panginoon ko, tanging ikaw ang Hari namin. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at wala na akong ibang malalapitan pa kundi ikaw lamang. 15 Haharap ako sa napakalaking panganib. 16 Mula pa sa aking pagkabata ay narinig ko na sa liping kinabibilangan ng aking angkan na ikaw, Panginoon, ang humirang sa Israel bilang iyong bansa, at ikaw din ang sa panahong iyon ay pumili sa aming mga magulang upang maging iyong bayan magpakailanman. Tinupad mo ang lahat ng iyong ipinangako sa kanila.
17 “At ngayon, sapagkat kami'y nagkasala sa inyo, at ipinahintulot mong kami'y mapasakamay ng aming mga kaaway, 18 sapagkat kami'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Marapat lamang na kami'y inyong parusahan, Panginoon. 19 Subalit ngayo'y hindi pa sila nasisiyahan na kami'y gawing mga alipin. Namanata pa sila sa kanilang mga diyus-diyosan 20 na kanilang lilipulin ang mga taong nagpupuri sa iyo, at wawakasan ang kaluwalhatian ng iyong templo at dambana. 21 Nais nilang ang lahat ng bansang nasasakop nila ay magpuri sa kanilang mga walang kabuluhang diyus-diyosan, at sumamba sa kanilang hari na isa rin namang taong may kamatayan.
22 “Panginoon, huwag mong pabayaan na ang iyong kapangyarihan ay hamakin ng mga dinidiyos nilang ito. Huwag mong pabayaan na kami'y hamakin ng aming mga kaaway sa aming kasawian. Hayaan mong sa kanila maganap ang mga masamang balak nilang ito. At una mong gawin ito sa taong nagbalak ng aming kapahamakan, bilang halimbawa ng inyong pagpaparusa.
23 “Alalahanin mo kami, Panginoon. Ipadama mo sa amin ang iyong paglingap sa sandaling ito ng kagipitan. Bigyan mo ako ng lakas ng loob, Hari ng lahat ng mga dinidiyos at Pinuno ng lahat ng kapangyarihan sa lupa. 24 Bigyan mo ako ng kakayahang magsalita sa harap ng leon na si Xerxes, upang maakit ang kanyang puso na mamuhi sa taong kumakalaban sa amin at sa gayo'y mapahamak siya kasama ng mga nakikipagsabwatan sa kanya. 25 Iligtas mo kami, Panginoon. Tulungan mo ako sapagkat ako'y nag-iisa at walang ibang malalapitan kundi ikaw lamang.
26 “Ganap mong nababatid ang lahat, Panginoon. Alam ninyong kinasusuklaman ko ang karangalang ipinagkakaloob sa akin ng mga Hentil na ito. Kailanma'y hindi ko ninais makipagtalik sa mga hindi tuling Hentil na ito. 27 Subalit alam rin ninyo na wala akong magawâ. Kinasusuklaman ko ang pagharap sa mga tao na suot ang koronang ito. Hangga't maaari'y ayaw ko itong isuot. Kinasusuklaman ko ito at pinandidirihan na parang basahang ginamit ng nirereglang babae. 28 Ako na iyong lingkod ay hindi kailanman kumain sa hapag ni Haman, hindi ko pinaunlakan ang mga paanyayang dumalo sa handaan ng hari, at hindi rin ako uminom ng alak na inatang sa kanilang mga diyus-diyosan. 29 Mula pa noong ako'y dalhin dito hanggang ngayon, tanging ang pagsamba lamang sa iyo ang nagbibigay kaaliwan at kaligayahan sa akin, Panginoong Diyos ni Abraham. 30 “O Diyos, halos mawalan na kami ng pag-asa subalit ikaw ay makapangyarihan. Dinggin mo ang aming panalangin at iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway. At alisin mo po ang aking takot.”
Kabanata D
[edit]Dumulog si Ester sa Hari
1 Tatlong araw na nanalangin si Reyna Ester. Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang kasuotang ginamit sa pagdadalamhati at nagbihis muli ng kanyang magarang damit. 2 Matapos na siya'y mabihisan ng marilag na kasuotan, siya'y nanalangin sa Diyos na Tagapagligtas at nakababatid ng lahat. Pagkatapos, isinama niya ang kanyang dalawang lingkod na babae. 3 Lumakad siyang akay ng isang lingkod, 4 habang ang isa nama'y sumusunod na hawak-hawak ang laylayan ng kanyang napakahabang damit. 5 Si Ester ay talagang napakaganda, marikit at kahali-halina. Subalit sa kabila ng ganitong panlabas na anyo, ang kalooban ni Ester ay binabagabag ng matinding takot at pangamba. 6 Nakalampas siya sa lahat ng pintuan ng palasyo, at sumapit sa harap ng hari. Nakaupo ito sa kanyang maharlikang luklukan at ang kanyang kasuotan ay kumikinang sa ginto at mamahaling hiyas. Kahanga-hanga ang buo niyang anyo. 7 Ngunit nang makita niya si Reyna Ester, ang maaliwalas niyang mukha ay biglang nagdilim sa galit. Nalito ang reyna, namutla, at hinimatay. Napasandal siya sa balikat ng kanyang lingkod. 8 Subalit ang pagkagalit ng hari ay pinalitan ng Diyos ng pagkahabag at pag-aalala. Dali-dali siyang tumindig sa pagkakaupo sa trono at binuhat ang reyna hanggang sa ito'y muling magkamalay. Pinayapa at pinalakas ng hari ang loob ng reyna. 9 Sinabi ng hari, “Ano ba ang iyong kailangan, Ester? Huwag kang matakot, ako ang iyong asawa. 10 Hindi ka mamamatay. Ang batas na nagbabawal lumapit sa hari ay para lamang sa mga taong-bayan. 11 Lumapit ka.” 12 Itinaas ng hari ang kanyang gintong setro at inilapat ito sa leeg ni Ester. Niyakap at hinagkan siya ng hari at pagkatapos ay sinabi, “Sabihin mo sa akin ang gusto mo.”
13 Sumagot naman si Ester, “Sa pagtingin ko po sa inyo, mahal kong panginoon, para bang kayo'y isang anghel ng Diyos. Nagulat po ako at labis na natakot sa inyong kaningningan. 14 Walang kapantay ang inyong kamahalan, mahal kong panginoon, at ang inyong mukha ay puspos ng pambihirang karilagan.”
15 Subalit samantalang siya'y nagsasalita, muli siyang hinimatay. 16 Alalang-alala ang hari, gayon din ang lahat niyang mga tagapaglingkod. Sinikap nilang gumawa ng paraan upang mahimasmasan si Ester.
Kabanata E
[edit]Batas ng Hari sa Ikaliligtas ng mga Judio
1 Ito ang kopya ng sulat ng hari:
“Pagbati mula sa Dakilang Haring Xerxes. Ang sulat na ito ay para sa mga gobernador ng 127 lalawigan, magmula sa India hanggang Etiopia, at sa lahat kong mga tapat na nasasakupan.
2 “Maraming tao ang nagiging palalo kapag pinagkakalooban ng karangalan at kapangyarihan. 3 Palibhasa'y hindi marunong magdala ng karangalan at kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila, ang pinipinsala nila'y ang aking nasasakupan. Hindi lamang iyan; binabalak pa nilang ipahamak pati ang nagkaloob sa kanila ng karangalan at kapangyarihang iyon. 4 Hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob. Dala ng kanilang kapalaluan, naniniwala sila sa mga pakunwaring papuri sa kanila ng mga mangmang at masasama. At inaakala nilang sila'y makakaligtas sa hatol ng Diyos na nakakakita ng lahat at namumuhi sa masama.
5 “Malimit mangyari na ang mga namumuno ay nadadala ng ilang tauhang malapit sa kanila at pinagkatiwalaang humawak ng kapangyarihan. Dahil sa kanilang pagtitiwala sa mga ito, nadadamay sila sa mga pagpatay sa walang sala at sa iba pang mga kapahamakang pagsisihan ma'y wala nang lunas. 6 Sa pamamagitan ng pagsisinungaling at iba pang pandaraya, pinagsasamantalahan ng ganitong mga tauhan ang kagandahang-loob ng namumuno.
7 “Ang ganyang pagsasamantala ay di lamang natutunghayan sa kasaysayan. Nagaganap pa rin iyan hanggang ngayon, gaya ng pinapatunayan ng ilang malagim na pangyayaring naganap sa inyo. 8 Kaya mula ngayon ay sisikapin kong umiral ang katahimikan at kapayapaan sa ating kaharian. 9 Babaguhin ko ang ilang pamamalakad, at ako mismo ang buong ingat at katapatang susuri at hahatol sa bawat pangyayaring darating sa aking kaalaman.
10 “Tingnan ninyo ang ginawa ni Haman na anak ni Hamedata. Isa siyang Macedonio, isang ganap na dayuhan. Tinanggap ko siya, bagaman wala ni bahid ng dugong Persiano na nananalaytay sa kanyang mga ugat. Wala rin siya ni anino ng kagandahang-loob na ipinakita ko sa kanya. 11 Pinag-ukulan ko siya ng kalinga at malasakit na ipinapakita ko sa lahat ng lahing namamayan sa ating kaharian, hanggang sa tinawag siyang Ama ng ating bayan at itinaas sa isang tungkuling pangalawa sa hari.
12 “Ngunit hindi pa siya nasiyahan sa gayong kapangyarihan. Sa paghahangad niyang maagaw sa akin ang pamumuno, pinagtangkaan niya ang aking buhay. 13 Sa pamamagitan ng katusuhan at panlilinlang ay sinikap niyang ipapatay si Mordecai, na walang ginagawa kundi pawang kabutihan at minsan ay nagligtas sa akin sa kamatayan. Pinagtangkaan rin niyang ipapatay si Reyna Ester, ang butihin kong kabiyak, at ang lahat ng mga Judio sa kaharian. 14 Ang nais niya'y alisan ako ng mga tauhang makapagsasanggalang sa akin at sa gayo'y malupig ng mga Macedonio ang kahariang Persia. 15 Subalit napatunayan kong hindi masasamang tao ang mga Judiong pinaratangan at binabalak lipulin ni Haman. Bagkus, ang mga batas na sinusunod nila ay pinakamakatarungan sa lahat ng mga batas. 16 Ang Diyos na sinasamba nila ay ang Diyos na buháy, ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos. Siya ang Diyos na pumatnubay at nagpadakila sa ating kaharian buhat pa noong panahon ng aking mga ninuno hanggang sa ngayon.
17 “Dahil dito, ipinag-uutos ko na huwag ninyong isasagawa ang sinasabi sa sulat ni Haman. 18 Ang taong ito ay nabitay na sa pintuan ng Susa, kasama ang buo niyang angkan. Ipinalasap sa kanya ng Diyos, na namamahala sa lahat, ang parusang nararapat sa kanya.
19 “Ipinag-uutos ko rin na ilathala sa lahat ng lugar na ihayag ang mga kopya ng batas na ito. Hayaan ninyong mamuhay ang mga Judio ayon sa kanilang sariling kaugalian. 20 Tulungan ninyo sila sa pagtatanggol laban sa mga taong sasalakay sa kanila sa araw na itinakda para sa pagpuksa sa kanila—sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. 21 Niloob ng Diyos, na namamahala sa lahat ng bagay, na ang araw na itinakda para sila'y lipulin ay maging araw ng pagdiriwang.
22 “Ibilang ninyo ang araw na ito sa inyong mga pista opisyal, at ipagdiwang ninyo nang buong kasiyahan. 23 Maging paalala ito sa atin at sa ating mga mamamayan kung paanong kinakalinga ng Diyos ang ating kahariang Persia. Maging babala naman ito ng parusang inilalaan niya sa sinumang mangangahas magbalak ng ating kapahamakan.
24 “Bawat lalawigan at bansa na hindi susunod sa utos na ito ay makakaranas ng bagsik ng aking galit. Mamamatay sa patalim ang kanilang mamamayan, at susunugin hanggang mapatag sa lupa ang kanilang mga lunsod. Wala nang mga taong maninirahan doon. Pati mga hayop at mga ibon ay lalayo sa mga pook na iyon at di magbabahay o magpupugad doon sa habang panahon.”
Kabanata F
[edit]Naalala ni Mordecai ang Kanyang Panaginip
1 At sinabi ni Mordecai: “Niloob ng Diyos na mangyari ang lahat ng ito. 2 Naalala ko tuloy ang aking panaginip, at nagkatotoo ang lahat. 3 Ang batis ay naging ilog, dumaloy ang tubig at sumikat ang araw. Ang batis na naging ilog ay si Ester na napangasawa ng hari at naging reyna. 4 Ang dalawang dragon ay si Haman at ako. 5 Ang mga bansa ay ang mga taong naghangad lipulin ang mga Judio. 6 Ang aking bansa ay ang Israel. Tumawag siya sa Diyos na siya ay iligtas. Iniligtas nga siya ng Panginoon sa kapahamakan, sa pamamagitan ng maraming himala na kailanma'y di nangyari sa mga bansa. 7 Nangyari ito sapagkat magkaiba ang kapalarang itinalaga niya para sa kanyang bayan at para sa mga bansa. 8 Dumating ang sandali ng pagpapasya sa dalawang kapalarang ito, at kailangan nang hatulan ang mga bansa. 9 Naalala ng Diyos ang kanyang bayan at iniligtas niya sila sa kapahamakan. 10 Kaya mula ngayon, tuwing ikalabing apat at ikalabing lima ng ikalabindalawang buwan, magtitipon sila at ipagdiriwang ang mga araw na iyon nang buong kagalakan. Patuloy na gaganapin ang pagdiriwang na ito taun-taon, sa habang panahon.”
Pahabol
Ang nasabing sulat tungkol sa Kapistahan ng Purim ay dala ni Dositeo, isang paring Levita, noong ika-4 na taon ng paghahari ni Tolomeo at Cleopatra. Kasama niya ang anak niyang si Tolomeo, at pinatotohanan nilang tunay ang sulat na iyon. Ang nagsalin ng sulat ay si Lisimaco na anak ni Tolomeo, na taga-Jerusalem.